JERRY OLEA
Andaming naghanap kay “Tanggol” sa group photo ng mga artistang kalahok sa 1st Summer MMFF.
Si Tanggol ang karakter ni Coco Martin sa primetime series na FPJ’s Batang Quiapo.
Si Coco ang bida sa pelikulang Apag na isa sa walong official entries ng 1st Summer MMFF (Abril 8-18).
Bago ang opening ceremony ng Parade of Stars noong Palm Sunday ng hapon, nagsama-sama sa makeshift stage sa Villa Beatriz ang mga artistang kasali sa parado.
Hindi nakasama sa group photo ang cast ng Apag at Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera. Kaya andaming nagtatanong kung nasaan si Tanggol.
Read: Coco, Gerald, Kylie, Alex, other celebs brave summer heat for 1st Summer MMFF Parade of Stars
Sa pag-usad ng parada sa Commonwealth Avenue, Quezon City, patungong Quezon Memorial Circle, tuwang-tuwa ang fans nang masilayan si Coco, na panay-panay pa ang paghahagis ng Apag T-shirt.
“Idol!” “Tanggol!” sigawan ng fans na kumakaway-kaway pa ang karamihan.
Kasama si Coco sa float ng Apag ang co-stars na sina Jaclyn Jose, Gladys Reyes, Senator Lito Lapid, Vince Rillon, at Mark Lapid, plus Direk Brillante Mendoza.

Sa programa sa Liwasang Aurora ng Quezon Memorial Circle, pinakamalakas ang sigawan ng audience ay kay Coco.
Paanyaya ni Gladys, “April 8 na po, Apag! Ang ibig sabihin, ‘hapag-kainan’ kaya hindi lang po namin kayo bubusugin sa masasarap na pagkain ng Pampanga kundi sa amin pong kuwento na aming ihahandog po sa inyo.
“With an unexpected twist! Kaya naman po, sana po, panoorin po ninyo. Pumunta kayo sa sinehan, huwag na po kayong matakot!”
Sambot ni Coco, “Magandang gabi po sa inyong lahat, at maraming-maraming salamat po sa lahat ng tao ngayon na nandito, sa lahat ng mga Pilipino sa pagsuporta po ninyo sa Metro Manila Film Festival kahit ngayong summer.
“Maraming-maraming salamat po! Sana po, suportahan natin ang lahat ng mga kalahok na pelikula, at ganun na rin po ang pelikula namin na Apag.
“Sa April 8 na po iyan hanggang April 18. Maraming-marami pong salamat at mahal na mahal po namin kayo!”

Magiliw na pinagbigyan ni Coco ang mga nakipag-selfie sa kanya!
Ayon sa kaibigang Ogie Narvaez-Rodriguez, ang sumunod na malakas ang sigawan at palakpakan ay kay Gerald Anderson na leading man ni Kylie Padilla sa Unravel: A Swiss Side Love Story, followed by Carlo Aquino of Love You Long Time, and Enchong Dee of Here Comes The Groom.
Sa Parade of Stars ay may pa-bubble sina Romnick Sarmenta at Elijah Canlas sa float ng About Us But Not About Us.

During the parade ay topless sina Fino Herrera at Nico Antonio sa float ng Here Comes The Groom, pero sa stage sa Liwasang Aurora ay nag-T-shirt na sila.
Ang harut-harot nina Kaladkaren, Awra Briguela, Xilhouete, at Iyah Mina sa float ng Here Comes The Groom. Ang saya-saya!
Nagbabadya ba ang kanilang pagiging topgrosser?

Sa float ng Apag sumakay si Gladys Reyes. Hindi na siya nakalipat sa float ng Here Comes The Groom.
Pero kasama si Gladys sa parehong grupo ng Here Comes The Groom at Apag na nag-promote sa stage ng Liwasang Aurora.
Dalawa rin ang filmfest entries ni Aljur Abrenica — Single Bells at Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera. Sa Single Bells float siya sumakay at nag-promote sa stage kasama sina Alex Gonzaga at Angeline Quinto.

Kasama sa parada si Dennis Padilla. Pero hindi na siya nag-join kina RK Bagatsing, Meg Imperial, Eric Nicolas, Bernie Batin, Shira Tweg at Direk Joven Tan nang mag-promote sa stage.

Read: Gerald Anderson at Dennis Padilla, nag-iwasan sa 1st Summer MMFF Parade of Stars?
NOEL FERRER
Magandang practice talaga na mag-assemble na lang lahat ng artista sa stage muna… may seremonya, at pagdaan ng float ay saka sila sasakay one by one.
Isa kasi sa magandang nangyari ay na-maximize ang press interviews at promo ng mga naunang entries bago tumulak ang mga karosa.
Mukhang magandang gawin na iyan starting this Christmas, at maging isang tradisyon na rin ang pagkakaroon ng class picture, di ba?
Sa ngayon, hinihintay na lang ang pagbubukas ng sinehan sa April 8, Black Saturday, at sana, lumabas ng bahay at magsadya sa sinehan muli ang ating mga kababayan para manood ng mga pelikulang Pilipino.
Tapos sa April 11, Tuesday, ang Gabi ng Parangal!!!
Aabangan ito ng lahat dahil isang natatanging personalidad ang mamumuno ng Jury at walang puwedeng kumuwestiyon sa kredibilidad niya kaya humanda na tayo sa resulta ng 1st Summer MMFF Awards Night!
GORGY RULA
Ayon sa ilang nakatrabaho ko at mga napagtanungan tungkol sa nalalapit na 1st Summer Metro Manila Film Festival, medyo kabado sila sa magiging resulta nito.
Mismong mga taga-MMFF at MMDA ay hindi rin umaasa ng malakas na box-office results. Pero huwag naman sanang langawin, kaya todo sa pagpu-promote ang walong pelikulang kalahok.
Pero karamihan sa mga nakausap ko ay nagtatanong kung meron bang horror film na kalahok. Sana meron man lang daw kahit isa, dahil yun talaga ang gustong panoorin ng karamihan.
Inaasahang dadagsa ang horror films sa December. Sinasabi na nga sa akin ng taga-Mavx Productions na meron na silang pinaghahandaang horror film na balak nilang i-submit sa December MMFF.
Samantala, nakausap ko ang isang iginagalang na film critic, at para sa kanya, winner sa awards night ang About Us But Not About Us.
Puwede rin daw lumaban sa awards ang Unravel: A Swiss Side Love Story at Apag.
May ilan ding nagsasabi sa aking bet nilang Best Actor si Romnick Sarmenta (About Us But Not About Us), Best Actress si Kylie Padilla (Unravel: A Swiss Side Love Story), at Best Supporting Actress si Gladys Reyes (Here Comes The Groom).
Pero nasa mga hurado iyan, kung sinu-sino ang pinakamagaling para sa kanila.
