JERRY OLEA
Mula sa tunay na pangalan niyang Margaret ang stage/screen name ng baguhang mang-aawit, mananayaw, at songwriter na si Tera.
Iyong huling apat na titik ng Margaret ang pinag-ugatan ng Tera. How catchy, di ba?!
Isa sa mga awit ni Tera ay pinamagatang "Sa Dilim," na siya mismo ang nag-compose.
Sa grand launch niya noong Oktubre 25, 2022, Martes, sa Seda Hotel, Quezon City, tila nang-aakit ang standee niya kung saan nakalagay, “Tera Sa Dilim.”
Madaling tandaan ang pangalan niyang Tera, lalo pa’t sa gay or showbiz lingó ay nangangahulugan iyong “inggitera.”
Sa totoong buhay raw ay hindi siya tera as in inggitera, kahit sa iba na buo ang pamilya. Wala siyang hugot ng inggit, bagkus ay ipinagpapasalamat niya ang mga biyayang nakakamit.
Panauhin ni Tera sa kanyang grand launch si JM de Guzman, na naka-duet niya habang naggigitara ang aktor. Napaka-harmonious ng blending ng kanilang mga tinig.
Naka-relate si JM sa dark tone ng latest single ni Tera na "Higher Dosage."
Lumaki si Tera sa panonood ng live concert CDs nina Michael Jackson at Beyoncé, na parehong humubog sa kanya bilang performer.
“Mula pagkabata, nagpi-perform na ako sa mga tao, at never akong napagod ibahagi ang aking talento. Umaasa akong di-magtatagal, makaka-relate din ang tao sa aking mga likhang awitin at magugustuhan nila ang aking performances,” aniya.
Idolo ni Tera sina Lea Salonga at Sarah Geronimo. Inaasam niyang maka-collab ang mga ito.
Ang career ni Tera ay mina-manage ng Tyronne Escalante Artist Management (TEAM), na nangangalaga rin kina Jane de Leon, Alexa Miro, Kelvin Miranda, Calista, at EJ Panganiban.
GORGY RULA
Napansin ng ilang entertainment press si Tera nung inilunsad ang P-Pop group na Calista.
Nagalingan na sila nun kay Tera, at naghintay lang ang TEAM at Merlion Events Production ng magandang timing para ilunsad ang 20-year-old singer-composer.
Tamang-tama naman, nakagawa na siya ng ilang kanta at ang mga ito ang ginamit niya sa launch.
Ang pinakagusto ko sa tatlong original songs niya ay ang "Higher Dosage" na ibang-iba ang tunog. Nung 2019 pa niya ito kinompose at siya rin mismo ang naglapat ng music.
Naiiba naman talaga ang style ng batang ito na tingin ko matataypan ng mga bagets.
Alam ni Tera na kakaiba ang musika niya sa kinasanayan nang pop. Pero aniya, ito ang dahilan kung bakit kailangan ang kanyang musika/awit.
“Marami nang love songs — finding it, losing it. Kaya ang inaalok ko ay real, deeper emotions, life events, at humanity.
"Kaiba ang debut single na ito sa kinasanayan ng tao, pero alam kong maski sino ay makaka-relate dito,” pahayag ni Tera.
Abangan natin ang release ng mga bagong tunog na dala ni Tera!
NOEL FERRER
Iba na ang music landscape ngayong digital era. Hindi na lang TV ang sukatan ng kasikatan at pagkagat ng masa.
Marami sa ating mga bagong singers ay nakakapuno ng concert venue na walang TV exposure pero active sa social media.
Ano kaya ang path ni Tera? Abangan natin!!!
