GORGY RULA
Nasa huling linggo na ang First Lady at eksklusibong naikuwento ni Kakai Bautista sa PEP Troika na sobrang miss na miss na nila ang buong cast, lalo na ang grupo nilang The Dears.
Hindi pa raw sila nagkikita uli dahil may kanya-kanya na silang schedule.
"Ang hirap lang kasi magsama-sama kasi nga sa schedule. Marami kaming ganap, e.
"So, gagawin namin na... nag-promise kami na gawin namin talaga once a month o twice a month kami magkikita.
"Pero nag-uusap naman kami palagi," bulalas ni Kakai nang nakatsikahan namin sa Piña Festival sa Ormoc City nung Linggo, June 26, 2022.
Kasama ni Kakai sa The Dears sina Sanya Lopez, Maxine Medina, Cassy Legaspi, Cai Cortez, at Thia Thomalla.
Pero ang mahigpit na ipinagbilin sa kanila ng kaka-engaged lang na si Maxine na dapat ay walang mawawala sa kanila sa kasal nito.
"Napapag-usapan na namin. Siyempre pina-block off niya sa amin, e," pakli ng comedienne-singer.
Hindi pa raw pinag-uusapan ang date, pero sinabihan na sila ni Maxine na dapat ay dumalo sila at maaaring ang iba sa kanila ay bahagi ng entourage.
"Wala pa naman, pero kailangang nandun kayo at importante yung The Dears na ano. Pero wala pa, e. Sabi niya, 'Kailangan sa kasal, nandun kayo, mga Dears ko.'
"Kasi manggugulo kami, mangungulit kami. Baka makahanap pa kami ng dyowa dun," hirit pa ni Kakai.
Nabuo nila ang closeness na nagsimula pa lang sa First Yaya at natuloy pa rito sa First Lady.
"Dito mo kasi nakikita ang totoong ugali, e, kapag magkakasama kayo… dalawang buwan kayo magkakasama.
"Bawal kayo sa ganito, bawal kayong lumabas, bawal kayong magsaya, di ba? Talagang test of patience talaga," dagdag niyang pahayag.
Abangan na lang natin ang finale ng First Lady sa darating na Biyernes, July 1, kung saan may special participation sina Carla Abellana, Glaiza de Castro, at Rabiya Mateo.
JERRY OLEA
Si Kakai ang pangunahing tagapagtanggol ni Sanya Lopez. Natawa ang Dental Diva,
"Ha! Ha! Ha! Kahit naman kanino ata, ako ang nakikipag-away! Bilang mapagpatol. Ha! Ha! Ha! Ha!"
Totoo ba na binubuyo na ng The Dears na magka-boyfriend na si Sanya?
"Oo! Kung handa naman siya. At saka sabi naman niya, ngayon kasi, career. Sabi ko naman sa kanya, hindi iyan [love life] minamadali, e,” pag-amin ni Kakai.
"Kapag handa ka na… Mamaya kasi, siyempre, ma-overwhelm iyan, first boyfriend, ganyan, baka ma-overwhelm si vaklah, dyusko, pabayaan ang career.
"Sabi ko, 'Hindi! One at a time ka lang! Kasi, sobrang bongga yung career mo.'
"Kasi, kung may darating naman, meron naman talaga. 'Sa ganda mong iyan?! Sa bait mong iyan! Sa husay mong iyan!'
"Meron talaga. Saka ang bata niya pa."
Sinabihan daw nila si Sanya na hangga’t maaari, huwag itong mag-boyfriend ng taga-showbiz.
"Siya rin mismo, ayaw niya ng showbiz, e. Kasi siguro, nakita rin niya sa ibang tao, sa ano," pahayag ni Kakai.
"Gusto rin niya, as much as possible, private din. Tingin ko, sa dami ng nangyari, ayaw na rin ng ibang showbiz people na showbiz din yung magiging dyowa nila.
"Kasi, napakahirap, e. Kumbaga, mentally challenged tayo sa nangyayari sa atin. So, iba yung takbo ng utak natin ngayon, e."

MORE ABOUT BONDING WITH CO-STARS
Lalong naging close ang cast members ng First Yaya nang magkasama-sama silang muli sa sequel ng teleserye na First Lady.
"Grabe yung pinagdaanan. Actually, kaming lahat, marami kaming pinagdaanan sa lock-in," pahayag ni Kakai.
"Siyempre, di ba, akala nila, OK lang. Alam mo yun? Kasi siyempre, tayo, nababaliw rin tayo pag nandun ka lang.
"Iba rin yung effect sa mental health namin, emotional health namin. So, mas pinatibay talaga kami nung lock-in.
"Pero grabe yung pinagdaanan ng friendship namin. As in hindi lang mga Dears. Ang maganda kasi, tanggap namin ang isa’t isa kahit ano kami."
SINO ANG PASAWAY?
Meron bang naging pasaway sa lock-in taping nila?
"Sa batch kasi namin, mga takot din naman kahit papaano. So, proud ako to say na wala namang major na nangyari sa amin sa ano," saad ni Kakai.
"Alam mo na yun, yung mga very little lang, minimal lang, pero hindi siya talagang pasaway na pasaway.
"Kasi, takot kaming mawalan ng trabaho! Ha! Ha! Ha! Ha! Kasi, may memo kami! May memo kami pag may something!"
Nauso rin ang mga lock-in romance, huh?! Nakaranas ba siyang lumandi sa lock-in taping?
"Naku, hindi! Mahirap kasi nga, laging, ‘Tyangggg?!’ Mawala lang ako nang konti, ‘Tyanggg?!’ si Sanya, si Cassy, si Thia. Laging ‘Tyannggg’ nang ‘Tyannggg’!!!
"Paano ako lalandi? Paano ako lalandi sa lock-in?! Wala akong lalandiin, e! Layu-layo kami!
"Wala kaming chance na chumika with each other, not unless nasa taping kami pare-pareho.
"So, wala! Kasi, para akong may mga anak sa lock-in. Tyaaannnggg?!?!"
NOEL FERRER
Nakakaaliw si Kakai sa kanyang performance sa Piña Festival sa Ormoc City.
Third time na niya ito sa lungsod. Sa pagkakatanda ni Kakai, huling performance niya sa Ormoc ay isang taon makalipas ang super-bagyong Yolanda.
"Ang ganda na ng Ormoc! Kahit nung after Yolanda, mabilis silang nakaayos, e," sambit ni Kakai.
"Saka mas lalong umunlad ang mga businesses sa Ormoc, ‘no? Lalo silang lumago."
Kasabay ni Kakai sa motorcade noong Linggo si KD Estrada. Sa stage, nagbiro si Kakai na lamang lang ng ilang paligo at nakaungos lang sa kanya si Congresswoman Lucy Torres-Gomez dahil inubo siya.
Nag-ala Roselle Nava si Kakai sa pagbirit ng madamdaming “Wag Ka Nang Babalik” at “Dahil Mahal Na Mahal Kita” na kulang na lang ay sumigaw siya ng Happy Fiesta!
