GORGY RULA
Sa Lunes, March 28, 2022, pa pala magsisimula ang bagong segment ng Lunch Out Loud (LOL) na "Maritest."
Pero may pasakalye na ngayong Biyernes, March 24, ang mga host na mga latest tsismis na mapapag-usapan daw sa kanilang bagong segment.
Pinaglaruan nila ang major throwback na hiwalayang Sharon Cuneta at Gabby Concepcion pati Pops Fernandez at Martin Nievera.
At humirit pa si KC Montero na nakipaghiwalay na raw si Charlene Gonzalez kay Troy Montero para kay Aga Muhlach.
Nakikita sa mga host na sobrang kampante na silang lahat, at masaya lang nilang pinaglalaruan pati ang katapat na programa.
Buong ningning na kinanta ni Isabelle Daza ang theme song ng Eat Bulaga! sa kanyang "knock knock" portion ng salitang "risotto."
Sinimulan niya sa linyang "mula Aparri hanggang Jolo," at sa huling linyang "buong bansa, Eat Bulaga" ay sumabay pa ang ibang hosts. Tinanong ni Billy Crawford kung saan doon ang "risotto."
"Di ba, ang kumanta si Vic riSotto?" sagot naman ni Isabelle, na dating naging bahagi ng Kapuso noontime show.
Ganun sila kakampante sa kanilang show na kering-keri nilang banggitin ang kalabang show, kaya magaan lang silang panoorin.
Ilang taga-TV5 ang nakatsikahan ng PEP Troika. Natutuwa raw sila sa magandang performance ng Lunch Out Loud kaya nagtataka sila na may mga lumalabas na intrigang magsasara na ito.
May ibang araw nga raw na ang LOL ang may pinakamataas na rating sa Visayas at Mindanao.
Napag-alaman ding isa raw sa nagpapalakas sa naturang noontime show ay si Alex Gonzaga.
Pero nitong mga nakaraang episodes ay absent pa si Alex dahil nag-Dubai ito. Kaya kapag walang Alex, pasok si Isabelle.
Sana, ituluy-tuloy na nila si Isabelle na masaya naman siyang panoorin sa LOL.
JERRY OLEA
OK lang kay Isabelle Daza na maging Pambansang Pinch Hitter sa Lunch Out Loud. Sa umpisa pa lang ng programa noong Oktubre 2020 ay kabilang na si Belle (palayaw ng 34-anyos na aktres, model, at TV host) bilang pinch hitter kay Alex Gonzaga.
"Hindi nila alam, three months pregnant na ako at the time. Nagsusuka ako," natatawang paggunita ni Belle nang mainterbyu namin noong Marso 5, Sabado, sa café na katabi ng LOL studio sa Kalayaan Avenue, Quezon City.
Pag hindi rin puwede si K Brosas at available si Belle, nahihila agad siya. Nawala na si Ariel Rivera sa Tropang LOL, andiyan pa rin si Belle.
Pinangarap pa ba niyang maging regular host ng LOL, e, abala rin syempre siya sa family life?
"Sa totoo lang, based ako sa Pilipinas when it comes to work. And yung plano ko sana, before pandemic, is umuwi ng Pilipinas to work," tugon ni Belle.
"Tapos, balik ng Hong Kong. Kasi, Hong Kong, one-hour flight lang naman, di ba? Saka may mga sale na flight.
"Pero now, with the pandemic, ang hirap. Dahil 14 days ang quarantine sa Hong Kong, e."
Plano niyang magbalikan sa Pilipinas at sa Hong Kong kung saan nagtatrabaho ang kanyang mister na si Adrien Semblat.
Nang makausap namin si Belle ay 11 months na siyang hindi nakakauwi sa HK. Nae-enjoy niya ang mga inaatupag niya sa Pilipinas bukod sa LOL.
Guest nga siya sa bagong teleserye ng KathNiel. Wala ring problema kung mag-guest siya sa GMA-7.
"Which is masaya!" bulalas ni Belle. Nahihirapan ba siyang alagaan ang dalawang growing-up boys na anak?
“Super-hirap. My God! I don’t know how I did it. I think mahirap maging working mom.
"Actually, mas mahirap maging full-time mom," saad ni Belle. "Pero working mom, mahirap din. Kasi, kailangan mong mag-balance ng life.
"Tapos, ngayon na lalo, you have to teach them iba’t ibang mga issues, asking consent, di ba? No means no."
Kailangan pa ba niyang mag-work? O para sa personal fulfillment na lang niya ang pagtatrabaho?
"Of course I have to work! Saan ako kukuha ng money to live, hello?! Ni sentimo, hindi ako binibigyan ng mom ko, ‘no?!" sambit ni Belle.
"KKB kami. I don’t know kung bakit may perception ang mga tao na hindi ko na kailangang mag-work.
"Hindi naman ako nakapag-asawa ng…"
Kanya-kanya ng bayad ang ibig sabihin ng "KKB."
So, necessity niya ang mag-work, at hindi lang para mag-enjoy?
"Both. It’s a necessity and nae-enjoy ko. I love to work siyempre. Siyempre, ang dami ko ring gastusin. Lahat naman tayo," sabi pa ni Belle.
NOEL FERRER
Ang galing. Ang pagbabalik ni Isabelle Daza. Alam nating sakripisyo pa rin ang paglabas ni Isabelle dahil pamilyado at nanay siya.
Pero aside from LOL, excited ako na kasama si Isabelle sa isang project with her good friend Iza Calzado and a major actor.
All the best, Belle!
