GORGY RULA
Noong Linggo, Enero 1, 2023 ko lang napanood sa Robinson’s Manila ang Metro Manila Film Featival (MMFF) 2022 Best Picture na Deleter.
May dalawang sinehan doon, kaya hindi na gaanong matao nang pinanood ko ito.
Sabi ng reliable source ng PEP Troika, halos 12% daw ang ibinaba ng Deleter, pero mataas pa rin ang total gross nito.
Kahit ang Partners in Crime ay bumaba na rin. Nasaid na rin siguro ang mga manonood ng dalawang topgrossers na ito.
Read: Deleter overtakes Partners in Crime in MMFF 2022 box office? 3rd place is Family Matters
Samantala, halos 70% daw ang itinaas ng Family Matters.
Naka-text ko ang producer ng Cineko Productions na si Mayor Enrico Roque, nagulat din daw siya sa biglaang pagtaas ng daily gross ng Family Matters nung Linggo.
Ayon sa aming source, naka-P7M ito noong Linggo.
UNOFFICIAL pa itong mga nakuha naming figures.
“Yes! Nagulat din kami halos yung gross kahapon kasinlaki ng December 25 gross ng movie. Sana, magtuluy-tuloy pa,” text ng producer ng Cineko Productions.
Kaya nagpapasalamat siya sa magagandang feedbacks sa pelikula sa kabila ng pang-iisnab ng MMFF jurors sa Family Matters.
Kung maganda talaga ang pelikula, papanoorin ito ng mga tao.
Read: Why MMFF 2022 jurors snubbing Family Matters in many categories surprises
“Salamat sa inyong lahat at sa magagandang reviews sa movie, kasi yun talaga ang nakatulong nang malaki para mas panoorin ng mga tao.
“Ang daming nagpo-post na pangalawang beses na nila pinanood at kasama na buong pamilya nila,” sabi pa ni Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan.
Ayon pa sa aming reliable source, tumaas din nung Linggo ang ilang pelikula kagaya ng Labyu with an Accent at My Teacher, pero mahihirapan na silang mahabol ang first three topgrossers ng MMFF.
Kahit ang Family Matters, ay hindi na rin kayaning habulin pa ang Deleter at Partners in Crime dahil sa laki ng agwat ng total earnings.
Pero posibleng maiiwan pa sa maraming sinehan ang Family Matters dahil sa nag-i-improve na performance sa takilya.
As of yesterday, ang tantiya ng aming reliable source ay naka-P330 to P340M na ang total gross ng MMFF ngayong taon.
JERRY OLEA
UNOFFICIAL itong nakukuhang figures ng PEP Troika.
Ayon mismo kay Acting MMDA Chairman and concurrent MMFF ExeComm Chairman Atty. Romando “Don” Artes, gaya ng dati ay hindi sila maglalabas ng kinita ng bawat official entry.
“Yung total lang, pero we don’t give yung individual na results ng gross receipts ng bawa’t isang pelikula. We don’t do that,” sabi ni Atty. Don noong Disyembre 27 sa New Frontier Theater, Cubao, Quezon City, bago mag-umpisa ang MMFF Gabi ng Parangal.
Read: MMDA Chairman Atty. Romando “Don” Artes, masayang "certified box-office hit" ang MMFF 2022
Ayon sa ating source ay P9M ang first day gross ng Family Matters noong Pasko, kaya nakakatuwa na naka-P7M pa ito noong Enero 1, Bagong Taon.
Samantala, nitong Linggo na unang araw ng 2023 ay naka-P23M ang Deleter, samantalang naka-P16M ang Partners in Crime.
We cannot overemphasize na UNOFFICIAL ang mga figures na ito.
May mga mall na tatlong sinehan ang pinagpapalabasan ng Deleter, at nababalitaan nating naso-sold out ang mga screening nito.
“More and more cinemas every day!” tweet ng direktor ng Deleter na si Mikhail Red nitong Enero 1, Linggo ng 4:17 p.m.
Ang Deleter ay prinodyus ng Viva Films, samantalang ang Partners in Crime ay joint venture ng Viva Films at Star Cinema.
Read: Deleter, big winner sa MMFF 2022 Gabi ng Parangal; Ian Veneracion, di nakapagpigil kay Mon Confiado
Sa walong entries ng 48th MMFF, pinakagusto ko ang Family Matters, at ito ang rekomendado ko sa aking mga kapamilya, kaibigan, at kakilala. Para sa mga Pilipino na nagmamahal sa kanilang mga magulang at kapatid, tangkilikin ninyo ang Family Matters!
NOEL FERRER
Ang pelikulang may legs at may dagdag na push at maganda ang word-of-mouth ang magtatagal sa box office.
Congratulations sa mga pelikulang patuloy na kumikita sa takilya at ibinalik ang interes ng moviegoers.
Holiday ngayon at walang pasok, tapos weekend pa rin ang January 6 and 7, kaya plus factor ito na may oras ang mga tao na manood pa ng sine.
Ang tanong: may pera pa kaya sila na puwedeng ilaan sa pelikula? Sana naman.
