JERRY OLEA
Naka-11.3% ang Magpakailanman (MPK) ng GMA-7 noong Nobyembre 5, 2022, Sabado, kumpara sa 2.7% ng katapat nitong Maalaala Mo Kaya? (MMK) ng Kapamilya Channbel.
Tampok sa MPK ang episode na "Born To Be A Queen: The Edwin Luis Story" na pinagbidahan ni Royce Cabrera, kasama sina Benjie Paras at Candy Pangilinan.

“Happy ako, kasi, hindi ko expected na mapu-pull off ko yung ganung klaseng role bilang isang drag queen,” pagngiti ni Royce sa storycon ng pelikulang Sa Kanto ng Langit at Lupa nitong Nobyembre 7, Lunes, sa Iago’s restaurant, Sct. Rallos St., Quezon City.
“Masaya ako sa mga nababasa kong feedback na talagang naitawid ko yung role, naiarte ko nang tama. Kaya mas pag-iigihan ko ang mga ibibigay pang trabaho sa akin.”
Kinailangang mag-“ipit” si Royce sa nasabing episode.
“Bilang drag queen, kailangan daw po talagang gawin yun. First time ko po yun na mag-ipit. Ha! Ha! Ha!” halakhak ng Kapuso hunk actor.
“Medyo nahirapan po ako dahil baguhan po ako sa ganung klaseng pag-ipit. Pero merong naggabay po naman sa akin na mga nagda-drag dun, kung paano ang tamang gawin.
“Kaya nagawa ko po, kahit ako lang po ang nag-ipit sa sarili ko. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!”
First time din ni Royce na makakatrabaho si Direk Joel Lamangan sa pelikulang Sa Kanto ng Langit at Lupa, kung saan gaganap siya bilang katropa ng bidang si Sean de Guzman.

“Bilang nagsimula sa indie film, talagang dream ko po na maidirek ng isang Joel Lamangan,” sambit ni Royce.
“Kaya sa pagkakataong ito ay thankful po ako na maka-work ko si Direk Joel.
“Ako po rito si Jojo. Sa barkada, ako po ang kuya. And then talagang lugmok po kami sa kahirapan dito, kaming magkakabarda.
“Para kaming informal settlers at dumaan sa iba’t ibang pagsubok ng buhay dala ng kahirapan. Nakagawa kami ng mga bagay na hindi namin talaga intensiyon gawin.”
Ikinakasa na ang pagpapalabas ng launching film ni Jeric Gonzales na Broken Blooms. Mapangahas ang papel doon ni Royce bilang macho dancer na nagbuyo kay Jeric na rumaket din sa gay bar.
Read: Jeric Gonzales, hindi uurungan ang "paghuhubad" sa launching movie
Pinakamapangahas pa ring pagganap ni Royce ay ang Cinemalaya 2019 film na Fuccbois kung saan nag-frontal siya, at umaatikabo ang laplapan nila ni Yayo Aguila.
Read: Royce Cabrera on trending laplapan scene with Yayo Aguila: “Nagkasabayan nga!”
GORGY RULA
Naging magkaibigan sina Royce at Jeric nang magkatrabaho sa Broken Blooms. Lalo silang nagkalapit dahil sa Kapuso primetime series na Start-Up PH, kung saan bida sina Alden Richards at Bea Alonzo.
“Pareho po kaming wala ni Jeric sa presscon noon ng Broken Blooms sa Manila Hotel dahil naka-taping po kami sa Start-Up,” matamang kuwento ni Royce.
“Iyon pong pagpapa-sexy ko sa Broken Blooms, e, parte po ng story. Malalaman po natin kung bakit dumating tayo sa ganun ka-sexy things pag napanood na natin ang Broken Blooms sa December. Ha! Ha! Ha! Ha!”
May daring scene din si Royce sa pelikulang Sa Kanto ng Langit at Lupa.
Aniya, “May part po na medyo may ganung eksena pero may pinanggalingan naman po.
“At talagang mas bibigyang-focus naman po natin dito yung naging takbo ng story ng barkada.
“May sexy scenes, may mga drama sila na mabigat. So, halu-halo and feeling ko naman, mae-enjoy ng viewers kahit hindi lang doon nakatuon sa scene na yun.”
Maliban kina Royce at Sean, nasa cast ng Sa Kanto ng Langit at Lupa sina Jiad Arroyo, Marco Gomez, Jim Pebanco, Mardi Gozum, Mon Mendoza, Calvin Reyes, at Diyay Carabeo na handa sa paghuhubad.
NOEL FERRER
Marami pang papel na gustong gampanan ni Royce. Inaasam niya yung role na mala-Joker o may split personality.
“Yung lalagpas talaga ako sa limitation ko, yung mga out-of-the-box na character. Yun ang medyo dream role ko as of now,” saad ng prolific na si Royce.
Maliban sa Broken Blooms, nasa Call Me Papi rin si Royce at heto ngayon, nasa Sa Kanto ng Langit at Lupa pa.
Nahawahan na niya ng tapang sa pagkuha ng daring roles ang kaibigang si Jeric Gonzales. Sana pati si Alden na ka-close din niya sa Start-Up PH, hawahan niya rin ng brave at daring films para ibang level ng pagka-aktor ang ma-achieve nila.
What do you think?
