GORGY RULA
Dumating si Jeric Raval kasama ang daughter niyang si AJ Raval sa press preview ng pelikulang Pinoy Ghost Tales nitong Biyernes, Disyembre 9, 2022, sa HiDN Lounge sa Quezon City.
Hindi namin nakilalang si AJ pala ang isang kasama ni Jeric dahil naka-face mask ito at nakasumbrero.
Kahit kasama rin si AJ sa cast ng pelikula, hinatid lang niya ang ama at kapatid na si JK Raval, at umalis din kaagad.
Sa presscon proper, pinakiusapan kaming huwag nang ungkatin ang tungkol sa isyung pagkakaroon ng anak ni AJ Raval, courtesy of Aljur Abrenica.
Sinabi rin ni Jeric sa presscon na si AJ ang naghatid sa kanya. Hindi raw ito nagtagal dahil kailangan pa nitong humabol sa story conference ng pelikulang gagawin sa Viva.
Ipinaliwanag ni Jeric na ginawa ni AJ ang Pinoy Ghost Tales nung wala pa sa Viva ang anak niya. Pero ngayon ay interesado na rin ang iba niyang mga anak na pasukin ang pag-aartista.
Ang anak namang lalaki ni Jeric na si JK Raval ay pinapirma na sa Viva, pero hindi raw ito magpapa-sexy.
Jeric Raval and son JK Raval
“Dito sa anak ko, si JK kasi, nung pumirma siya ng kontrata sa Viva, nung nakita siya ni Boss Vic, ayaw siya bigyan ng sexy.
“Tapos, tiningnan siya ni Boss Vic, sabi niya, ‘Bagay sa yo, action.’ So, naghihintay lang sila ng project na action o kung ano ang bagay sa kanya. So, yun ang plano ni Boss Vic sa kanya,” saad ni Jeric.
May isa pa siyang anak na babae, si Noriko, na nasa Japan. Anak ni Jeric si Noriko sa isang Haponesa.
Nasabi naman daw kay Jeric ang balak ni Noriko na subukan ang showbiz dito sa Pilipinas.
Sabi pa ni Jeric, “Actually si Noriko, artista yun sa Japan, sa TV. Kasi mas boom sa kanila yung TV kesa sa movie industry nila. Saka marami silang mga TV station.
"Ano sila dun, grupo ng mga babae. Artista sila sa mga TV station at saka model.
“Sinabi naman niya sa akin. Sabi ko, ‘Puwede kang mag-artista dito. Pero ang tanong, kung marunong kang mag-Tagalog.’ Hirap siyang mag-Tagalog, e.
“Japanese yung mother niya, tapos yung English niya, hindi ganun kalinaw. Alam niyo naman ang accent ng mga Japanese,” sabi pa ni Jeric.
Read: Jeric Raval: "Kung maibabalik ko yung panahon, hindi na ako mag-aanak ng marami."
Tinanong namin kay Jeric kung ano ang ipinayo niya kina JK at Noriko base sa mga pinagdaanang isyu ni AJ.
Ani Jeric, “Ang payo ko na lang sa mga anak ko, dito kasi sa move industry, ang sikreto dito ay marunong ka makitungo sa mga tao, marunong ka makisama. Lahat dito, kaibigan. Ang iniipon dito, kaibigan. Hindi kaaway.
“Kahit kay AJ, yun ang sinasabi ko sa kanya. Lahat dito, kaibigan. Kung may namba-bash man sa yo, magpasalamat ka, kasi bina-bash ka. Ibig sabihin, sikat ka.
“Pag ina-ambush interview ka… iba kasi, pag ambush interview, ayaw, e. Pag may ambush interview, magpasalamat ka kasi may news value sa yo. Kaya ka ina-ambush interview.”
Sinundan na namin ng tanong tungkol sa mainit pa ring isyung kinasasangkutan ni AJ.
Sabi ni Jeric, “Yung mga naglabasang isyu dati kay AJ na…actually, matagal na yun, e. Nagtataka ako bakit hanggang ngayon hindi pa nanganganak… may buntis, ilang buwan na overdue na.'
Payo raw niya kay AJ: “Okay lang yun, anak. At least napapag-usapan ka. Okay lang yun. Masanay ka sa ganyan. Pasok sa kanang tenga, labas sa kaliwa.
“Okay lang yan. Kasama yan sa trabaho natin,” payo raw niya kay AJ.
Kaya hindi raw sila naaapektuhan sa patuloy pa ring isyung ibinabato sa anak. Tuloy lang sila sa pagtatrabaho.
By the way, itong Pinoy Ghost Tales ay trilogy gaya ng Shake Rattle & Roll, Takbo Talon Tili, at Huwag Kang Lalabas.
Idinirek ni Jose Nadela ang unang episode na "The Imaginary Friend," si John Isaac Natividad sa pangalawang episode na "The Manager," at si Afi Africa ang direktor sa pangatlong episode na "The Actress" na pinagbidahan ni AJ Raval kasama ang ama niyang si Jeric Raval.
NOEL FERRER
Nakiusap na rin si Jeric sa mga taong nagkakalat ng kuwentong buntis at nanganak na raw si AJ Raval.
“Sa mga tao na hanggang ngayon ay pinag-usapan yung isyu tungkol dun sa anak ko, sana po patahimikin na po natin. Kawawa naman po yung bata.
“Tapusin na po natin yung isyu.
"Ako na po ang nagsasabi at ulitin ko: ang isyu na yun ay isyu lang ho yun. Wala hong katotohanan lahat,” diin ng action star.
JERRY OLEA
Nanganak nang nanganak ang isyu kaugnay sa pagbubuntis umano ni AJ, lalo pa’t deadma ito sa promo ng kanyang movies.
Waley si AJ sa preview at Zoom mediacon ng Vivamax movie nila nina Angeli Khang at Kiko Estrada na Us x Her.
Iyong pelikulang Security Academy na ipinalabas sa mga sinehan noong Nobyembre 9, kasabay ang Black Panther: Wakanda Forever, hindi rin natin naramdamang prinomote ni AJ gayong bida rito ang kanyang ama at kasama siya sa cast.
Andiyan pa rin ang isyu na pinalitan siya ni Yassi Pressman bilang calendar girl ng isang produkto.
E, si Aljur, super-late din noon sa presscon ng MMFF 2022 official entry na Mamasapano: Now It Can Be Told.
Sisingaw at sisingaw ang totoo sa isyung may anak na sina AJ at Aljur. Detalyado ang lumabas na bali-balita, kaya wait and see na lang tayo kung ano ba talaga.
Teka! Kailan ba ipapalabas iyang lumang pelikula na Pinoy Ghost Tales? Pang-Halloween ang ganyang klaseng movie, di ba?