JERRY OLEA
Walang ka-love team si Ken Chan sa bago niyang movie na Papa Mascot.
“Actually, nasanay po ako sa mga proyekto ko na meron lagi po akong kasama at ka-partner na ka-love team,” lahad ni Ken nitong Abril 10, 2023, Lunes, sa Cafe Claus, Tandang Sora Avenue, Quezon City.
“So this time around ahhh ito po yung ibinigay sa akin na pagkakataon na magkaroon ng solo movie.
“Well, may mga kasama naman po ako na cast. Marami po kami. Pero dito po sa istorya nito, umiikot po siya sa isang ama at saka sa isang anak.
“At ito po ay wala talaga akong standard na ka-love team po talaga. Kaya naninibago po ako noong una.
“But at the same time, masaya din po ako. Kasi, isa din po sa goal ko ang magkaroon ng pelikula na hindi focused sa love team. And yung focus, sa istorya talaga.
“Yung focus, sa isang karakter kung saan dadaloy yung istorya.”
Thankful at feeling blessed si Ken na nagawa niya ang pelikulang Papa Mascot, na idinirek ni Louie Ignacio at nakatakdang ipalabas sa local cinemas umpisa Abril 26.
Co-stars ni Ken sa Papa Mascot sina Erin Rose Espiritu, Gabby Eigenmann, Liza Dino, Miles Ocampo, Sue Prado, JC Parker, Joe Gruta, Tabs Sumulong, Yian Gabriel, at Jericho Arceo.
Pahayag pa ng 30-anyos na si Ken, “Pangarap kong magkaroon ng ganitong materyal noon pa. Wala lang po talagang tsansa.
“Kasi noon, hindi pa po ako puwede dahil sa edad ko, dahil sa bata pa po ako noon. At ngayon, matanda na po ako. Ha! Ha! Ha!
“You know, nagkaroon po ako ng chance because, you know, nagma-mature na po tayo. And kaakibat na niyon ang mga materyal na ginagawa ko.
“At ngayon po yung best time na makagawa ng isang materyal na tulad ng Papa Mascot. Because I think, perfect timing. Perfect age para gumawa ng ganitong materyal.
“And I’m just so happy na nakagawa po ako.”
Read: Ken Chan, tanggap ang pagiging pang-apat na pamilya ng kanyang ama
NOEL FERRER
Masaya si Ken Chan sa mga naibigay sa kanyang proyekto kung saan natsa-challenge siya tuwi-tuwina.
Sabi pa ni Ken, “Ang sarap sa pakiramdam na nakakagawa po ako ng mga istorya na out-of-the-box, yung mga tipo ng istorya na edgy yung sinasabi nila.
“I was able to play a transgender, a person with autism, a person with dissociative disorder or split personality.
“Iba-ibang karakter, iba’t ibang mukha. But ngayon na na nakagawa ako ng Papa Mascot, ang kinaibahan nito…
“Actually, sinabi ko kay Direk Louie, itong Papa Mascot yung isa sa mga nahirapan akong gawin. Ha! Ha! Ha! I’ll be honest.
“Kasi, first time kong makagawa ng isang materyal na kung saan meron akong anak na six years old.
“Never pa po akong nagkaroon ng anak na ganun, because sa My Special Tatay, si Baby Angelo, sanggol pa lang siya noon, e.
“But this time, six years old. Wala pa akong alam kung paano ang maging isang ama. Hindi ko pa po alam, wala akong idea kung paano ba.
“Kasi yung six years old, nakakapagbigay na yan ng emosyon. Nagre-react na siya kung ano ang ibinibigay ko na emotion.
“So first time kong makagawa ng isang proyekto na meron akong anak na may isip na. Yun bang mulat na ang kanyang mga mata.
“And isa yun sa challenge sa akin habang ginagawa ko yung Papa Mascot.
"At isa rin sa challenge sa akin talaga ay sabi ni Direk Louie sa akin, naalala ko, bago namin gawin itong Papa Mascot, ‘Gusto ko, maamoy ka ng mga tao sa screen!’
“Sabi niya, ‘Gusto ko, maging mabaho ang hitsura mo! Yun bang nakikita ka pa lang ng mga viewers sa screen, nababahuan na sila sa yo,’ sabi ni Direk Louie.
“Tinandaan ko yun. Sabi ko, ‘Ahhh, paano ko gagawin yun?! Paano ko ba gagawin yun?!’
“So, ahhmm luckily kahit paano nakapag-immerse po kami ng hindi naman ganun kahabang panahon pero sa maliit na oras, nakapunta po kami sa mga lugar na kung saan kami ay nag-shoot po.
“At doon po, naka-help po sa akin yun na magawa ko po yung karakter bilang si Papa Mascot po.
“At yung sinasabi ni Direk Louie na kailangang maamoy ako ng mga viewers sa screen na hindi kaaya-aya, palagay ko, nagawa naman namin!”
GORGY RULA
Nais i-relay ni Direk Louie Ignacio sa mga manonood ng Papa Mascot na ang pagmamahal ay hindi sinusukat.
“Lalo na yung pagmamahalan ng ama at ng anak!” pagdidiin ni Direk Louie.
“Ang pagpamahal ay ibinibigay kahit kanino. Bukas, hindi isinasara sa isang tao. Nagkataon lamang na ama at anak ang naka-focus sa pelikulang ito. Iyon ang gusto kong maramdaman ng viewers.”
Susog ni Ken, “Gusto rin po naming i-relay dito sa pelikulang Papa Mascot na napakalaking epekto pala talaga ng estado ng isang tao kung paano ka rerespetuhin at tatratuhin ng kapwa mo.
“Ipapakita namin dito sa pelikulang ito na yung iba’t ibang mukha ng mga tao sa lipunan — mahirap, middle class, mayaman.
“Kung paano tatakbo ang buhay mo, at paano ka tatratuhin ng ibang tao. Ipapakita namin ito kung paano ba… minsan mapi-feel natin na unfair. Yung word na ‘unfair.’ Yung word na dapat ‘equal.’
“Ipapakita po namin yun sa pelikula at isa sa mga gusto naming i-relay dito sa Papa Mascot.
“At kaakibat po nun yung love. Napakaimportante nung word na ‘love’ sa pelikulang Papa Mascot dahil ipapakita din namin kung paano tayo magsakripisyo, paano natin kakayaning i-sacrifice yung buhay natin, yung sarili natin para sa taong minamahal natin.
“This is not just about love for a special someone, but this is about love dun sa family mo, yung love mo sa anak mo.
“Paano mo yun isa-sacrifice? Kasi most of the time, tayong lahat, ahhh sa panahon natin ngayon, nagbigay tayo ng sakripisyo dahil para sa special someone natin, di ba?
“Laging yun. Kunwari kapag nag-iinuman tayo, ganyan, ang laging topic yung, ‘Iniwan ako!’ ‘Special someone ko!’ ‘Bakit wala pa rin akong dyowa hanggang ngayon?!’
“But this time gusto naming sabihin sa mga tao, ipakita through our movie Papa Mascot na may malaki palang love kaysa doon sa sinasabi nating special someone.
“Yung love na yun, dun sa family, love dun sa anak, at yun ang gusto naming ipakita sa pelikula. Isang unconditional love.”
