GORGY RULA
Ibinuking ni Jomari Yllana na may pagkuripot ang anak niyang si Andre Yllana kaya ayaw raw muna nitong magka-girlfriend.
Ayon sa actor-politician, matagal na silang hindi nag-uusap ng ina ni Andre na si Aiko Melendez para sa co-parenting sa kanilang anak. Pero regular ang komunikasyon nila ni Andre dahil nasa tamang edad naman daw ito.
“May kanya-kanya na kaming buhay, e. Masaya na siya sa kanyang buhay," sabi ni Jomari tungkol sa kanyang ex-wife na si Aiko.
"Okay naman si Andre, e. Nasa tamang edad na siya, 24 na siya. Okay naman ang komunikasyon namin,” dagdag pa niya nang nakapanayam namin siya sa DZRH nitong Miyerkules, November 2, 2022.
Nao-open naman daw sa kanya ni Andre ang lahat, pati ang love life nito.
“Nagkaroon ng girlfriend iyan dati nung 17 or 18 years old, parang ganyan. Hinihintay ko na sabihin niya na ipapakilala sa akin.
“Sabi ko, ‘Oo, gusto ko naman makilala.’ Tapos after a week, hinanap ko. ‘Ipapakilala mo ba sa akin yung girlfriend mo?'
"Sabi niya sa akin, ‘Dad, wala na kami e.’ ‘Anong nangyari?’ ‘E, Dad, pag may girlfriend pala ang gastus-gastos.’
“May pagkaku [kuripot]... 'E, we’re okay, we’re friends. Hindi yata ako ready na magkaroon ng relasyon,'” kuwento ni Jomari tungkol sa kanyang anak.
Balak sana ni Jomari na isama si Andre sa racing na sasalihan niya sa Paeng Nodalo Memorial Rally na gaganapin sa Subic Bay Freeport sa November 5 at 6. Nakahiligan na rin kasi ni Andre ang racing.
Kaya lang, puno raw ang schedule nito sa sinu-shoot na pelikula sa Viva Films. Mina-manage ng Viva Artists Agency ang anak ni Jomari.
Mabuti at mabait daw ang anak nila ni Aiko, at sinusunod ang lagi niyang ibinibilin kapag nasa trabaho ito.
Saad ni Jomari, “Pagdating naman sa pakikipagkapwa-tao, si Andre naman is super okay pagdating sa ganyan.
“Sinasabi ko sa kanya lagi tungkol sa trabaho, maging mapagkumbaba, dumating sa oras, huwag ma-late.
"Ituring ang trabaho na isang malaking responsibility kasi it’s not all about him. Maraming mga taong involved sa trabaho. Huwag mo silang bigyan ng sakit ng ulo, saka laging ano… always give your best."
JERRY OLEA
Matagal ding hindi nasabak sa racing si Jomari at nagpapasalamat siya dahil suportado raw siya ng mga taga-Parañaque.
Lahad ng konsehal ng Parañaque, “Humingi ako ng support sa mga kasamahan natin. Nandiyan naman sila sa LGU, they’re very excited.
"Sabi ko nga sa kanila, sana manalo. Kasi ang panalo natin, panalo rin ng city, and ano naman ito, e, it’s weekend event, dalawang araw lang naman.
“Hindi naman ito maaapektuhan. It’s actually more beneficial dun sa pagpu-promote ng City of Parañaque, ang Mega City by the Bay.”
Tiniyak daw ni Jomari na hindi ito makakaapekto sa trabaho niya bilang konsehal ng lungsod.
“Kailangan kong magpaalam sa kanila na merong dalawang araw na mawawala ako, at ako po ay magku-compete representing, siyempre isa akong Parañaqueno, and lahat naman sila very excited,” sabi pa ni Jomari.
NOEL FERRER
Natakda na ring magbabalik-pelikula si Jomari, pero hindi pa raw siya allowed na sabihin kung anong project ang gagawin niya sa ilalim ng Reality Entertainment ni Dondon Monteverde.
“Sabi ng production, wala pa raw puwedeng maibigay na details. Pero it’s an Erik Matti movie, kay Dondon Monteverde na project.
“Magsu-shoot kami ng December, naghahanda rin ako para dun, e.”
Ayaw sagutin ni Jomari ang tanong namin kung ito ba iyung prequel ng On the Job na pagbibidahan ni Jericho Rosales.
“Interesting casting, I assure you! Kahit ako nae-excite, promise!!!” bulalas ni Jomari.
