GORGY RULA
Pinuri ni Ariel Rivera ang theme song ng Kapuso afternoon drama series niyang The Fake Life na pinamagatang "Kakapitan."
Ang executive producer ng show na si James Ryan Manabat ang nagsulat nito at in-arrange sa GMA Playlist.
Ayon kay James, isinulat niya ang kanta noong kasagsagan ng pag-surge ng COVID-19 na hindi pa sila nakapagtrabaho.
Ngayong gagamitin na ang kantang ito sa The Fake Life, inayos niya ang lyrics at lalo pang ginandahan dahil ang buong akala niya ay si Ariel ang kakanta nito.
“Gusto ko sana si Sir Ariel ang kumanta ng theme song. Pero by that time, naka-quarantine na kami. Naka-lock-in.
“So, wala nang chance para makapag-record si Sir Ariel,” sabi ni James nang tinanong namin ito sa kanya sa nakaraang mediacon ng The Fake Life.
Pero napag-alaman ng PEP Troika na hindi pala talaga puwedeng kantahin iyon ni Ariel at baka magkaroon ng conflict sa kanyang recording company.
Wala akong ideya kung saang recording company siya committed, pero hindi siya puwedeng mag-record sa labas ng kanyang recording company.
Ang The Clash finalist na si Jennie Gabriel ang kumanta ng "Kakapitan," at maganda naman ang pagkakanta.
Pero pagkatapos itong mapakinggan ni Ariel at nakita ang music video, gustung-gusto raw niyang i-record ang kanta para magkaroon ng male version nito.
Iyon din ang wish ng nagsulat ng kanta at ang buong production staff ng The Fake Life dahil bagay talaga sana kay Ariel, at siya ang bida sa bagong afternoon drama nito.
Ngayong linggo ay matatapos na si Ariel sa lock-in taping ng The Fake Life, at wish niyang makagawa pa uli sa GMA-7. Pero nahirapan daw talaga siya sa pangmatagalang lock-in taping.
Sana nga, kaya pa ni Ariel mai-record ang kantang ito bago matapos ang The Fake Life na magsisimula na ngayong Kunes, June 6, sa Kapuso Afternoon Prime bago mag-Family Feud.
JERRY OLEA
Sana nga, mai-record ni Ariel ang theme song. Makakatulong iyon sa kanyang teleserye, pati na rin sa kanyang career.
Sana nga, makagawa pa si Ariel ng mga TV series sa GMA upang maipakita ang versatility niya bilang aktor.
One-of-those lang si Ariel sa iniwan niyang programa na Lunch Out Loud sa TV5, pero dito sa kabitserye niya sa GMA-7 ay bidang-bida siya.
Nagkontrabida si Ariel sa Kapamilya teleseryeng Hanggang Saan (2017) na tinampukan ng mag-inang Sylvia Sanchez at Arjo Atayde.
Bet kong gumanap si Ariel bilang Padre Damaso sa TV adaptation ng GMA-7 sa nobelang Noli Me Tangere, na ang working title daw ay Maria Clara at Ibarra.
Sakaling ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo ang gaganap bilang Ibarra, parang nakikini-kinita ko na ang mga nakakagigil na eksena nila ni Ariel!
NOEL FERRER
Ang galing nga nina Ariel Rivera at Gelli de Belen, nakakatawid sila ng iba’t ibang networks with ease.
Bakit? Dahil maganda ang relasyon nila sa mga taong nakakatrabaho nila.
Totoo lang silang tao kung makitungo and they are such a joy to work with — that goes without saying. And they are truly talented!
Sa pagkanta, hindi lang ikaw, Tito Jerry, ang nakaka-miss kay Ariel. Ako rin!
Sana talaga, bumalik din siya sa pagpe-perform. Basta, we will forever be supporters and friends of Ariel and Gelli!
