JERRY OLEA
Lubos ang pasasalamat ni National Artist Ricky Lee sa mga tumulong at nakibahagi sa paglulunsad ng first two volumes ng mga aklat ng screenplays niya.
Ginanap ang launching noong Agosto 9, Martes ng 4:00 p.m., sa ikatlong palapag ng Cultural Center of the Philippines.
Read: Ricky Lee grateful for the opportunity to give back after being named National Artist
Ang mga nagbasa ng excerpts ay sina Judy Ann Santos (Himala), Gina Alajar (Salome, Moral, Brutal), Aicelle Santos (Karnal), at Agot Isidro & Allen Dizon (Cain at Abel).

Agot Isidro (left) and Aicelle Santos
Nag-claim si Gina na siya ang paboritong artista ni Sir Ricky dahil tatlong screenplays nito ang binasahan niya ng excerpts sa book launch.
Nagbigay-buhay rin si Gina sa apat pang scripts ni Ricky na isinapelikula — Lucia (1992), Andrea, Paano Ba Ang Maging Ina? (1990), Bukas… May Pangarap (1984), at Playgirl (1981).
Pahayag ni Sir Ricky, “Puno ng tuwa at halu-halong emosyon yung dibdib ko mula pa kanina nang magsalita si Laurice [Guillen].
“Kasi, naalala ko yung mga panahon namin noon. Nagsu-shoot kami ng Dolzura Cortez [1993] na nasa shooting ako every day.
“Kasi, wala kaming script. Ahh, sinusulat ko yung script the day before the shooting, and then magdi-discuss kami ni Laurice.
“And then, dun ako nakababad sa shooting, and then the next day magsusulat uli ako.
“Nagdaan sa mind ko yung mga panahon na nasa Bicol when we’re shooting Salome [1981].
“Nandun na agad sina Gina Alajar at Johnny Delgado one month pa lang yata before nung shooting para yung skin nila, magbakbak, bago magsimula yung shooting.
“And I felt so at home because twelve years ago, lumayas ako ng Bicol at never akong bumalik sa Daet.
“Bumalik lang ako dahil sa shooting noon ng Salome, and dun sa set, I felt that I was at home again.
“And I have always felt at home again sa industriya ng pelikula even if alam niyo naman na mahiyain ako, laging conscious, dahil kinupkop ako nina Marilou Diaz-Abaya, nina Lino Brocka at Ishmael Bernal, aside from Laurice Guillen. Lahat ng mga direktor na nakatrabaho ko.
“Isa akong probinsyanong walang kamuwang-muwang na kinupkop nila, pinakain nila, pinataba nila, tinulungan nila, lahat.
“Ahh, and so even if I keep saying malaking karangalan sa akin ito na na-recognize ang isang writer, ang laki ng utang na loob ko sa aking mga direktor.
“Mga direktor na nakatrabaho ko, at even yung mga direktor na hindi ko nakatrabaho bilang direktor dahil hinahangaan ko ang mga pelikula nila.
“Sina Joey Reyes, sina Peque Gallaga, sina Mario O’Hara, na they kept saying, ‘Gagawa tayo ng pelikula.’
“Sina Celso Ad. Castillo. Kahit hindi natuloy, andami ko pa ring natutunan sa kanila.
“And yung mga artistang nakatrabaho ko rin, gusto kong pasalamatan dahil sa… anlaki ng… I think, inihusay at iginanda ng mga trabaho ko dahil nakikita ko kung ano ang ginagawa nila.
“Nakita ko si Vilma Santos sa set dun sa Dolzura, sa Relasyon, sa Miss X. Si Nora Aunor, si Allen Dizon.
“Nagdi-discuss kami ni Mel [Chionglo], at ganun ang ginagawa ni Allen, sabi ko kay Mel. ‘Kasi Ricky, ganito 'yan, ganito.’ ‘Ay! Oo nga, ano?’
“And then, pagtingin ko ulit sa ginagawa ni Allen sa set, parang nag-iiba na yung ginagawa niya sa tingin ko.
“So, parang every time, natututo ako even sa mga artistang katrabaho ko. Lalo na kay Gina Alajar na kine-claim niya na siya ang paborito ko.”
Natawa ang mga nasa book launch, kabilang si Gina.
Pagpapatuloy ni Sir Ricky, “Na habang kine-claim niya kanina, nagbibilang ako sa utak ko.
“Si Nora kaya? Si Vilma kaya? Si Phillip Salvador kaya? Lamang ba siya?
“So, even si Gina na ang tagal-tagal ko nang nakatrabaho mula nung simula pa lang, nung wala pa akong nalalaman, halos sabay kaming nagsimula ng career sa industriya — andami-dami kong natutunan sa kanya.
“Pero kanina habang nanonood ako sa kanila, kay Gina, kina Agot, kina Allen, kina Aicelle na nakatrabaho ko sa musical ng Himala, si Aicelle ang gumanap na Elsa sa Himala.
“At sabi namin ni Mac [Alejandre] at Paolo [Villaluna], yung directors ng show na ito, ‘Huwag natin siyang pakantahin ng 'Himala.'
“‘Bigyan natin siya ng mahihirapan siyang gawin, yung hindi pa niya nagagawa. Pahirapan natin siya, tutal mahusay siyang artista dun sa Himala.’
“Sabi nila, ‘Paano yung Himala?’ ‘Ibigay natin kay Juday, pahirapan din natin si Juday!’
“Kasi, mahusay naman si Juday at kayang-kaya niya. Nakatrabaho ko siya sa Sabel, pinahirapan namin siya, napakaraming roles sa isang pelikula.
“Nagawa niya. So, sabi ko, ‘Magagawa niya 'yan. Hayaan natin siya!’
“So kanina, nanonood ako sa performances nilang lahat, again… sa tagal ko sa industriya, parang natututo pa rin ako.
“Nakanganga pa rin ako, nakatingin na parang… may ibinibigay pa rin silang lahat na bago dun sa mga tauhang sinulat ko years and years and years ago.”

First row, seated: Paolo Villaluna, Gina Alajar, and Aicelle Santos; second row: Mac Alejandre, John Lapus, Agot Isidro, Allen Dizon, Ricky Lee, and Judy Ann Santos
GORGY RULA
Nagpasalamat din si Sir Ricky sa host ng programa na si John “Sweet” Lapus, maging sa mga dumalo sa book launch.
“Sana’y hindi dito matapos ang pagpaparangal natin sa mga writer sa pelikula,” pag-asam ni Sir Ricky.
“Sana’y dito pa lang ang simula.”
Pinasalamatan ni Sweet sa umpisa ng programa ang mga dumalo na nagmamahal sa pelikulang Pilipino, at naniniwala sa kahalagan ng screenplay sa pagbuo ng pelikula.
Dagdag ni Sweet, “Ganun din po ang lahat ng mga kabataan na nandito ngayon na patuloy na tumatangkilik sa mga libro ng ating National Artist for Film and Broadcast Arts… Sir Ricky Lee!
“Napakasarap sabihin! It was only years ago, 2019, as we celebrated the four decades of Sir Ricky dito rin sa Cinemalaya, yung Ricky Lee 4D.
“Dyinu-joke at pina-punchline pa namin lahat 'yan. At nangyari na nga this year. Congratulations, Sir Ricky. Well deserved po ninyo ang titulo na 'yan.”
Pagdidiin ni Sweet, makabuluhan ang paglulunsad sa Cinemalaya ng unang dalawang volume ng screenplays ni Sir Ricky.
Aniya, ang Cinemalaya filmfest ay “kandungan ng mga mahihilig sa pelikula, ng mga nabubuhay dahil at para sa pelikula.
“Ang mga obrang Brutal, Moral, Karnal, Himala, Cain at Abel, at Salome… ito po ay mga pelikulang bahagi ng Second Golden Age ng Philippine Cinema.
“Pelikulang itinuturing na mga klasiko ay bunga ng collaboration ni Sir Ricky sa iba’t iba pang National Artists tulad nina Lino Brocka, Ishmael Bernal, Marilou Diaz-Abaya, at Miss Nora Aunor.”
Nagbigay kapagkuwan ng keynote address ang presidente ng Cinemalaya Foundation na si Direk Laurice Guillen, na nagdirek ng pelikulang Salome.
Ani Direk Laurice, “Si Ricky and I, as you know, matagal nang magkaibigan at collaborators din.
“When I started wayback in 1981, at the time I wanted to do… sabi kasi, yung unang pelikula mo, kung successful yun, fluke yun. Maaaring suwerte lang.
“Tapos yung pangalawa, OK. Ahh, basta… yung pangatlong pelikula mo, yun ang magde-determine kung may karapatan ako, or you really have a career as a director.
“So, for my third film, there was a real story that I heard from my mother, at ang naisip ko kaagad na susulat ng screenplay, si Ricky Lee.
“Because it was the perfect story for Ricky Lee to write. Yun ang Salome.”
Ang nagdirek ng “Al” series na Brutal, Moral, at Karnal ay si Marilou Diaz-Abaya.
Ang Cain at Abel ay idinirek ni Lino Brocka, samantalang ang Himala ay idinirek ni Ishmael Bernal.
NOEL FERRER
Concise, relevant, at napaka-well received ang ginawang program kahapon.
Nakakatuwang nagtipun-tipon ang mga cineastes, aktor, filmworkers, workshoppers kahit nga estudyante’t guro na buong pasensiyang naghintay ng pagkakataon nilang makapagpapirma ng libro kay Sir Ricky.
Sa ginawang reading, saksi ako sa kaba at panginginig at panlalamig ng mga aktor na kasama namin sa naka-assign na backstage, pero nairaos nila nang maayos ang kanilang pagbabasa. Bravo!!!
Ang sabi ni Cinemalaya Foundation President Laurice Guillen tungkol kay Juday, “Husay niya! I was so moved by her reading. Different from Nora Aunor’s, but perfect in the context of the reading/book launch.”
At ang sagot talaga ni Sir Ricky sa lahat ng bumabati sa kanya sa maganda at successful launch kahapon, “Nagawa yun dahil sa kabutihan ng maraming tao. Maraming salamat talaga,” muli’t muling pasasalamat ng ating National Artist Ricky Lee.
