GORGY RULA
Nasa Bacolod ngayong Biyernes at Sabado, October 20 at 21, 2023, ang E.A.T. para makisaya sa Masskara Festival 2023.
Nakatsikahan namin si Bacolod Mayor Albee Benitez nung nakaraang Miyerkules, October 18, sa DZRH.
Nabanggit niyang dumating na roon ang buong production staff ng E.A.T. at kinabukasan ay susunod na ang ilang hosts, kabilang sina dating Senator Tito Sotto, Allan K, Jose Manalo, at Wally Bayola.
Ito ang kauna-unahang show ng E.A.T. sa labas ng studio at out of town pa.

Excited si Mayor Albee nang nakapanayam namin dahil star-studded ang pagtatapos ng tatlong linggong selebrasyon ng Masskara Festival.
Bukod sa E.A.T., darating din ang mga artista ng FPJ's Batang Quiapo na pangungunahan ni Coco Martin, kasama sina Lorna Tolentino, Ivana Alawi, Bassilyo, Smugglaz, at Senator Lito Lapid.
Magkakaroon sila ng show bukas, Oktubre 21, Sabado ng 4:00 p.m., sa Ayala Malls Capitol Central.
Kasama rin nila ang cast members ng Pira-Pirasong Paraiso na sina Charlie Dizon, Alexa Ilacad, Joseph Marco, at KD Estrada.

Ang lead stars ng Love Before Sunrise ng GMA-7 na sina Bea Alonzo at Dennis Trillo ay Sabado ng 3:00 p.m. ang mall show sa SM Bacolod Activity Center.

Sabado ng 4:00 p.m. ang mall show ni Seth Fedelin sa Atrium (ground floor) ng Gaisano Grand, Bacolod City Central.

Sabado ng 6:00 p.m. ang free concert ni KZ Tandingan sa DITO Corporate Block, Lacson Tourism Strip.

Sa October 22, Linggo ng 5:00 p.m., ay magkakaroon ng concert si Sarah Geronimo, ang Coke Studio Concert with Sarah Geronimo, na gaganapin sa Sunset Stage, North Capitol Road.

Iyong Makissaya sa Masskara! event ay Sabado ng 4:00 p.m. sa SM Bacolod, at Linggo ng 8:00 p.m. sa Bacolod City Government Center.
Pangungunahan ito nina Jerome Ponce at Krissha Viaje, kasama sina Wilbert Ross, Nicole Omillo, Andre Yllana, Aubrey Caraan, Hyacinth Callado, at Frost Sandoval.

Excited si Mayor Albee dahil talagang stars overload ang Masskara Festival 2023 ng Bacolod City.
Bale pangalawang taon na raw ito na tinanggal na nila ang health protocols, kaya talagang dinayo sila ng mga local at foreign tourists.
"Last year, ni-relax na namin ang lahat na health protocols, October last year. Hindi na kami nagkaroon ng health protocols na... di ba, dati ang hirap lumabas. Pero last year, in-open na namin.
"Binigyan na namin ng permission ang lahat na mga concerts, lahat na mga shows, lahat na mga events.
"Nagkaroon nga ng revenge travelling, 'ika nga. Kailangan na talagang lumabas, dahil hindi na nakapag-celebrate ng ganung klaseng festival.
"This year naman almost the same din. Ang nakikita ang mga events, punung-puno na rin.
“Ang bookings ng mga hotels ganun din, just like last year, 100 percent na ang booking. HIndi na nila mabigyan ng booking ang mga gusto pa ring pumunta," pahayag ni Mayor Albee.
JERRY OLEA
Bukod sa star-studded na pagdiriwang ng Masskara Festival, nandiyan pa rin siyempre ang makulay na streetdancing.
Sa huling araw ng selebrasyon, magkakaroon ng streetdancing na sasalihan ng halos 50 grupo.
Meron pa silang electric streetdance na bukod sa napaka-colorful na costume, makulay rin ang mga ilaw na kasama sa suot nila
Ipinaliwanag ni Mayor Albee kung bakit maskara ang gamit sa costume at ano ang pinanggalingan ng festival na ito.

Mayor Albee Benitez
"Nagsimula ito nung 1978 na nagkaroon tayo ng isang tragedy na yung ferry boat na merong mga taga-Bacolod na nakasakay, nasawi po dun. Maraming namatay na mga taga-Bacolod because of that tragedy.
"Considering na may problema pa sa sugar industry, nangyari pa ito, yung mga people of Bacolod decided to have this festival, to uplift naman yung spirit at saka para mawala yung grief and sorrow nila.
“Ginawa nila itong Masskara festival, na kahit yung nararamdaman nila, e, sorrow ay natatakpan ito ng facemask nang nakangiti, very festive, very colorful, para makalimutan yung nangyari," salaysay ni Mayor Albee.
NOEL FERRER
Maganda ang Bacolod na naging paboritong location ng ilang filmmakers. Napapaganda ang isang pelikula ng magagandang tanawin sa naturang lungsod.
Sabi ni Mayor Albee, welcome ang producers na gustong mag-shoot ng pelikula o anumang content sa kanilang lugar.
"Marami nang mga movies na ginawa dito sa Bacolod, dahil hindi lang maganda yung lugar, hindi lang mababait na tao, marami ring mga talented sa film.
“So, hindi na nila kailangang magdala ng mga... actually, nagdadala pa sila ng mga extra na kayang umarte. Marami na po dito yan na magagaling na talaga na pang-movies, ng TV o kung ano man," saad ni Mayor Albee.
Nandiyan lang daw sila anytime para mag-assist at tutulong para hindi mahirapan ang mga gustong mag-shoot sa ilang magagandang tanawin.
"Unang-una, open arms kami, 'no, sa kung sino ang gustong mag-shoot ng pelikula dito or kung ano man.
“We're willing to extend all the support needed — yung crew, yung producer o kung sino mang movie outfit na gustong mag-shoot dito.
"Ano yun... very welcome kami. We will extend as much assistance as we can.
“Usually naman, humihingi sila ng mga support for permits and other things. Nakahanda naman ang city para sa kanila."
