JERRY OLEA
Nag-soul swapping ang groom na si Junior (Enchong Dee) at ang transgender woman na si Wilhelmina (Kaladkaren) sa pelikulang Here Comes The Groom na isa sa walong official entries ng 1st Summer Metro Manila Film Festival (MMFF).
“Ang hirap maging babae!” tili ni Enchong sa pag-uumpisa ng mediacon nitong Marso 29, 2023, Huwebes ng gabi, sa SM Megamall, pagkatapos ng premiere screening doon.
Paano niya tinanggap ang project na ito nang ialok sa kanya?
“Sunday night, tumawag po sa akin si Atty. Joji [Alonso, producer ng Quantum Films],” lahad ni Enchong.
“Pag kausap niyo po si Atty. Joji, parang wala po kayong ibang sagot kundi ‘yes.’ Ganun po siyang mag-present ng pelikula.
“Pero gusto ko rin pong pasalamatan si Atty. Joji kasi nung kinausap niya ako, hindi ko alam kung totoo o hindi.
“Pero sabi niya sa akin, ‘Ikaw talaga ang naiisip ko dito.’ Kaya sabi ko, ‘Sige po, laban. Kailangan ko po ng ganitong materyal. Gawin po natin ito!’”
Paano niya pinaghandaan ang karakter na sinaniban ng transgender woman?
“Yung kalahati po ng trabaho, kay Direk Chris [Martinez] kasi buung-buo yung script nung binigay po sa amin.
“At kalahati po ng pelikula, dahil kay Kaladkaren. Yung generosity ni Kaladkaren para ibahagi kung paano niya gagawin si Wilhelmina, siya po talaga to.
“And I will always be thankful to Kaladkaren for being so generous. Kasi po bawa’t eksena, kahit po tulog na siya, gigisingin po siya ng production para tanungin lang, paano niya ito ide-deliver?
“Ganun po siya ka-generous. Kaya Kaladkaren, I love you! I love you! I love you!”
Reaksiyon ni Kaladkaren, “Iyon nga, e. Ako rin, nagpapasalamat ako nang buong puso kay Enchong.
“Kasi sa bawat eksena ko rin, tinatanong ko siya kung paano niya ide-deliver yung line.
“So thank you, Enchong, for helping me to become a man. Kasi sa totoo lang po, napakahirap po para sa isang transgender woman na katulad ko na magpakalalaki o maging lalaki.
“Kasi yun na nga po ang bagay na tinalikuran ko na! Ayokong maging lalaki. Pero sa pelikulang ito, hinugot ko lahat ng kaya kong hugutin para magboses-lalaki, kumilos-lalaki.
“Because I don’t walk like that, I don’t talk like that, I don’t stare at someone like that.
“So parang… tinalikuran ko na to, e! Tapos lalaki na naman ako?! Katulad nung sinabi ni Enchong, yung line niya… blast from the past!
“So, parang ako, ramdam na ramdam ko yun as a transgender woman na, ‘Oh my God! Lalaki ako dito?! Paano ko ba ito gagawin?!’
“But here you are, you know, Enchong, Direk helped me so much! Yung AD [Marianita Lusanta] natin, tinulungan din po ako nang bonggang-bongga. Thank you po, Direk!”
Nasa cast din ng Here Comes The Groom sina Keempee de Leon, Maris Racal, Awra Briguela, Gladys Reyes, Eugene Domingo, Miles Ocampo, Tony Labrusca, Xilhouete, Nico Antonio, Iyah Mina, Fino Herrera, at Kim Atienza.
NOEL FERRER
Aminado si Kaladkaren na nahirapan siyang magpakalalaki. Saan naman nahirapan si Enchong?
“Siguro po yung mga small details. Kapag kunyari yung mga tingin, yung mata,” pag-amin ni Enchong.
“Tama yung sinabi niya, e. Parang the way you stare is different. So, yun po, yung mga mabibilis. Kasi si Direk Chris, mabilis din yung proseso niya.
“Gusto niya, in five seconds maipakita mo lahat ng nuances na kailangan niya.
“Hindi naman po ako ganun kabilis ding mag-react. So, may mga ganun lang. Yung mga mabibilis na part.”
Na-confuse ba siya? Transwoman kasi si Wilhelmina, e, baka magmukhang gay iyong delineation niya.
“Klaro po. Klinaro po sa akin ni Direk Chris na, ‘You will not turn into a gay, you will turn into a transwoman which is so much different. Basically you will turn into a woman.’”
After this, baka may susunod na offers sa kanya na similar roles? Willing ba siya?
Napangiti si Enchong, “Sa tama pong halaga!”
Ano ang rating ni Kaladkaren sa fabulous performance ni Enchong?
Natigilan sandali si Kaladkaren bago sumagot, “Ten, 10/10. Kasi I know how hard it is for him na maging katulad ko nga, maging girl, maging isang transgender woman.
“Kasi, yung mga pagpitik ng kamay niya bago mag-action, girl! Alam mo yun?! Inalalayan ko siya tapos siya naman, very willing to learn.
“Iyon naman ang importante sa isang artista, I think, e. Yung you know, you step out of your comfort zone, get out of the box. Learn something new everyday.
“So I think, with Enchong, 10 talaga ang performance niya. Kasi, ang hirap maging transgender woman kung ikaw ay talagang straight at matigas na lalaki, di ba? So, 10/10!”
This promises to be one riot of a crowdpleaser. Sana naman, please lumabas ang mga manonood para paanoorin ito at ang iba pang mga magagandang entries ng 1st Summer MMFF (Abril 8-18, 2023).
GORGY RULA
Sobra talaga kaming nag-enjoy sa Here Comes The Groom. Ang gagaling kasi ng mga artista.
Bukod kina Enchong at Kaladkaren, pati sina Maris Racal at Gladys Reyes, pinalakpakan ko nang bonggang-bongga si Kempee de Leon.
Iniisip ko nga, baka mga taga-showbiz lang matutuwa sa pelikulang ito, pero ang ilang napagtanungan ko ay natatawa naman. Nangangamoy topgrosser ito, di ba?
Pero kahit all-out na comedy ito, at walang humpay na baklaan ang mga eksena, seryoso ang tema at ang mensaheng gustong iparating ng Here Comes the Groom.
Sabi ni Enchong, “Nung binabasa ko yung script, nung first time, sabi ko, ang ganda kasi may mga tao na parang physical lang, na parang madasalin ganyan, pero sila pa yung magaling mag-judge.
“Pero yung mga tao na naghahanap-buhay lang para lang makaraos, makabayad lang ng kuryente, di ba? Maayos lang yung trabaho, sila pa yung nadya-judge. Ang ganda! Nakakatuwa!”
Sana, kasing-init ng panahon natin ngayon ang pagtanggap sa walong pelikulang kalahok sa 1st Summer Metro Manila Film Festival, na ang Parade of Stars ay gaganapin sa April 2, Sunday, 4:00 p.m. sa Commonwealth Avenue, Quezon City!
