GORGY RULA
Nabigla si King Badger o si Jon Gutierrez nang kinumusta namin sa kanya ang estranged wife niyang si Jelai Andres.
Nakapanayam namin ang kilalang rapper at miyembro ng Ex-Battalion sa radio program namin sa DZRH nung nakaraang Biyernes, February 10 dahil sa nagpu-promote ito ng post-Valentine concert nilang pinamagatang Black Valentine na gaganapin sa Music Museum sa February 15, 2023, Miyerkules.

Nagsalita rin kasi si King Badger sa ilang interviews na sinabi niyang nandiyan pa rin daw ang pagmamahal niya kay Jelai. Pero inamin niyang hindi pa raw sila okey dahil may mga kaso pa silang hinaharap.
Kinasuhan si King Badger ni Jelai ng Concubinage at Violation Against Women and Children (RA 9262), at patuloy pa itong dinidinig sa korte.
Tipid ang mga pahayag ni King Badger dahil nasa korte na ang kaso. Pero gusto na rin daw sana niyang magkaayos na sila ni Jelai.
“May mga cases akong hinaharap against my wife. Obviously, as a man I’m still trying to fix it. So, yeah!
“Kasi po may mga cases kami na hinaharap, e. But siguro time will heal all wounds parang ganun,” medyo naalangan pang pahayag ni King Badger.
Nagkikita raw sila minsan sa hearing at binabati naman daw niya si Jelai. Parang feeling daw niya nagsimula na naman sila. Pero iyon lang daw ang hangad niya, na magkaayos na sila uli.
“Parang nagsisimula kami sa zero na, ‘Hi, Mommy.’ Sabi niya, ‘Hi.’
“Sa ngayon, on paper, we’re still husband and wife. I mean, technically we are still married.
“I think, hopefully one day, hindi naman sa ano…I’m not forcing her. But, hopefully one day,” saad ni King Badger.
Ilan pala sa makakasama ni King Badger sa kanilang Black Valentine concert ay mga kapwa rappers na sina Smugglaz, JROA, Crazymix, at Sisa.
NOEL FERRER
Masaya raw si King Badger para kay Jelai na gumaganda ang career nito bilang vlogger.
“I am very proud na I’m a part of her journey dun sa career niya, sa lahat ng natatamo niya ngayon, I’m proud. I would never stop her from what she’s doing right now. Yun nga po, I’m happy for her,” sabi ni King Badger.
Sana ay maging OK na sila ni Jelai—at kung ano mang kaso ang nakasampa pa ay malagpasan nila ito.
JERRY OLEA
Huli kong nakita si Jelai sa grand opening ng Beautederm headquarters sa Angeles City noong Enero 22, unang araw ng Chinese New Year.

Biniro ko pa siya na bakit hindi niya kasabay dumating si Buboy Villar na ka-tandem niya sa mga promo tour ng Beautederm.
Sabi nga, napaghihilom ng panahon ang sugat ng puso. Kaya inaasam natin na ma-settle ang dapat ma-settle sa pagitan nina Jelai at King Badger.
Samantala, nilinaw rin ni King Badger na okey naman daw sila ng dating manager nilang si Ai-Ai delas Alas, kahit hindi rin maganda ang paghihiwalay ng grupo nilang Ex-Battalion.

“I would say yung paghihiwalay, sa tingin ko hindi. But, it’s okay now. Relationship-wise, friendship-wise, we’re all good,” pakli ni King Badger.
Nagkasama pa raw sila sa dating series sa GMA-7 na Owe My Love kung saan nandoon din si Jelai.
Madalas daw silang nagkikita sa taping nung ginagawa nila ang Owe My Love.
“We were okay. Plus the boys, we’re all fine with her. Wala pong bad blood. We’re all good.
“Everytime we see her, we had a very good conversation. Yun nga, pinagtatawanan na lang yung mga hindi pagkakaintindihan, but we’re all good.”
