GORGY RULA
Sa labingsiyam (19) na miyembro ng Sparkle Teens na inilunsad nung nakaraang linggo, marami sa kanila ang promising. Pero masasabing mas may lamang ang mga nagsimula nang mag-artista nung bata pa, o kaya anak ng kilalang artista.
Read: 19 members ng Sparkle Teens, isasalang na sa Kapuso projects
Sabi ng 17-year-old na dati nang Kapuso child star na si Bryce Eusebio, hindi niya iniisip na mas lamang sila sa ibang baguhang members ng Sparkle Teens. Masuwerte lang daw na nakapagsimula sila nung bata pa kaya nahasa na sila sa acting at nabibigyan na sila ng projects.
“Hindi ko po siya iniisip na may edge po ako sa mga kasama ko. Kasi, I’ve been doing this for years na.
“Pero minsan, nararamdaman ko po yun. Kasi through experience po, mas marami na po akong alam. What I do po, I share it to them. Tinuturuan ko sila sa taping, ganito ganyan. Yung dos and don’ts po.
“So, I think, yeah… but I don’t think it that way na ay mas lamang ako sa kanila,” pahayag ni Bryce nang nakatsikahan namin sa nakaraang press launch ng Sparkle Teens.
Kasama si Bryce sa bagong drama series ng GMA-7 na The Missing Husband. Ginagampanan daw niya ang role ng pamangkin ni Rocco Nacino.
Kilala na rin natin si Marco Masa, ang dating child star sa Kapamilya network na naging bahagi ng kiddie gag show na Goin' Bulilit. Nakasama rin siya sa mga pelikulang Beauty and the Bestie at Maria Leonora Teresa.
Fifteen years old na ngayon si Marco, at isinasalang na rin siya sa mga drama series sa GMA-7.
Bata pa lang siya ay nakakaarte na siya, at ito rin ang lamang niya sa kanyang mga kasabayan. Pero bagong challenge daw sa kanya ngayon itong ipinakilala siyang Sparkle Teen sa Kapuso network.
“Sobrang grateful po ako sa experience ko before. Pero ngayon po kasi parang panibagong yugto po ito ng career ko,” pahayag ni Marco.
Nakahanda naman daw siyang umalalay sa iba pa niyang kasabayan na wala pang experience sa acting.
“Willing naman po akong tulungan din sila. As a group naman po kami, e. Teamwork naman po,” sabi pa ni Marco.
Ang isa pang promising din ay ang 16-year-old na bagets na si James Graham. Napakaguwapong bata na nanggaling din sa Kapamilya network.
Napansin ko na siya sa 2 Good 2 Be True kung saan siya ang gumanap na batang Daniel Padilla. Nakasama rin siya sa Flower of Evil at Make It With You.
Paglipat niya ng Sparkle ng GMA Artist Center, nabigyan daw agad siya ng mga guesting sa Pepito Manaloto at Wish Ko Lang.
Kasama rin siya sa Wattpad series na Luv Is: Love At First Read nina Kyline Alcantara at Mavy Legaspi. Siya ang batang Mavy.
Madrama ang buhay ni James.
Ngayon lang pala niya nakilala ang kanyang American father na nagtatrabaho sa Vietnam. Magkahiwalay na ang parents ni James kaya ang mommy raw niya talaga ang all-out na sumusuporta sa kanyang showbiz career.
“I’m very thankful sa mom ko po. She’s giving full support po sa akin.
"I’m actually lucky na talagang sinusuportahan ako ng mom ko, in everything that I want to do. Sa passion ko po, sa acting, and pag-aartista po,” pakli ni James.
Nagulat naman kami nung nakaraang Sparkle Teens launch na meron pa palang anak na 15 years old ang magaling na character actor na si Roi Vinzon.
Miyembro rin ng Sparkle Teens ang anak ni Roi na si Antonio Vinzon. Siya ang tinaguriang "Heartthrob of Sparkle Teens."
Bukod sa napakaguwapo rin, karakter ang bagets na ito na iba ang sense of humor. May ibang hirit siya pag sumasagot, kaya nagtatawanan na lang ang mga kamiyembro niya.
Sa buong training nila, very memorable daw sa kanya ang paghahanda nila sa kanilang launch sa All-Out Sundays.
“Memorable sa amin yung sa AOS. Nag-focus talaga kami. Na-enjoy namin yung full experience. Naging second family ko na po ang Sparkle.
“Thank you po kay Mr. M [Johnny Manahan], Ms. Annette [Gozon-Valdes], sa opportunity na to,” tipid na pahayag ni Antonio.
NOEL FERRER
Mahalaga pa rin sa mga batang ito ang kanilang edukasyon. Kahit mahirap nang pagbalansehin ang schedule, gusto pa rin daw nilang makapagtapos sa pag-aaral.
Nasa Grade 11 na si Bryce Eusebio sa Inocencio Integrated School o ISMP-IIS. Thankful siya sa mga teachers niya dahil naintindihan naman daw ang schedule niya sa taping.
“It’s a struggle, pero kinakaya naman po. And also, thanks to my school cause they are convenient sa akin.
“Ang school ko po kasi before I started showbiz… ever since I started my showbiz career, sila na po yung school. So, parang kabisado na po nila.
“Sinasabi ko po may show ako ngayon, naintindihan na po nila,” pakli ni Bryce.
Si Marco Masa naman ay pursigido sa kanyang pag-aaral. Nasa Grade 9 na siya sa online school.
Nandiyan pa rin daw ang isa pa niyang dream na maging doktor, para raw sa kanyang kapatid na may Down syndrome.
“Gusto ko po maging doktor. Kasi po, yung kuya ko is meron po siyang Down syndrome. Parang… gusto ko pa ring pangalagaan yung health nila, and at the same time po makatulong na rin.”
Malaking tulong daw ang kuya niyang may Down syndrome sa mga drama scenes niya.
“Siya na rin po yung nagiging inspirasyon ko. Actually po, pag pinapaiyak ako, minsan po yun na rin po yung iniisip ko e,” sabi pa ni Marco.
Sa panahong napakahirap magpasikat ng artista, sana may magtatak at may marating ang mga kabataang ito na nangangarap magkaroon ng tunay na Sparkle!
JERRY OLEA
Habang lumalaki ay lalong pumopogi si John Clifford na isa sa Sparkle Teens. Cebuano ang bagets na mahusay kumanta.
Alaga siya ng namayapang Dudu Unay, na nag-manage din kina Royce Cabrera at Liza Soberano.
With Mr. M’s guidance, inaasam nating magningning ng lubos ang mga bagong bituin ng Sparkle!
