GORGY RULA
Kuwela at maintriga ang bagong segment ng Sarap, Di Ba? ni Carmina Villarroel na napapanood sa GMA-7 tuwing Sabado ng 10 a.m.
Sinimulan nila nung nakaraang Sabado, April 22, 2023.
Ang bagong segment: "Trip To The Hotseat" na hango sa parlor game na Trip To Jerusalem.
Pag hindi nakaupo ang celebrity player pagtigil ng music, isasalang ito sa "hotseat" para sagutin ang "hotseat question" na ibabato ni Carmina.
Special guest si Ken Chan, na nagpu-promote ng pelikula niyang Papa Mascot, pati na ang magkasintahang Paul Salas at Mikee Quintos, na napapanood sa ongoing Kapuso prime-time series na The Write One.
Si Mavy Legaspi, na co-host ng ina niyang si Carmina, ang unang sumalang sa "hotseat."
Ang "hotseat question" kay Mavy ay kung sino sa kanila ng girlfriend niyang si Kyline Alcantara ang madalas na nagseselos. Si Kyline daw, sagot ni Mavy.
Tamang-tama naman, nandoon sa set si Kyline kaya tinawag na ito ni Carmina para kumpirmahin kung totoo. Hindi naman ito itinanggi ng Kapuso actress.
Sabi ni Kyline, “Kasi naman! Kasi, ang guwapo naman kasi ng anak niyo. Mabait din and gentleman. May ibang tao lang po talaga na nati-take siya in a different way.”
Sumunod na hotseat question ni Carmina kay Mavy: Totoo bang pinag-aawayan nina Mavy at Kyline ang pagsusuot ng dalaga ng mga revealing na damit.
Paliwanag ni Mavy, “Ako lang, number one ko, pag hindi nagsa-cycling, yun lang naman.
“She’s free whatever she wants, ganun ako. Yung hindi nagsa-cycling pag naka-mini skirt or mini dress, dun ako."
Sabay nabanggit ni Mavy na ganun din daw siya pagdating sa twin sister na si Cassy Legaspi.
Ani Mavy patungkol kina Kyline at Cassy, "Kasi kayong dalawa ni Cass, nagsa-cycling. Yun lang. Everything else, I’m fine.”
Proteksiyon lang daw kay Kyline ang concern niya para hindi ito masilipan.

JERRY OLEA
Pagkatapos ni Mavy, si Paul ang nawalan ng silya dahil tinulak ito ni Mikee.
Si Paul ang sumunod na naisalang sa "hotseat."
Kuwelang tanong sa kanya ni Carmina, “Ang sabi nila, yung mga lalaki raw ay hindi mahihilig sa manika. Pero ikaw Paul, mahilig ka ba dati sa Barbie doll?”
Sagot ni Paul, “Masasabi kong for a time nagkahilig ako. Pero may nakita akong mas maganda sa Barbie doll.”
Napangiti na lang si Mikee sa sagot ni Paul.
Nagkasama sina Paul Salas at Barbie Forteza sa isang episode ng I Can See You.
Siyempre, ibang Barbie pa ang tinutumbok ng hotseat question. At hindi rin iyon ang singer na si Barbie Almalbis.

NOEL FERRER
Si Ken Chan ang huling na-hotseat.
Dito ay inamin niyang muntik na silang nagkasuntukan ni Jake Vargas dahil sa babae.
Ikinagulat ng bida ng Papa Mascot kung paano ito nalaman ng mga taga-Sarap, Di Ba?.
Ani Ken, “Nagkaayos na kami ni Jake nang nagkaroon kami ng teleserye na Ang Dalawang Ikaw. Dun lang kami nagkausap nang maayos.
"Pero yung incident, that was 2014? Matagal na."
May kinalaman sa babae ang pinag-awayan ng dalawa.
“Sila po kasi nun, e. Tapos, nung wala na sila, saka ako pumasok. Pero hindi ko alam na may nararamdaman pala si Jake dun sa girl.
“Hindi kami nagpansinan ni Jake for… ang tagal! Seven years?”
Hindi na binanggit kung sino yung girl, pero sabi ni Ken, mas mahalaga pa rin sa kanila ni Jake ang pagiging magkapatid sa kanilang tatay-tatayan na si German "Kuya Germs" Moreno.
Dagdag ni Ken: “Pero kapatid ko yun, si Jake e. Mas mahalaga sa akin yun, kasi anak-anakan kami ni Kuya Germs.
“Nag-usap kami ni Jake. Nag-sorry kami sa isa’t isa.
"Sabi namin, mas mahalaga yung pagiging magkapatid naming dalawa.
“Ayos na ayos na kami ni Jake,” sabi ni Ken.
May ganoon palang issue?! Hehehe!!!
