GORGY RULA:
Isa si Kelvin Miranda sa nakatsikahan namin sa Christmas party ng Regal Entertainment na ginanap sa Valencia Events Place nung nakaraang Huwebes, December 14.
Hiningan namin ng sagot si Kelvin tungkol sa pagkakabit sa kanya sa blind item ni Direk Darryl Yap tungkol sa na-book daw ng international singer na si Sam Smith sa halagang isang milyong piso kada gabi.
READ: Kelvin Miranda reacts to blind item about "lalakeng artistang nabooking ng international singer"
Ipinagkibit-balikat na lamang ito ng Kapuso actor, dahil hindi naman daw totoo.
Sinagot na nga raw niya ito sa interview sa kanya sa Fast Talk ni Kuya Boy Abunda.
Hindi naman daw kayang diktahan kung ano ang iisipin ng mga tao sa kanya.
"Hindi ko kontrolado o hindi ko hawak ang kung ano man yung isip ng ibang tao.
"Kung naniniwala sila sa isang panig, nasa kanila po yun. Kasi, ang isang album ay hindi naman mabubuo iyan ng disc A lang, e. Kailangan din ng disc B.
"One-sided kasi yang social media, e. Para sa amin, unfair! Kadalasan unfair.
“Hindi na nagkaroon ng hustisya yung mga tsismis... pero sa akin, minsan sina-shut off ko na lang. Pero siyempre, nakakaapekto pa rin yun sa amin yung mga issue.
"Hindi lang naman namin ipinapakita sa ibang tao. Ayaw na namin dagdagan yung mga iisipin nila.
"Kumbaga, kung ganun sila mag-isip sa amin, nasa kanila na iyon. Kumbaga, pinapalakas na lang namin yung mentalidad at pangangatawan ng sarili namin," napapangiti niyang pahayag.
Maingat na lang daw siya sa mga ginagawa niya ngayon at mag-focus sa trabaho niya.
Puspusan ngayon ang training ni Kelvin para sa Sang'gre: Encantadia Chronicles.
NOEL FERRER:
Inamin ni Kelvin na naapektuhan pa rin siya at hindi pa siya sanay na nasasangkot siya sa mga ganung intriga.
Aniya, "Minsan, gusto mo nang magsalita, minsan gusto mo na lang manahimik. Kasi, kahit ano naman talaga yung gagawin natin, manahimik ka, may sasabihin sa iyo yung tao. Magsalita ka, may sasabihin pa rin yung tao sa iyo.
"So, sometimes hindi mo alam kung ano yung pipiliin mo, magsalita ka ba o mananahimik ka na lang.”
JERRY OLEA:
Magiliw si Kelvin sa mga bumabati at nagpapa-picture sa kanya sa recent Xmas party ng Regal. Panay-panay ang kanyang ngiti.
Hopefully, lalo pang magningning ang kanyang bituin next year pag ipinalabas na ang telefantasyang Sang’gre.
Waiting pa rin tayo kung kailan at saan natin mapapanood ang movie nila ni Beauty Gonzalez na After All, na idinirek ni Adolf Alix Jr.
