GORGY RULA
Alam ni Coco Martin kung ano ang pagkakaiba ng pang-December Metro Manila Film Festival (MMFF), at itong para sa Summer MMFF.
Ang 1st Summer MMFF entry niyang Apag na obra ni Direk Brillante Mendoza ay ibang-iba sa mga nagawa niya na pang-MMFF sa December, at pati sa napapanood sa kanya sa TV.
Hindi lang puwedeng i-reveal kung ano ang nangyari kay Coco sa ending ng Apag.
Sa presscon pagkatapos namin napanood ang pelikula, tinanong ko sa kanya kung okay lang ba sa kanya ang ganoong ending. Kaagad namang nilinaw ni Direk Brillante na mismong si Coco pala ang nag-suggest ng ganung ending.
Sabi ni Direk Brillante, “Yung ending na yun nanggaling kay Coco. Kasi sabi niya, ‘Bakit ganyan ang ending mo, masyadong mabait, hindi ikaw ito! Kailangan lumabas pa rin ikaw.’
“Kaya nag-suggest siya na medyo violent na kakaiba na medyo may twist talaga.”
Sabi naman ni Coco, “Siyempre ako, bilang tagahanga at manonood ng mga pelikula din ni Direk, hinahanap ko yung tatak Brillante Mendoza.
“Kasi sinasabi ko, ‘Pag napapanood, anong pelikula? Sinong direktor? Brillante Mendoza.’
"Tapos pag pinapanood ko siya, hahanapin ko, e. Hahanapin ko yung tatak niya, e.
“Actually, nagbigay lang naman ako ng idea. Sabi ko, ‘Direk, OK yan, maganda yung film. Pero what if, kung gawan natin ng second version?’
“Nagkuwentuhan na kami. 'What if ganyan, ganyan…' Kasi nung ginagawa ito ni Direk, ang mindset niya, abroad. Kasi alam naman natin na kapag abroad, iba yung thinking e, lalo na pag European countries.”
Sa klase ng mga pelikulang ipalalabas ngayong summer sa MMFF, ibang-iba raw sa mga napapanood natin sa December at pati na rin yung mga ginagawa ni Coco sa TV.
“Siyempre as an actor, gusto ko gumawa ulit ng kakaiba naman. Yung ano ang bagong putahe? Ano yung bago kong makikita? Ano yung come on sa akin para bumalik sa sinehan? Iyon ang hinahanap ko.
“Kaya nung pinanood ko yung pelikula kanina, masayang-masaya ako, hindi dahil sa kung ano yung collaboration namin ni Direk kung hindi alam kong iba naman ang pelikulang mapapanood ko.
“Kasi, kung ang pelikulang mapapanood ko ngayong Summer Metro Manila Film Festival ay mga pelikula ring napanood ko nung December, ulit lang. Sayang.
“E, ngayon, nakita ko ang lineup ng mga pelikula, e. Kadalasan, puro mga indie films, malalim, bago. Bagong approach, bagong mga directors, marami ring mga bagong actors na kasali.
“E, di maganda ngayon, iba yung timpla sa December, iba rin yung timpla sa Summer Film Festival,” saad ni Coco sa celebrity premiere ng Apag noong Marso 28, 2023, Martes, sa The Block ng SM North EDSA, Quezon City.
NOEL FERRER
Ang galing lang talaga ni Coco na mag-compartmentalize.
Sa tingin kaya natin, handa ang mga tagahanga ni Coco na mapanood nila ang kanilang idolo sa ganitong klaseng pelikula na ibang-iba sa mga ginagawa niya ngayon?
Saad ni Coco, "Kasi po, honestly ako, alam ko ang venue na ginagalawan ko. Alam ko pag nasa TV ako. Alam ko yung mga manonood na kini-cater ko, mga tagahanga ko.
“Alam ko rin pag gumagawa ako pag-Pasko. Alam ko yung kini-cater ko.
"Ngayon, kung ano man yung pelikula namin ngayon, happy ako kasi, sabi ko nga, ibang venue ito, e.
“Maaaring pareho ng Metro Manila Film Festival. Pero iba ang mga kalahok.
"Mas magwu-worry ako, honestl, kung nagpaka-safe kami sa pelikula namin. Sasabihing ganun, 'Ahh para rin kami isa sa mga ordinaryong pelikula na ginawa.'
“Ngayon, ang labanan dito para sa akin, pagalingan, pagandahan, paibahan. Kaya sabi ko ngayon, proud ako na ang pelikula ko, alam ko na may laban kami.”
Sana, patuloy na gumawa pa ng magagandang pelikula si Coco na kakikitaan pa ng kanyang husay sa paggawa ng pelikula -- kahit na para sa anumang audience.
JERRY OLEA
Co-stars ni Coco sa Apag sina Jaclyn Jose, Gladys Reyes, Mercedes Cabral, Senator Lito Lapid, Julio Diaz, Shaina Magdayao, Joseph Marco, at Gina Pareño.

(From left) Gladys Reyes, Jaclyn Jose, Coco Martin, Brillante Mendoza, and Shaina Magdayao
Pahayag ni Jaclyn sa mediacon matapos ang premiere screening ng Apag, “Nakita niyo naman, napakasimple pero napakasakit.
“Talagang I salute talaga si Dante [palayaw ni Direk Brillante Mendoza] sa kanyang mga trabaho. Napakasimple ng pelikula pero ang sikip sa dibdib!”
Sabi naman ni Coco, “Una, nagpapasalamat ako dahil naging parte ako ng pelikula.
“At kung ano yung ine-expect ko, kung ano yung nilu-look forward ko noong tinanggap ko ang pelikulang ito, sabi ko nga, e, habang pinapanood ko siya, talagang alam mong tatak-Brillante Mendoza.
“Yung hindi ka niya basta na parang eto lang, eto lang ang pelikula, di ba?
“Parang laging may twist, may kakaiba, na kumbakit siguro ang mga pelikula ni Direk Dante ay tinatangkilik sa abroad, dahil sa kanyang style.
“Sa kanyang tatak. At ngayon hindi niya tayo binigo na pinakikita na naman niya, sino-showcase na naman niya ang kanyang abilidad at talento sa paglikha ng pelikula.
“Sobra akong nagpapasalamat at naging parte ako ng pelikulang ito.”
Dapat sana’y si Aljur Abrenica ang lead actor sa Apag, nguni’t nag-back out ang hunk actor ilang araw bago ang pull out patungo sa shooting sa Pampanga.
Tamang-tama na magki-Christmas break noon si Coco sa taping ng FPJ’s Ang Probinsyano. Malugod na sinalo ni Coco ang pelikulang inayawan ni Aljur.
Read: Brillante Mendoza considers Coco Martin replacing Aljur Abrenica in Apag a blessing in disguise
Abangan si Coco at iba pang artista ng Apag sa 1st Summer MMFF Parade of Stars ngayong Palm Sunday, 4:00 p.m., sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Tampok din si Aljur sa dalawa pang official entries ng 1st Summer MMFF — ang Single Bells na bida sina Alex Gonzaga at Angeline Quinto, at Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera na bida si RK Bagatsing.
In fairness, markado ang mga eksena ni Aljur with Gardo Versoza sa Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera.
Bahagi sina Aljur at Gardo ng kuwento sa likod ng love song na "Walang Kapalit" na nilikha ni Rey Valera para sa mga bading.

