NOEL FERRER
Buti na lang, ligtas lahat. Buti na lang, tapos na ang kasal.
Buti na lang, maayos ang disaster response ng Baguio Country Club kung saan ginanap ang wedding ng ating Olympic champ Hidilyn Diaz sa coach niyang si Julius Naranjo.
Tulog pa ang bagong kasal at ang akala ni Haidie ay si Julius ang yumuyugyog sa kanya, hanggang sa na-realize niyang lindol na talaga ang nagaganap.
Agad-agad kinuha ni Haidie ang parte ng Francis Libiran outfit niya kagabi. Maging si Julius ay ang kanyang barong undershirt ang naisuot niya palabas.
Si Haidie raw ay agad-agarang nagdasal, sumunod na lang si Julius.
Lumabas ang lahat ng Country Club nang safe, at sagana sa pakain from breakfast hanggang lunch.
At assured ang mga tao sa safety ng building dahil nag-a-undergo ng room at building check bago kami bumalik sa building para kunin ang gamit at umalis.
Meanwhile, sarado na ang Kennon Road, kaya sa Marcos Highway lang nakadaan si Chris Tiu at ang asawa nitong nag-represent kina Ryan Agoncillo at Tita Virgie Ramos.
May speaking engagement pa si Chris sa Manila Hotel na pinaghanda na namin ng Zoom provisions kung sakali. Medyo traffic lang pababa dahil one way lang daw ang passable road.
READ: Olympic gold medalist Hidilyn Diaz is now married to Julius Naranjo
READ: Hidilyn Diaz a radiant bride in Francis Libiran wedding gown
JERRY OLEA
Pulot-gata nina Hidilyn at Julius, nilindol!
Naalala ko tuloy ang namayapang komedyante na si Gary Lising, na gumanap bilang Julius Makalindol sa TV series na Kaluskos Musmos (1984-89).
Siyempre pa, naalala rin natin ang July 16, 1990 Luzon Earthquake (3:26 p.m. PST) na magnitude 7.7 kung saan napinsala nang lubos ang Baguio City. Dalawampu’t walong (28) gusali ang nag-collapse sa Baguio, kabilang ang Hyatt Terraces hotel.
Ang epicenter ng pagyanig niyon ay malapit sa bayan ng Rizal, Nueva Ecija, at tinatayang 1,621 ang namatay noon.
Pero ibang-iba ang karanasan natin noon na wala pang social media, at lumaganap ang brownout sa Kamaynilaan. Hindi agad natin nabalitaan ang extent ng damage.
Ngayon, ambilis na kumalat sa Messenger, Facebook, at Twitter ang mga litrato at video clips kaugnay sa lindol.
Andiyan ang panalangin kay St. Emygdius, na dinadasalan umano kapag may lindol at kalamidad.

Agad-agad na may advisory at updates ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOCS-DOST) sa kanilang Facebook page.
GORGY RULA
Talagang literal na may payanig ang unang araw nina Julius at Hidilyn bilang Mr. & Mrs. Naranjo.
Memorable kay Hidilyn ang araw ng kanyang kasal dahil anibersaryo rin ito ng pagkasungkit niya ng gold medal sa Tokyo Olympics.
Dagdag pa sa memories nilang lindol pagkatapos ng kasal. Pati ang pamilya ni Julius na galing sa Guam ay memorable din ang karanasan nila rito sa Pilipinas.
Mag-iingat pa rin kayo diyan, Sir Noel.
Nasa Fort Ilocandia naman ngayon ang buong cast ng FPJ’s Ang Probinsyano. Naka-text ko si Lorna Tolentino, at nagulat nga raw sila sa malakas na yugyog sa kanilang lugar.
“Sway to the max! Nagbabaan kami. Buti na lang, 2 floors lang ang Fort Ilocandia,” bahagi ng text sa akin ni Lorna.
Thankful silang lahat na wala namang nasira sa naturang hotel.
“Matibay daw itong Fort Ilocandia. Magellan time pa yata ito [laugh emoji]” text uli ni Lorna.
At press time, nakapagtala na ng 140 na mahina at medyo malakas ding aftershocks sa Abra.
Pero wala naman daw Tsunami alert. May ilang infrastructure na na-damage sa Tuguegarao, Aparri, Cagayan, at sa Vigan.
Nauulat naman ang disaster response ng administrasyong Marcos. Sa katunayan, nasa Bangued, Abra na ngayon si DSWD Secretary Erwin Tulfo para kaagad na ma-check ang kalagayan ng mga kababayan natin doon.
