GORGY RULA
Abut-abot ang pasasalamat ng komedyanteng si Atak Arana sa GMA-7 na binigyan siya uli ng pagkakataong makapagtrabaho sa naturang network.
Matagal-tagal din daw siyang hindi nabigyan ng trabaho, pero sa pagbabalik niya, doble-doble ang suwerteng ibinigay sa kanya. Naging bahagi siya sa First Yaya at nasundan pa ng First Lady.
Sa susunod na linggo ay matatapos na ang kanilang taping. Na-extend pa sila ng dalawang buwan. Nag-break lang daw sila ng ilang araw, at sa susunod na linggo ay iti-tape na nila ang finale ng naturang drama series.
Iba na raw talaga ang bonding nila sa First Lady na parang ayaw pa nilang maghiwalay nung na-pack up sila nung nakaraang Martes, Hunyo 7.
“Sobra talaga. Kahapon nga parang ayaw pa naming umuwi, e. E, few days na lang tapos na ang taping.
“Kailan pa kami magkita-kita ulit kapag meron na ulit na project?
“E ako naman, may music video pa akong gagawin, para sa single ko na 'Allright.' 'Tapos may show pa ako sa Singapore, Korea, saka sa States,” saad ni Atak nang nakapanayam namin sa presscon ng Asia’s Golden Icons Awards na inorganisa ni Dr. Ronnel Ybanez at ng MPJ Entertainment Productions.
Si Atak ang paparangalang Outstanding Comedian of the Year sa awarding nito sa June 28 na gaganapin sa Okada Manila.

Iba raw talaga ang bonding nila sa First Lady na lahat sila ay naging close at tuluy-tuloy ang kanilang komunikasyon kahit tapos na sila ng lock-in taping.
Sabi rin ng bidang si Sanya Lopez, lalo raw silang naging close nang nagsama sila uli sa First Lady. Para na raw silang magkakapatid, lalo na ang grupo nilang The Dears.
Dagdag pang saya sa kanila ang patuloy na mataas na rating ng First Lady.
Noong nakaraang Huwebes, Hunyo 9 ay naka-16.3%, ito, at 10.2% naman ang katapat na FPJ’s Ang Probinsyano.
NOEL FERRER
Heto ang magandang lesson dito sa kuwento ni Atak.
Gusto niyang iparating na wala raw talagang maidudulot na maganda ang pagsusugal. Ito raw ang dahilan kaya lumagapak ang career niya at nasangkot siya sa gulo noong Oktubre 2017 sa Okada Manila.
Isa raw sa nagpapaalala sa kanya noon na tigilan na ang pagsusugal ay si Direk Wenn Deramas.
Dalawang beses daw siyang nadapa, pero mabuti at nabigyan daw siya uli ng chance na makabangon.
“Parang tinapik talaga ako ni Lord. Sinabihan ako nun ni Direk Wenn na para makabawi ka sa mga nawala sa ‘yo, huwag ka na magsugal.
“Kaya lang nung nawala si Direk Wenn, parang nakalimutan ko. Kumita ako ulit… pero wala talagang nangyayari sa sugal, e.
“Gusto ko sa mga kasamahan ko na nandiyan pa ngayon na ipakita yung nangyari sa akin na nakabawi, para huwag na silang bumalik doon.”
JERRY OLEA
Congrats, Atak! Vindicated ka!!!
Nawa’y ipaliwanag nang lubos ng organizers ang pagkapili sa iyo bilang Outstanding Comedian of the Year!
Magpapakitang-gilas kaya si Atak sa Okada Manila sa pagtanggap ng parangal sa kanya?! Abangan!!!
Naku! Huwag sanang matukso si Atak na magsugal muli sa Okada, ha?!
At umiwas na rin sa mga lalaki roon! Mahirap na!
Siyanga pala, ano na kaya ang nangyari sa bellboy ng hotel na inireklamo si Atak dahil daw sa panghihipo at panghahalik?
