GORGY RULA:
Pinaghahandaan na ni Senator Bong Revilla ang nalalapit niyang 57th birthday sa September 25, 2023.
Bahagi ng selebrasyong ito ay ipagdiriwang din niya ang kanyang 50th anniversary sa showbiz, at bibigyan siya ng special show ng GMA-7.
Read: Bong Revilla, all-natural daw at no steroids or stem cells
Ang isa sa pasabog ni Senator Bong sa kanyang 50th anniversary, may gagawin daw siyang malaking film project kung saan makakasama niya si Jillian Ward.
Inspired ito sa pelikula ng namayapang Da King Fernando Poe Jr., ang Isusumbong Kita sa Tatay Ko (1999), kasama si Judy Ann Santos.
“Parang Isusumbong Kita sa Tatay Ko. Pero may kakaiba pang mga twist. Basta maganda 'tong istorya na 'to.
"May kinakausap kaming artista, malaking-malaking artista. Idol ko din ‘to, nakasama ko na sa pelikula. Sana tanggapin niya yung proyekto," pahayag ni Senator Bong nang nakapanayam namin sa kanyang Dugong Alay Pandugtong Buhay Bloodletting Project na ginanap sa Strike Gym sa Bacoor City nung nakaraang Huwebes, September 14.
Read: Bong Revilla at Jillian Ward, magre-reunion sa pelikula
Bukod kay Jillian, meron pa raw silang kinakausap na isa pang malaking artistang para sa isang mahalagang role sa film project na ito. Ayaw muna niyang sabihin dahil hindi pa talaga final.
Sana raw ay tanggapin ng sikat na aktres na ito.
"Inaayos na namin yung project with Jillian Ward at sorpresa kung sino ang aking magiging leading lady doon.
"Basta hintayin niyo na lang yun kung sino yung napakalaking artistang ito," saad ni Senator Bong.
Pagkatapos ng birthday ni Senator Bong ay inaasahan niyang magkasundo na sila ng aktres na ito para makapagsimula na sila.
Samantala, pawang pasasalamat na lang at wala na raw siyang pansariling hiling si Senator Bong sa kanyang kaarawan. Gusto lang niyang ituloy pa rin itong bloodletting project niya, na 14 years na niyang ginagawa.
Nagpapasalamat siya sa lahat na mga nag-donate, lalo na ang mga kapulisang willing mag-donate ng dugo.
"Sa ibinigay po ninyong dugo ay maraming buhay po kayong naisalba," bahagi ng talumpati niya sa kanyang bloodletting project.

JERRY OLEA:
Pati ang misis ni Senator Bong na si Congreswoman Lani Mercado ay excited din sa sisimulang pelikula ng kanyang mister. Nakisali siya sa brainstorming dahil talagang pinulido raw nila ang script bago nila simulan.
"Basta maraming scrutiny sa script, sa istorya. Kailangan kasi espesyal ito, e," pakli ni Cong. Lani.
"Nakailang revisions na yan... nakawalong revisions na yung script. Napakahirap talaga. But, pam-Best actor ko ito!" pabiro namang sabi ni Senator Bong.
Ang ganda na raw kasi ng script kaya natitiyak niyang magugustuhan ito ng mga manonood.

NOEL FERRER:
Kagaya ng lahat na mga taga-movie industry, matagal na raw hinihiling ni Senator Bong na makabawi sa takilya ang mga pelikula natin.
"Nagbakasyon din kasi ang mga manonood natin because of the pandemic. Natatakot pa sa sinehan, at sa sobrang taas din ng presyo sa pambayad sa sine.
"Yun din ang ating titingnan, no? Kinakausap ko din ang mga theater owners kung pupuwede na magbaba din ng presyo dahil sa sobrang mahal," saad niya.
Pinag-uusapan na raw nila ito ngayon kung paano malulutas ang problema sa mataas na presyo ng ticket sa mga sinehan na hindi naman sila malulugi.
"Siguro ang isang way diyan, kailangan maipapakita na makakabawi din sila. Siyempre, babayad din sila sa kuryente, marami silang binabayaran.
"Kaya ang ano diyan, ano ba yung win-win? Sabi ko nga, una, gumawa tayo ng magandang pelikula para sulit ang ibayad ng manonood. Para maengganyong mabalik muli ang ating mga viewers, ang mga manonood sa sine, dala yung pamilya," sabi pa ni Senator Bong.
