GORGY RULA
Ipinakiusap na huwag nang pag-usapan ang isyu sa personal na buhay nina Pokwang at Rabiya Mateo sa virtual mediacon ng TikToClock ngayong Martes, July 12, 2022.
Ang TikToClock ay bagong game show ng GMA-7, na magsisimulang umere sa July 25, mula Lunes hanggang Biyernes ng 11:15 a.m. bago mag-Eat Bulaga.
Kasama nina Pokwang at Rabiya rito si Kim Atienza.
Pero nakasingit pa rin ang PEP Troika ng tanong kung paano nila hinaharap ang kani-kanilang heartbreak nang magsimula silang mag-taping ng TikToClock.
Anong saya ang maibibigay ng game show na ito para sa mga taong may pinagdaanan kagaya nina Pokwang at Rabiya?
Sabi ni Mama Pokie, last year nangyari ang hiwalayan nila ng partner na si Lee O'Brian kaya nag-focus na siya sa trabaho, at tamang-tama namang dumating itong TikToClock.
Read: Pokwang breaks silence on breakup with Lee O'Brian
Ani Pokwang, "Ang aming ano dito, happy time na. Kailangang maipakita namin iyon especially yung mga nasa bahay naming mga viewers.
"Yun naman talaga yung hangarin ng show—na magbigay kami ng saya.
"Kung ano mang meron tayong sarili nating kalungkutan, iwanan namin ‘yan, wala silang kasalanan. Gusto lang nilang tumawa. Kaya ibibigay namin ang ini-expect nila."
Ayon kay Pokwang, nakatulong ang samahan nilang co-hosts na pagaanin ang trabaho.
"At saka, suportahan kami dito e. Kung ano man ang pinagdaanan ni Rabiya, pinapatawa na lang siya namin. Nag-ookrayan kami.
"Hanggang hindi na namin namalayan, pinagtatawanan na lang pala namin kung ano man yung pinagdaanan namin."
Pahapyaw na tukoy ni Pokwang sa breakup nila ni Lee, "In fact, seven months ago pa akong ano, e… okay na ako."
At sa bago niyang show, dagdag ni Pokwang, "Ngayon eto, we’re very blessed. Kaya grateful kami na ipakita yun sa mga taong manonood."
Sa parte ni Rabiya, itinatak niya sa isip na hindi dapat dalhin sa trabaho kung anumang pinagdadaanan niya.
Hindi kaila sa mga tagasubaybay ni Rabiya ang napabalitang breakup nila ni Jeric Gonzales noong Hunyo.
Read: Rabiya Mateo, Jeric Gonzales break up after only three months of relationship?
"I need to remind myself that this is a very competitive industry. Hindi ko puwedeng dala-dala kung ano man yung bigat na meron ako sa trabaho," lahad ni Rabiya.
"Kasi, yung goal po namin is magpasaya. E, ganun lang naman din po, e. Walang buhay po na perpekto. Lahat po tayo may problema.
"However, hindi dahil sa may problema tayo, isa o dalawa, ganun na lang talaga. Doon na lang natin titingnan."
Tulad ni Pokwang, nananatiling positibo ang disposisyon ni Rabiya.
"So, dito po, masaya lang kami, kasi on and off cam, nagpu-focus na lang po kami sa lahat ng positive na nangyayari sa buhay namin.
"Kagaya po ng trabahong ito. Hindi po madali na makuha ang spot na ito, pero sa akin po binigay kasi nakita nila yung potential in me."
JERRY OLEA
Handa ba sina Rabiya at Pokwang sa panibagong relasyon matapos makipaghiwalay kina Jeric Gonzales at Lee O’Brian, respectively?
Tugon ni Rabiya, "Hindi po muna. Focus po muna sa career. Yun din po ang ina-advice sa akin ni Mama Pokwang at Kuya Kim.
"Palagi nilang sinasabi sa akin na, 'Ano mang mangyari sa iyo ngayon, sobrang blessed ka na at your age, nandito ka sa spot na ‘to.'
"And dun po muna mag-focus. Gusto ko po talagang maging magaling sa TiktoClock.”
Sabi naman ni Pokwang, "Hindi ko kinokontra si God. Inilalagay ko na lang lahat sa Kanya. Bahala Ka na po. Maghanap-buhay muna ako. Ikaw na po ang bahala.”
NOEL FERRER
Isang malaking hamon ang susuungin ng TikToClock dahil katapat nito ang pingasanib-puwersa ng TV5 at Kapamilya Network na LOL at It’s Showtime.
Nang makausap ko ang talent kong si Kuya Kim ay napakalaki ng pressure ipag-rate ang show lalo pa’t sa pagkaaliw ng management sa programa, ang hamon ay tumagal ito ng higit sampung taon.
Wow! Ibang klase ang expectations. Pero alam ninyo, masaya talaga ang show at ang taas talaga ng energy kaya aabangan natin kung magkukunek agad ito sa audience.
Mahirap ding makatapat ang dating kasamahan mo sa trabaho, pero sabi ni Kuya Kim, "Magkakaibigan naman kami kahit outside work kaya walang problema dun.”
Ngayon, sa pagandandahan ng shows at sa mga prizes na available sa mga contestants at audience, ang lalo kong sinasabi, ang panalo (dapat) ay ang audience!
