GORGY RULA
Kung pinagtripan ng netizens at ilang celebrities ang underwear pictorial ni Joseph Marco, itong post ni Marlo Mortel na eksena sa pelikulang Ako Si Ninoy ang kasunod na pinaglaruan ng mga netizens.
READ: Gerald Anderson, netizens react to Joseph Marco’s new “pabakat” photo on Ash Wednesday
Ipinost ng singer/actor sa kanyang social media account ang torture scene niya sa Ako Si Ninoy nung first day of showing nito sa mga sinehan nung February 22, Miyerkules.
Sa torture scene na yun ay naka-underwear lang siya at nakabitin na nakatali ang dalawang kamay. Sabi niya sa kanyang caption, “Probably one of the most challenging roles I’ve done.”
May ilang komentong nagku-congratulate sa kanya, pero karamihan ay nag-comment sa pabakat niya sa underwear.
May ilang comments na sinasabing alas-dose ang pabakat, at meron ding nagsasabing “zoom in zoom out.”
Kapag i-zoom mo ang kuhang iyon ni Marlo ay nakikita mo ang bakat, at ang halay na ang komento ng iba.
Nung nakaraang premiere night ng naturang musical film na ginanap sa Cinema 7 ng Power Plant mall sa Rockwell Center, Makati City ay sinabi na ni Marlo sa PEP Troika na first time lang daw niyang maghubad sa pelikula o kahit sa TV series.
“Itong Ninoy, first time ko yan kasi first time kong mag-underwear sa pelikula or series, dahil nga to-torture-in ako! Talagang torture talagang madugo!” pakli niya.
Mabuti na lang at hindi naman daw siya pinag-frontal kagaya ng ginawa kay Johnrey Rivas sa Katips.
“Hindi naman ginawa nila sa akin yun, buti na lang,” bulalas ni Marlo.
JERRY OLEA
May mga nagkokomento ring dapat na magpa-sexy na raw si Marlo, o lumabas na sa Vivamax.
Open naman daw siya sa ganung project, pero hindi pa raw muna sa ngayon.
“Sa ngayon, hindi pa talaga dahil ang katawan ko naman, hindi pa prepared,” sabi ni Marlo.
Pero sakaling okay na ang katawan niya, mapapahubad kaya siya nang bonggang-bongga sa isang sexy film?
“Kung maganda siya, kung hindi siya pang-sexy na ano…
“Depende. Depende sa kung gaano kaganda yung istorya, yung project. I don’t mind,” saad ng singer/actor.
Pero mahilig din naman siya mag-post ng mga sexy photos niya sa Instagram.
“Kasi tumatanda na rin naman tayo. So, minsan talaga mahilig na ako mag-post ng ganun. Pero hanggang ganun lang. Virgin pa ako!” pagbibiro pa ni Marlo.
NOEL FERRER
Musical film ang Ako si Ninoy, pero may pagkapulitika. Pero sabi ni Marlo, hindi raw talaga siya nakikisawsaw sa mga isyu ng pulitika.
Hindi raw talaga siya nagbibigay ng opinyon tungkol sa pulitika natin. Ginawa lang daw niya itong Ako si Ninoy dahil sa pagiging artista niya, hindi dahil sa may sarili siyang paninindigan pagdating sa pulitika.
“Hindi kasi talaga ako into politics. Alam naman nila yun, e. Never naman ako nagsabi talaga anything about politics sa buong buhay ko.
“Never! Never talaga. Kaya feeling ko, wala rin akong karapatang magsalita, dahil hindi naman ako nakaboto. Yung ganun! Nasa States ako niyan, e. Kaya hindi ako nakaboto.”
Talaga ba, Marlo? Taliwas bale ito sa paniniwala na lahat ng bagay ay politikal. At hindi ko alam kung makakatulong na ipagmalaki na hindi ka nakaboto, at wala kang karapatang magsalita. Yun lang.
