GORGY RULA
Wala nang itinatanggi si Bianca Umali kapag tungkol sa relasyon nila ni Ruru Madrid ang pinag-usapan.
Si Bianca ang special guest sa The Boobay and Tekla Show nung Linggo, November 20, 2022.
Sa simula pa lang ay lumalaban sa sagutan ang Kapuso actress kapag kinakantiywana siya tungkol kay Ruru.
Sabi nina Boobay at Super Tekla sa kanya, kaka-guest lang ni Ruru sa programa nila. Baka magkasalubong pa sila sa labas ng studio.
Kuwelang sabi ni Bianca, “Kahit nagkasalubong man kami o hindi sa labas, I don’t think it matters. Kasi, nagkasalubong naman yung mga puso namin.”
Masaya si Bianca dahil hindi na raw niya kailangang mag-deny o magbanggit ng kung anu-anong label.
Aniya, “Ngayon na mas naging open na kami, ang sarap sa puso kasi merong mga tao na sumusuporta sa amin, merong mga taong nagmamahal sa amin, hindi lang mga indibidwal, pero bilang kami sa Ruru and Bianca na magkasama.
“So, ang sarap, kasi ang dami naming nagiging mga kaibigan, ang dami rin naming nakitang mga tao na ay pamilya pala natin sila, kasi ganito nila tayo mahalin bilang tayong dalawa. Thank you very much po.”
Tinanong siya kung meron ba silang sini-celebrate na anniversary ng kanilang relasyon bilang magkasintahan.
Sagot ni Bianca, “Alam kong cheesy talaga siyang pakinggan, ha. Pero araw-araw talaga sini-celebrate namin as much as possible.
"Kasi para sa amin, hindi namin kailangan markahan yung isang importanteng araw na isang araw lang para sa aming dalawa, hindi.
“Kasi para sa amin, hangga’t nabubuhay kaming dalawa na magkasama, araw-araw is worth celebrating.”
Doon na rin in-announce ni Bianca na may gagawin silang drama series sa GMA-7 na pagsasamahan nila ni Ruru na may tentative title na The Write One.
JERRY OLEA
Ipinakita kay Bianca ang nakakakilig na mensahe ni Ruru para sa kanya.
Read: Ruru Madrid on Bianca Umali: "Sana siya na talaga yung babae na nakatakda para sa akin."
Ang sabi ng Kapuso actress, “Very flattering na marinig at makita na sinabi niya yun on air sa inyong lahat.
“Ang sarap sa puso kasi alam ni Ru kung gaano ako ka-private na tao, e. And hindi talaga ako katulad niya na ikukuwento ko ang lahat sa lahat.
“Pero, siguro kasi pagdating din sa aming dalawa, talagang sobrang lumalambot din yung puso ko na the fact na ganun siya ka-proud, it only shows me all the more that I am also the luckiest to have him with me as well.
“Thank you kasi alam mo kung gaano ka kaimportante sa buhay ko. Maraming panahon na pakiramdam ko mag-isa lang ako pero yung kamay mo nandiyan para meron akong hinahawakan at kinakapitan.
“Sa sinabi mo na hindi mo masusuklian man ang lahat, hindi ko hinihingi na suklian ang malaking… ang sa akin lang, diyan ka lang sa tabi ko, huwag kang mawawala sa akin, kasi hindi ko kaya.
“And hindi ako mapapagod na yakapin at hawakan din ang kamay mo sa lahat na pagkakataon na kailangan mo ako.”
Hindi naitanong kay Bianca kung totoong nagpa-convert na ito sa Iglesia ni Cristo na relihiyon ni Ruru. Pero base sa mga sagot nito, parang miyembro na siya ng INC.
Tinanong siya kung masasabi bang si Ruru na ang lalaking pakakasalan niya.
Aniya, “Siguro may tamang timing. Kahit siguro sabihin ko na rin na willing ako, marami pa kaming pagdadaanan hindi lang bilang kami mga taong magkasama, kundi bilang indibidwal din.
"So, may tamang oras. Ang Ama ang nakakaalam.”
Sinundan ng tanong kung ano ang dream wedding para sa kanya.
“Siguro siyempre yung traditional din na intimate na ceremony na sa loob ng kapilya.
“Honestly talaga, ang gusto ko yung hindi magarbo. Gusto ko talagang nandun ang pamilya niya, and yung lola ko. Actually, okay na ako dun. Siguro sa reception, nandun ang mga kaibigan.
“As much as possible talaga, very intimate lang saka tahimik.”
Una nating nasilayan ang nakakalanggam na WYSIWYG (what you see is what you get) na pagmamahalan nina Bianca at Ruru sa mall show ng Beautederm noong Setyembre 11 sa Ayala Malls Cloverleaf.
Mabuti naman at mas masustansiya na ang mga pagsisiwalat ni Bianca tungkol sa kanila ni Ruru at hindi eklay-eklay lang!
NOEL FERRER
Kasalan na ba agad?
Hindi lingid sa mga tao na mahal ko sina Ruru at Bianca. At sa puntong ito, ine-enjoy pa lang nila ang career nila at ang kanilang relasyon.
Siyempre, kasama ako sa mananalangin na sana, magkatuluyan sila. At kung kailangang magbago ng relihiyon, sana maharap nila ito nang maayos.
Enjoy lang, Ruru at Bianca. Tuloy lang!
