GORGY RULA
Mas maayos ngayon ang relasyon ng mag-amang Senator Lito Lapid at Ysabel Ortega, kumpara noong mga nakaraang taon.
Naibahagi ito ng ina ni Ysabel, ang dating That's Entertainment member na si Michelle Ortega, nang nakapanayam siya sa DZRH noong Martes, Agosto 23, 2022.
Read: Ysabel Ortega on speaking terms with father Sen. Lito Lapid; admits being closer to her stepdad
Muling naungkat ang isyu ng mag-ama dahil sa comments ng ibang netizens sa mga stunt na ginagawa ni Ysabel sa Voltes V: Legacy.
Proud si Michelle sa kanyang anak dahil gymnast kasi ito at aminado siyang nakuha ni Ysabel ang pagiging maliksi sa kanyang biological dad.
Ani Michelle, “In fairness naman…. talaga namang… lalo na during time ng Papa niya, talaga namang napakagaling naman niya sa action. Wala nang puwedeng magduda dun o mag-question, and I am proud of that.
“Talagang may nakuha talaga ang anak ko sa genes… pati ang pagkaliksi niya, pati ang pagiging mabilis niya.
"At saka kasi, si Ysabel nung elementary, nag-gymnastics siya. Trained talaga siya pati sa pag-split, pag-somersault, ang galing niya talaga."
Kinarir daw kasi ni Ysabel ang role niya bilang Jamie sa Voltes V: Legacy dahil pinili niyang huwag magpa-double sa ginawa niyang action scenes.
Pagmamalaki ni Michelle, “Wala siyang double. Lalo na nung pandemic, pinaigting na niya talaga. Inaral niya ang arnis, and then martial arts.
“Pinag-aralan niya talaga. Buti na lang din, gymnast siya noon, elementary pa lang siya, kaya talagang napaka-flexible at napakalambot ng katawan niya.”
Sa 2023 pa ipalalabas ang Voltes V: Legacy kaya naka-focus muna si Ysabel sa promo ng What We Could Be nila ni Miguel Tanfelix na magsisimula na sa Lunes, August 29, pagkatapos ng Lolong.
Sabi pa ni Michelle, proud si Senator Lapid kay Ysabel. Maayos daw ang komunikasyon ng mag-ama.
“Parang once in a while, nag-uusap sila. I just don’t know how often. Pero hindi naman nagkulang ang kanyang biological father sa pagtingin din sa kanya… sa responsibilidad.
“Yun nga, may time na physically hindi niya nakikita, pero sa mga ibang bagay hindi naman natitigil ang support niya kay Ysabel.
“Alam ko, very proud naman si Lito sa anak niya. Yun ang alam ko, very proud. Kasi minsan, pagka tumatawag ang assistant kay Ysabel, and then minsan nag-uusap sila ng Papa niya, sinasabi namang 'congratulations.'
“Mas nagku-communicate na sila ngayon kesa nung dati na natagalan,” saad ni Michelle.
NOEL FERRER
Open daw sila sa posibilidad na magkasama sa isang movie project ang mag-amang Senator Lito at Ysabel. Wala raw problema dun, at gusto rin naman daw ni Ysabel.
Sabi ni Ysabel, “Siyempre naman po, magkaroon ng chance, lalo na for example if it’s going to be an action movie. It would be very exciting.”
Pahayag naman ni Michelle, “Wala naman pong problema. Ever since naman, wala naman pong problema. Ang importante ngayon, si Ysabel, she’s very happy.
"Focused siya sa career niya, naka-support din si Daddy Greg niya sa kanya, naka-support din si Papa Lito niya sa kanya. Ako din lalo.
“Lahat kami, full support sa kanya.”
JERRY OLEA
Nakapanayam ko si Ysabel noong Abril 23, 2018 sa presscon ng Kapamilya teleseryeng Araw Gabi sa 9501 Restaurant, ELJCC Bldg., ABS-CBN Compound, Quezon City.
Inamin niyang mas malapit siya sa stepfather na si Police General Greg Pimentel kesa sa biological father na si Senador Lito Lapid. Wala siyang sinabing masama kay LL.
Ani Ysabel tungkol sa Papa Lito niya, “I look up to him. Isa po siya sa role models ko, and talagang... I still love him, and I look up to him po. There’s nothing but love.”
Lapid ang legal name ni Ysabel, pero noon pa man ay walang isyu kay Senador Lito na Ortega ang gamit ng daughter niyang screen surname.
