JERRY OLEA
Nakatrabaho ni Jaclyn Jose si Coco Martin sa launching movie nitong Masahista (2005), maging sa Serbis (2008) at Apag na official entry sa 2023 Summer Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ano ang pagkakaiba ni Coco noon at ngayon?
“Well, in terms of pagkatao, wala talaga,” pagdidiin ni Jaclyn sa mediacon noong Marso 28, Martes sa The Block ng SM North EDSA, Quezon City.
“Walang pagbabago mula noon hanggang ngayon. Pero in terms of handling life and finances and stardom, yun ang nakakagulat sa kanya.
“Kasi hindi mo maiiwasan, meron kang maririnig na 'Ganito na raw si Coco, ganito na raw si Coco.' Ako nagsasabi sa inyo, hindi. Mali. Hindi totoo.
“Ano, ahh... gumagawa lang kayo ng kuwento. Kasi, ako ang unang nakasama ni Coco sa Masahista. Kilala ko ang pagkatao niya.
“Ang kaibahan lang sa noon at ngayon ay naging superstar siya, dumagdag ang kanyang kaalaman, naging direktor at naging… yumaman.
“Pero yun pa rin si Coco na nakilala ko 18 years ago… So, walang pinagbago.”
Maliban kina Coco at Jaclyn, nasa cast ng Apag sina Gladys Reyes, Sen. Lito Lapid, Mercedes Cabral, Shaina Magdayao, Vince Rillon, Mark Lapid, Julio Diaz, Joseph Marco, at Gina Pareño.
Ang Masahista, Serbis at Apag ay pawang idinirek ni Brillante Mendoza.
Mapapanood ang Apag at pitong iba pang kalahok sa 1st Summer MMFF umpisa ngayong Abril 8, Black Saturday.
NOEL FERRER
Nasubaybayan ni Direk Brillante ang growth ni Coco mula nang i-produce at idirek niya ang launching movie nitong Masahista.
“Siya pa rin si Coco Martin 18 years ago,” pagpapatotoo ni Direk Brillante.
“Hindi ko siya nakikitang direktor. Hindi ko siya nakikitang superstar. Ahhh... kasi siguro dahil sa walang nagbago sa samahan. Walang nagbago.
“Kung ano yung noon, ganoon pa rin yung ngayon. So, wala akong masasabi talagang pagbabago.
“Pero ang isang sigurado sa sarili ko, napakasaya ko para sa kanya.”
GORGY RULA
Aminado si Coco na nakuha niya ang style ng pagdidirek kay Direk Brillante na walang ginagamit na script.
Hanggang dito sa FPJ’s Batang Quiapo ay parang meron lang silang guide na sinusundan, pero wala silang script na dapat iyon ang gagawin nila sa isang eksena.
At sa tingin niya ay mas effective iyon at mas maganda ang mabubuo nilang kuwento.
Mas nabibigyan pa raw ng kalayaan ang mga artista na makapag-isip ng magandang atake sa role na ipinagkakatiwala sa kanila. Hindi yung nakatali sa script na dapat sundin.
“Kasi dun ako lumaki, e. Sa kanila ni Bing Lao. Talagang hindi kami sanay na may script.
“Dun kami sa gut feel, e. Pinapakiramdaman namin yung mga location, yung mga actors. Iyon ang nakasanayan ko at sa kanya ako lumaki. Kaya siguro ito yung nabitbit ko hanggang sa pagdidirek,” pakli ni Coco.
Pero aminado si Coco na hindi pa niya kayang pantayan ang kapasidad ni Direk Brillante.
Ang laki lang ng pasasalamat ni Coco na natutunan niya ito sa kanyang mentor na si Brillante Mendoza.
Kaya lang dito sa Apag, pinapakinggan ni Direk Brillante ang mga suggestion ni Coco na sa tingin niya ay mas maganda ang kinalabasan.
Iyon ang mapapanood sa ending nitong Apag na mismong si Coco ang nakapag-isip na mas mabuting doon matapos ang pelikula.
