GORGY RULA
Pagkatapos ng Media Day ng TVJ and Legit Dabarkads sa TV5 Media Center nung nakaraang Martes, June 20, 2023, kinumpirma ng ilang legit Dabarkads na inalok sila ng TAPE, Inc. na magpaiwan at dodoblehin ang natatanggap nilang buwanang suweldo sa Eat Bulaga!.
Isa sa gustong kunin ng mga Jalosjos ay si Allan K, kasama sina Jose Manalo at Wally Bayola.
“Yun nga. Inu-offer kaming tatlo na dobleng presyo ng talent fee namin,” pakli ni Allan K.
“Sabi namin, ‘Sandali lang po, ha? Pag-isipan talaga namin. Hindi ganun kadaling mag-isip.’
"Ano ito? Bigyan mo kaming pera, okay na kami? Hindi. Give us time to decide.”
Hindi raw kinonsulta ni Allan K. sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon, pero ikinuwento niya ito at napailing na lang daw ang pioneer hosts ng Eat Bulaga!.
Pero mas nanaig kay AK ang loyalty.
Nung nag-resign sa TAPE, Inc. ang TVJ, kaagad siyang nag-decide na sasama siyang aalis sa Eat Bulaga!. Hindi niya tatanggapin ang alok ng mga Jalosjos.
“Hindi talaga ako nagdalawang-isip. Talagang at the back of my mind, ‘No!’ Ganun talaga kaagad.
“Kasi, Year of the Dog ako ipinanganak. So, loyal talaga ako. Kung saan sila pupunta, nakasunod ako with wagging tail,” sabi pa singer-TV host.
Excited daw si Allan K. sa pagbabalik-TV5 dahil siya naman ang unang nag-host ng Sing Galing kasama si Ai-Ai delas Alas.
May ilang nagtatanong kung bakit sina Jose, Wally, at Allan K ang unang nagustuhan ng mga taga-TAPE na maiwan sa Eat Bulaga!.
May nagkuwento sa PEP Troika na nagustuhan daw ng pamilya Jalosjos si Allan K dahil tuwing may mga events daw sa Dipolog City na nandun ang Dabarkads, si Allan daw ang nag-iistima sa mga bisita roon.
JERRY OLEA
Papayagan ba ni Allan K si Boobay na mag-host sa revamped Eat Bulaga! just in case?
Isa si Boobay sa regular stand-up comedians na nagpe-perform sa Clowns Republik na pag-aari ni Allan K.
“Ay, sasabihin ko, ‘Bahala ka!’ Pero knowing Boobay, hindi papayag yun.
“Kasi nag-Eat Bulaga! din siya dati e, di ba, nung pandemic? Nag-guest co-host siya dun,” napapangiting pahayag ni Allan K.
Si Boobay ang isa sa pinagpipiliang idadagdag sa hosts ng revamped Eat Bulaga!. Wala pa naman daw natataggap na alok si Boobay, pero kung sakali, magpapaalam daw muna siya kay Allan K.
Read: Boobay balik-taping na sa TBATS pagkatapos ng ilang linggong pahinga
NOEL FERRER
Nagulat ang TVJ at ang iba pang Legit Dabarkads sa ilang nagbabalitang sa Philippine Arena raw ang unang araw ng kanilang noontime show sa TV5.
Ani Tito Sen, “Ang totoo niyan, may nagsa-suggest Philippine Arena, may nagsasabi sa MOA, may nagsasabi sa Araneta.
“Ang pinag-uusapan namin, baka mahirapan kami, e. Sa dami ng gustong manood, pagkatapos hindi makapasok. Magagalit pa e. Hindi ba?
“Ang pinaplano namin, initial, yung initial… At this point, unless things change, hindi natin masabi, only fools do not change their minds, e… dito sa TV5.”
Mas gusto nila na simple lang, pero malaking preparasyon na rin ito sa mga taga-TV5 na gagamitin ang dalawang studio nila sa Mandaluyong.
“Kumbaga, we start humble. Humble-humble lang,” pakli ni Bossing Vic.
Ngayon, paghahanda sa launch sa July 1 ang ginagawa. Pinupulido ang games at ida-dry run pa pagkatapos.
At napakaganda rin dahil ang musical director ng ASAP na si Homer Flores, na longtime na kaibigan at pamilya na ng TVJ, ang naatasang in-charge ng music na gagawin sa opening salvo ng bagong noontime show ng TV5.
Big day ito para sa lahat… mapa-Kapamilya, Kapuso man o Kapatid!!!
