GORGY RULA
Pinatulan at pinalaki ang blind item tungkol sa pagkakasabay ng gandarang aktres at pogilicious actor sa isang event noong nakaraang linggo sa isang bayan sa probinsya.
Read: Marilag na aktres, nagmahadera sa event sa probinsya?
Pinalaki ng fans at kampo ni Jane de Leon ang blind item tungkol sa gandarang aktres. Inako nila ang blind item na lumabas sa ating pahina, pero paninindigan ng PEP Troika na yun ay blind item at wala kaming papangalanan.
Ikinabit na ito sa isyu nina Ruru Madrid at Jane, kaya nagtanung-tanong kami sa ilang sources na magkakaiba ang bersiyon ng kuwento.
Minabuti naming hingan ng panig ang dalawang kampo. Isantabi na natin ang blind item.
Ayon sa nakausap namin sa team ni Ruru, nilinaw raw ng organizer na nag-inquire sa kanila na ang bida ng Lolong ang huling magpi-perform.
Ayon sa ilan pang nakausap namin, gusto raw ng wife ng vice mayor si Ruru, at ito raw ang nag-decide na pam-finale ang Kapuso actor.
Sabi ng isang taga-Sparkle, ang talent management arm ng GMA-7, “Sa program, last talaga si Ruru as advised by the organizer to us.
“Nung hinahanap na si Jane, they made excuses na. Kesyo wala pa raw sa venue si Jane, but apparently may van na kina Jane daw iyun.
“But what they said is wala raw doon si Jane, at papunta pa lang daw sila. Advanced party daw yun.”
Ayon pa sa kausap namin, malapit nang tawagin si Jane para mag-perform, pero wala pa rin ang Darna star sa backstage. Patapos na kasi ang guest performer na susundan dapat ni Jane, kaya nagpa-follow up na raw ang staff.
“Nung malapit na matapos yung performer before Jane, they followed up. Ang sabi naman is hindi pa raw nakaayos si Jane at nagmi-makeup pa,” dagdag na kuwento sa amin.
Ang dating sa taga-Sparkle, parang nagdadahilan lang ang kampo ni Jane para mahuli lang ito mag-perform.
“Nung wala nang maisalang sa stage, Ruru politely offered na siya na lang daw mauna. Kasi, kawawa din yung mga tao na naghihintay.
“After the performance of Ruru, biglang ready na si Jane sa backstage,” sabi pa sa amin.
JERRY OLEA
Narito naman ang nakuhang kuwento ng PEP Troika mula sa kampo ni Jane de Leon.
Tinanong ng PEP Troika ang taga-TEAM o Tyrone Escalante Artist Management kung totoo bang mag-aalas dose na ng hatinggabi dumating si Jane, para sadyang mahuli siya.
Ani Tyrone, “Dumating kami sa tamang oras ng performance namin.
“Nakapag-courtesy call pa kami kay Vice Mayor at nagkaroon ng chance mag-photo op at makahalubilo sa mga tao.
“Before namin in-accept ang inquiry, alam namin from the very start na ang sabi sa amin huli talaga si Jane magpi-perform.”
Hindi raw totoong doon pa nagpaayos si Jane.
“May sarili kaming dala na hair and make-up artist, pati dancers.
“All set kami. Nag-aantay lang kami ng turn namin para sa sumampa sa entablado.
“Naabutan pa namin nagpi-perform sila Ruru.
“Nasa holding area lang kami kay Vice Mayor habang nagpi-perform siya,” dagdag niyang pahayag.
Hindi raw totoong nag-alisan na ang mga tao pagkatapos mag-perform ni Ruru.
May ipinadala si Tyrone sa PEP Troika na video na kumakanta si Jane sa harap ng napakaraming tao.
NOEL FERRER
“Truth, like art, is in the eye of the beholder. You believe what you choose and I'll believe what I know.”
Dialogue iyan ni Jim Williams na karakter ni Kevin Spacey sa pelikulang Midnight in the Garden of Good and Evil (1997) na idinirek ni Clint Eastwood.
Bahala na ang mga tao kung aling kuwento ang paniniwalaan.
Sabi ng isang taga-Sparkle na nakaka-text din ng PEP Troika, hindi mahalaga o dapat gawin pang isyu kung sino ang mauuna o mahuhuling mag-perform sa ganoong event. Ang mahalaga ay napasaya raw nila ang mga taong nagtiyagang naghintay para makita sina Lolong at Darna.
Sana, hindi na palakihin ang isyung ito. Nangyari na ang nangyari.
Magsilbing aral na sana ito sa susunod na huwag magpa-overcome sa sinasabing stature ninyo. The audience is KING, not you!!!
