JERRY OLEA
Pareho ng time frame ang pelikulang Maid In Malacañang at Oras De Peligro — ang mga huling araw ng Pamilya Marcos sa Palasyo ng Malacañang.
Nanindigan man si Direk Darryl Yap na hindi raw political film bagkus ay family drama ang Maid In Malacañang (maging ang dalawang kasunod na pelikula sa Marcos trilogy), nananalig si Allen Dizon na political ito kagaya ng Oras De Peligro.
“Same genre, pero magkaibang interpretasyon,” pahayag ng multi-awarded actor sa mediacon ng Oras De Peligro noong Pebrero 12, 2023, Linggo, sa Max’s Restaurant, Sct. Tuason, Brgy. Laging Handa, Quezon City.
“Magkaiba ng perspective. Iba ang perspective ng Oras, iba ang perspective ng Malacañang.
“Family drama raw sila? Sa title pa lang naman, yun na yun, e. Title naman ang magsasabi sa isang pelikula kung political ba ito o hindi.
“About the family yung movie nila, oo, but also about Malacañang, di ba? Ito namang Oras De Peligro, obvious naman talaga na may pagka-political.
“Gusto lang naman naming ibalik-tanaw kung ano ang mga nangyari nung time na yun, during their time. Na alam naman natin, yung mga kabataan ngayon, hindi nila alam kung ano ang totoong nangyari. Marami ang naku-curious, e.”
Aware na ba siya sa mga kaganapan sa bansa noong Pebrero 1986?
Napatango si Allen, “Aware ako pero bata pa ako noon, e. Hindi pa ako mulat, so hindi ko maalala. Although siyempre, naalala ko yung time na martial law.
“Naalala ko yung time na pinatay si Ninoy [Aquino], yung time na nagkaroon ng People Power. Alam ko na yun, alam ko na yun… alam ko na yun.
“Hindi ko lang alam kung ano yung ipinaglalaban nila lahat that time siyempre. Hindi naman natin alam actually.
“Ang alam ko ngayon, hindi ako masyadong ma-pulitikal, e. More on sa gitna lang ako lagi.”
Ano ang natutunan niya sa paggawa ng Oras De Peligro na idinirek ni Joel Lamangan?
“Actually, ginawa ko na kay Direk yung Dukot, aktibista rin ako sa pelikula. Tapos itong Oras De Peligro,” saad ni Allen.
“Siyempre natutunan ko kung ano yung mga hindi dapat gawin, hindi dapat gayahin, about human rights violation, ganyan, di ba?
“Before kasi, parang… hindi natin alam ang reason kung bakit may mga ganitong nangyayari. Mahirap, kasi ang haba dapat ng explanation dito. Dapat magkaroon ng research about noong dekada ‘70, noong 80s, di ba?”
Ang Oras De Peligro ay classified as R-13 ng MTRCB. Showing ito sa local cinemas umpisa Marso 1, kasabay ang bagong movie ni Direk Darryl na Martyr or Murderer.
Nape-pressure ba siya na babangga ang Oras de Peligro sa star-studded at malaking pelikula?
“Actually, gusto ko ngang pag-usapan para at least talagang magkaalaman kung alin ang malakas talaga, di ba?” bulalas ni Allen.
“Alam naman natin kung gaano katamlay ang pelikulang Pilipino, so tingnan natin kung sino ang ano.
“Kailangang bigyan ng pansin talaga ng mga tao, ng mga Pilipino, na manood sa mga sinehan. Iyon naman talaga dapat, e.”
Co-stars ni Allen sa Oras de Peligro sina Cherry Picache, Therese Malvar, Dave Bornea, Jim Pebanco, Marcus Madrigal, Crysten Dizon, Rico Barrera, Timothy Castillo, Apollo Abraham, Elora Espano, Alvi Siongco, Mae Paner, Nanding Josef, Gerald Santos, at Alan Paule.
Tampok naman sa Martyr or Murderer sina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Cristine Reyes, Diego Loyzaga, Ella Cruz, Kyle Velino, Marco Gumabao, Jerome Ponce, Cindy Miranda, Rose Van Ginkel, Elizabeth Oropesa, Beverly Salviejo, Franki Russell, Eula Valdes, at Isko Moreno.
NOEL FERRER
Natatakot ba siyang baka ma-tag na subersibo o komunista dahil sa paggawa ng pelikulang kagaya ng Dukot at Oras De Peligro?
Napailing si Allen, “Hindi naman, hindi naman. Para sa akin, hindi naman ito para magwelga ang mga tao, e, di ba?
“Ginagawa ko ito as an actor, as an artista. Pero hindi naman komo ginagawa ako ng ganitong pelikula, parang against na ako sa government. Hindi naman, di ba?
“Kumbaga, para sa akin, it’s my own opinion lang. Kung ano yung paniniwala ko sa ganito, kung ano yung natutunan, so para sa akin na lang. Pero it doesn’t mean na kumokontra ako sa gobyerno.”
GORGY RULA
Noong Pebrero 8 nag-showing sa local cinemas ang pelikulang Latay nina Allen Dizon at Lovi Poe. In less then a month, iso-showing naman sa mga sinehan itong Oras De Peligro ni Allen with Cherry Pie Picache.
“Yung Latay, years ago ko pa ginawa. Ngayon lang ipinalabas. Pero itong Oras De Peligro, last year,” sabi ni Allen.
“So, halos nagkasunod sa sinehan. Ito na siguro yung parang pagbabalik ng mga pelikulang Pilipino. Although minsan nakakalungkot lang.
“Na noong first day ng Latay, umikot kami sa mga sinehan, medyo may mga konting nanonood. Parang hindi pa talaga nakakabalik sa sigla ang pelikulang Pilipino. Pero sana, ito na yung start.”
Inaasam ni Allen na marami sana ang tumangkilik ng Oras De Peligro at mabawi ng producers ang kanilang puhunan para makagawa pa ang mga ito ng maraming pelikula.
“So kung walang magpo-produce, walang magsasabi ng totoo, gaya ng sinabi ni Direk Joel. Walang gagawa ng ganitong klaseng pelikula kundi si Direk Joel,” sambit ni Allen.
“So I’m thankful na napasama ako sa pelikula. Yung personal opinion ko, doon ako sa totoo. Doon ako sa totoong nangyari.”
