GORGY RULA
Ang bagong bahay na ipinapatayo ni Ryza Cenon at ng partner niyang si Miguel Antonio Cruz ang pina-prioritize nila sa ngayon.
Wala pa sa plano nila ang kasal. Iyon ang nilinaw ni Ryza nang nakatsikahan namin sa nakaraang mediacon ng bagong komediserye ng TV5 at Viva Entertainment na Kurdapya.
Aminado ang aktres na hindi pa siya handang magpakasal. Masaya naman daw siya sa relasyon nila ng ama ng kanyang anak na si Night.
“Iyon po ang laging tinatanong sa akin kung 'May plano ba kayo magpakasal?'” saad ni Ryza sa mediacon noong Marso 9, 2023, Huwebes sa TV5 Media Center sa Reliance St., Mandaluyong City.
“Wala pa po. Hindi po namin yan priority. Kasi, for me po, naniniwala ako na kailangan muna namin magtayo ng foundation sa relationship namin, sa family namin, para mas tumibay po kesa yung bigla-bigla na lang kami magdesisyon na magpakasal, 'tapos ending, maghiwalay din.
“Mas okey po na magbuo muna kami ng foundation para hindi siya agad mabuwag.”
Sa tingin ni Ryza, itong bagong bahay muna ang gagastusan nila, pati ang pagpapaaral sa kanilang anak, at saka na ang kasal kapag handa na talaga siya.
“Ngayon po, naghintay lang po kaming matapos yung bahay na pinapagawa po namin. I think this year po, matatapos na siya. 'Tapos, lipat na po kami dun, and then yun po.
“Focus muna po kami kay Night, sa school niya, ganyan, kasi medyo mahal po magpaaral,” pahayag ni Ryza na kontrabida na naman dito sa Kurdapya na mapapanood na sa TV5 simula Marso 18, Sabado ng 6:00-7:00 pm.
NOEL FERRER
Si Ryza raw talaga ang hindi pa handang magpakasal.
Ani Ryza, “Ang hirap na gagastos ka sa kasal, 'tapos ang ending ay hiwalayan lang din, gagastos na naman sa annulment.
“Ako po yung actually nagsasabi na hindi pa ako ready na magpakasal.
“I’m more on yun nga, hindi kailangan… kasi ang dami kong nakita din naman, yung ibang friends na nagpakasal, 'tapos naghihiwalay bigla.
“'Tapos, ang dami ko rin pong nababasa na ganun yung ano, nagiging scenario nila. For me, it’s a lesson siyempre.
“Parang… kung hindi ka sure, huwag mo munang pasukin yung mga ganung level na magpapakasal ka na hindi ka naman pala sure pa dun. Bakit ka magpapakasal?
“Magsasayang kayo ng pera sa kasal, 'tapos mag-annulment kayo, magsasayang na naman kayo ng pera, di ba?
“So for me, kinausap ko siya, I’m not ready.”
For now, parang Ryza dabbles from projects in TV5 and ABS-CBN and some streaming platforms. Ganyan na yata talaga ang kalakaran ngayon.
Good luck, Ryza!!!
JERRY OLEA
Hindi madali kay Ryza ang mga pinagdaanan niya pagkatapos niyang isilang ang anak niyang si Night.
Nataon pa ito noong pandemya at hindi pa niya nakakasama nang madalas ang kanyang partner dahil nasa lock-in ito.
“Siyempre, mag-isa lang po ako sa bahay. Na-box po ako sa bahay, kasama ko yung anak ko.
“Ang dami ko pong bad na naiisip, ganyan. So, nilabanan ko po talaga yun.
“Thankfully po binigyan po ako ng Viva na para maano po yung atensyon ko sa iba, hindi ko maisip yun.
“So, binigyan nila ako ng paunti-unti na project hanggang sa binigyan yung totally okey na po ako, saka binigyan po nila ako ng projects,” pahayag ni Ryza.
Napagdaanan na niya itong depression nung hindi pa siya nabuntis at nalagpasan daw niya ito sa tulong ng panalangin.
“Ang ginawa ko, siyempre nagpi-pray ako. Kinakausap ko lagi si Lord.
“Parang… every time po talaga na napalubog ako na hinihila ako pababa, lagi kong kinakapitan si Lord. Kasi, hindi lang naman po itong first time na na-depress ako.
“So, may mga times nung before pa ako nabuntis, meron din akong series na depression, e.
“So, lagi po talagang Siya ang tinatakbuhan ko, ang kuya ko, tinatakbuhan ko siya.”
