GORGY RULA
Tama ang sabi mo, Sir Noel, na revenge malling ang mga tao nung nakaraang Lunes, January 2, 2022, dahil holiday yun at huling araw na ng long vacation.
Punung-puno ang SM Mall Of Asia (MOA) nung inikot ko dahil balak ko sanang manood doon ng iba pang entries ng 48th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Sobrang puno ang lobby ng sinehan at ilang ikot ang pila ng mga tao para bumili ng ticket kaya sumuko na ako.
Sabi nga ng reliable source ng PEP Troika, mas tumaas ang percentage ng mga nanood, at tumaas pa ang gross ng Family Matters.
Marami pa rin ang nanood sa Deleter at Partners in Crime, pero hindi kagaya ng sa Family Matters na pataas pa siya nang pataas. Mahigit P8M daw ang gross nito nung Lunes (January 2) na mas mataas pa sa kinita nung nakaraang Linggo (January 1).
Posibleng mapunta na sa Family Matters ang mga sinehang kukunin sa mahihinang pelikula.
Ang nakakatuwa pa raw, marami pa ang gustong mag-sponsor ng block screening para sa Family Matters. May mga nagmi-message pa raw sa producer ng Cineko Productions na si Mayor Enrico Roque na gustong magpa-block screening ng simbahan nila para sa kanilang parokyano.
Sa Sabado, January 7, ay magkakaroon ng block screening sa Estancia Mall na dadaluhan ng ilang cast para personal na magpasalamat sa lahat na sumuporta sa naturang pelikula.
May ilang nagti-Tiktok pa na nagtatanong bakit hindi nakakuha ng awards o kahit nominasyon man lang ang Family Matters, gayung maganda raw ang pelikula at ang dami raw nilang naka-relate sa kuwento.
Read: Puzzling: MMFF 2022 jurors snub Family Matters in many categories
Samantala, binati naman ng taga-Rein Entertainment ang Viva Films na nag-produce ng psychological techno-horror na Deleter. Napagtanto nilang tipong ganitong pelikula ang gusto ng mga manonood, kagaya ng sa Nanahimik ang Gabi, na isang ring suspense-thriller.
Gumaganda rin daw ang kita nito sa araw-araw pero hindi nga lang kaya pang abutin ang mga nangunguna sa takilya.
Ang maganda lang daw, hindi na sila nababawasan ng mga sinehan dahil padami nang padami ang mga nanonood.
JERRY OLEA
Nanguna pa rin sa takilya ng North America nitong nakaraang weekend ang Avatar: The Way of Water. Tatlong magkakasunod na weekend nang umaarangkada sa U.S. at Canada ang bagong epic sci-fi film na idinirek ni James Cameron.
Ang worldwide gross nito ay umabot na sa $1.4B. Konting kandirit pa at kakabugin na nito ang Top Gun: Maverick bilang pinakamalakas na pelikula ng 2022.
Sa Pilipinas ay ongoing ang 48th Metro Manila Film Festival hanggang Enero 7, Sabado. Disyembre 14 nag-umpisang ipalabas sa local cinemas ang Avatar: The Way of Water.
Mula noong Disyembre 25, araw ng Pasko, napanood na lamang ito ay sa specialty cinemas like IMAX.
Abala ang mga Pinoy bago mag-Pasko kaya marami-rami pa ang hindi nakakapanood ng Avatar: The Way of Water. Ibalik sana ito sa regular cinemas umpisa Enero 8, Linggo.
Hopefully, mae-extend pa ang topgrossing entries ng MMFF 2022 na Deleter, Partners In Crime, at Family Matters.
Showing na sa Sunday ang M3GAN, Whitney Houston: I Wanna Dance With Somebody, Shotgun Wedding, at That Boy In The Dark.
Idinagdag iyong “Whitney Houston” sa title ng I Wanna Dance With Somebody bilang marketing strategy.
Iyong unang pelikulang pinagbidahan ni Joaquin Domagoso na Caught in the Act ay nag-showing noong Disyembre 15, 2021 bago ganapin ang 47th MMFF. Itong ikalawang movie na bida si Joaquin ay ipapalabas naman right after the 48th MMFF.
Noong December 31, ayon sa Facebook page ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) ay Enero 13, Friday the 13th, ang playdate ng Plane.
Ngayong Enero 3, Martes ay inihayag ng CEAP sa FB na Enero 11, Miyerkules, na ang showing ng nasabing action-thriller film na pinagbibidahan ni Gerard Butler. May kinalaman kaya ang NAIA Air Traffic Fiasco sa pagbabago ng playdate ng Plane?
Enero 18 naman ang playdate ng pelikulang Girlfriend Na Pwede Na starring Kim Molina, Jerald Napoles, and Gab Lagman.

NOEL FERRER
Nakakatakot ang nangyari sa NAIA shutdown at nagawa ko ring matakot sa dami ng mga tao sa mall. Ingat-ingat din sa revenge ng pandemya talaga.
First day of work ngayong Enero 3, Martes, at ang paalala talaga sa akin ay magpa-full tank dahil magmamahal na naman ang presyo ng krudo. Pati presyo ng sibuyas ay wala pa ring pag-asang bumaba, paano na ang iba pang industriya?
Sana na lang, maipagpatuloy ang sigla at saya sa pagbabalik-pelikula kahit tapos na ang MMFF. Or back to reality na ba tayo?
Ang challenging naman talaga ng reality nating mga Pilipino.
