JERRY OLEA
Inamin ng baguhang aktor na si Drei Arias na fluid siya.
“Yung gender identity ko po ay gender fluid,” pagtatapat ni Drei sa mediacon ng BL movie na Baka Sakali nitong Pebrero 14, 2023, Martes, sa opisina ng AQ Prime sa Roces Ave., Brgy. Laging Handa, Quezon City.
“Gender fluid po ako. Wala po sa akin yung mga… nagkaroon na po ako ng ex na lesbian, ng ex na trans, mga ganyan, na wala po sa akin yan.
“Sabi ko nga po sa inyo, kapag confident kayo sa sexuality, maniwala na kayo sa mga karakter na ibinibigay sa inyo. Kasi, trabaho yan, e..."
Streaming na sa AQ Prime simula Valentine’s Day ang Baka Sakali, kung saan gumanap si Drei bilang fiancé ni Faith (April Gustilo). Closet gay si Drei, na bumigay sa openly gay na si Ferds (Leandre Adams) nang maka-bonding ito sa river eco park ng Pangil, Laguna.

Lumabas din si Drei sa erotic BL drama na Bingwit kasama sina Krista Miller at Conan King, sa direksyon ni Neal “Buboy” Tan. Streaming ito sa AQ Prime noon pang Agosto 8, 2022.
Read: Newbie sexy actors Drei Arias at Conan King, hindi naramdamang na-exploit sa BL movie Bingwit
Nagbida rin si Drei sa horror BL movie na Don Filipo (2021) with Luis Padilla, sa direksyon ni Tim Muñoz.
Nag-frontal si Drei sa tatlong pelikulang ito.
Read: Hubadero 2022 Edition: Male stars who did frontal nudity (real or prosthetic) in movies
Sa presscon lang ba ng Baka Sakali inamin ni Drei na fluid siya?
Napangiti ang 26-anyos na sexy actor, “Para sa akin naman po, normal lang naman po ako. Parang it’s never a thing. Parang hindi naman siya issue sa family, sa fans.
“Parang normal lang siya sa akin, saka kung paano ako, kung paano ako makitungo sa ibang tao. Iyon naman po ang mahalaga, di ba?”
Bilang fluid, masasabi bang adventurous siya sa pag-ibig?
"Hindi po. Kasi po, I really grew up sa conservative na family. Conservative pero hindi po discriminative,” pagmamatwid ni Drei.
“Kaya kung saan po ako masaya, sinusuportahan nila. And responsable po ako.”
Noon pa man ay may mga hugot siya sa Instagram na nagpapahiwatig ng kanyang fluid. May mga apektado ba sa mga hugot niya at inaalala na makakaapekto iyon sa pag-aartista niya?
"Siguro hindi naman po dapat maapektuhan yung personal life ko dahil nag-aartista ako,” pagbuntong-hininga ni Drei.
“Huwag na po nating pakumplikahin yung mga bagay-bagay. Artista ako, yun ang nagpakain sa akin, yun ang ginagawa kong trabaho.
“Pero gusto ko pa rin pong maranasang mabuhay kung paano mabuhay ang normal na tao.”
Normal as in?
“Like yung limitations po. Kasi, kapag nag-stereotyping na naman po tayo, di ba, kapag artista ka, kailangang ganito ka kumilos,” saad ni Drei.
“Kailangan palaging ganito ang mood mo, palagi kang nakangiti. Kailangan pag artista ka, lagi kang… reserved.
“Parang ngayon po kasi, mas relatable na ang mga artista ngayon, e. Hindi na po sila yung mga pa-showbiz-showbiz na lang.
“Mas marami pong nakaka-relate sa yo, mas maraming susuporta sa yo.”
Paano ba niya dine-define ang fluid?
“Parang ano po siya, blind po sa gender. Ahhmm regardless of your… parang… gender identity, basta nagkaroon ako ng attraction sa inyo, kahit sino po kayo, kahit anong gender identity po.”
Ilang taon siya nang ma-realize niya na fluid siya?
“I think I was 17 po. Kasi from being parang babaero, parang na-open ako sa ganun,” sabi ni Drei.
“Doon ko na-realize na, ‘Ay! Parang attracted din pala ako sa same sex.’ Tapos yung iba kong naging girlfriend, lesbian po.”
NOEL FERRER
Dahil marami na siyang nakahalubilo sa showbiz, marami na rin ba siyang nakilalang kagaya niya ay fluid, lalaki man o babae?
“I do not assume their gender identity po, e. Saka hindi po ako nagtatanong,” pahayag ni Drei.
“Kapag naman po straight ang isang tao, hindi siya pumupunta sa isang event tapos sasabihin niyang straight siya.
“Hindi naman po ganun, di ba? So, parang normal lang, kaya hindi po ako makakapag-assume ng mga identity ng ibang tao.”
May nagpaparamdam ba sa kanya na fluid sila or what?
“I think it’s their stand or choice kung magdi-disclose sila ng gender identity nila sa iyo,” sambit ni Drei.
“Kapag nag-disclose po ang isang tao, pagkatiwalaan nyo po ang isa’t isa, di ba? Na nag-disclose ka sa akin, sige, ingatan ko yung dinisclose mo.
“Hindi po siya pinipilit mailabas sa isang tao, na hindi siya puwedeng i-pressure na mag-come out sa public.”
GORGY RULA
Mas limitado ba ang kilos niya dahil artista siya?
Sagot ni Drei, “Yung gender expression ko po, ito po. Ito na po yung gender expression ko. Wala naman po akong itinatago.
“Ugali at talento naman po yung kinukuha sa akin, saka disiplina sa trabaho. Kaya hindi ko po napi-feel yung need na magpanggap. Maayos naman po ako.”
Ano ang pananaw niya sa respeto na dapat ipagkaloob sa nagsisiwalat ng kanilang gender identity na fluid, pansexual, metrosexual o ano man? Para sa iba ay dilemma iyon.
“Hindi na po kailangang maging part ka po ng LGBT community para lang respetuhin ka ng isang tao sa mga desisyon mo sa buhay,” pananalig ni Drei.
“I think basic ano na po yan, parang basic choice and principle yung pagrespeto ng kahit sinong taong makakasalamuha nyo po.
“Actually po tayo, nandun sa LGBT community. Lahat po, pati straight. Ang SOGIE [sexual orientation, gender identity, and gender expression] Bill po, hindi lang sa LGBTQ ang pinoprotektahan kundi pati po ang mga straight,” lahad ni Drei.
“Lahat po ng klase ng gender identity. Lahat po yan, pinoprotektahan.”
Siyanga pala, nasa cast din ng Baka Sakali sina Seon Quintos at Atty. Aldwin Alegre.
Ang direktor ng pelikula ay si Alejandro “Bong” Ramos, na nagdirek din ng La Traidora at Adonis X na kagaya ng Bingwit ay kabilang sa initial offerings ng AQ Prime.
