JERRY OLEA
Sobrang kinakabahan daw si Sakura Akiyoshi bago simulan ang shooting ng pelikulang Apo Hapon (A Love Story).
Bida sila ni JC de Vera sa nasabing pelikula, sa direksiyon ni Joel C. Lamangan.
Read: Japanese actress Sakura Akiyoshi, "sobrang takot" kay Direk Joel Lamangan
“But sa pasok na shooting, sobrang-sobrang enjoy na po ako,” pagtatapat ni Sakura noong Pebrero 11, 2024, Linggo ng hapon, sa Sine Pop, St. Mary St., Cubao, Quezon City.
Katabi ni Sakura nang mga sandaling iyon si Direk Joel.
Pagpapatuloy ng 26-anyos na si Sakura, “Tapos parang narinig ko na sobrang strict ‘to, sobrang madami takot na tao sa kanya.
“Kaya takot na din ako, parang ganun. Pero sobrang bait po, mabait. Tapos sobrang enjoy din ako.”
Napagalitan ba siya ni Direk Joel?
Natigilan si Sakura bago umamin, “Para sa akin, e, siyempre po, pag yung mali na gagawin ko, ‘Sakula mali, ganun-ganun.’
“Mali, ganun. Turo po sa akin. Kaya siyempre po, ako mali. Kaya… pero sobrang mabait po. Tapos sobrang magaling na ano…”
Direktor? Magaling na direktor?
“Opo. Sobra po, sobra po. Kaya gulat din ako. Kaya sobrang thankful kasama trabaho.”
Kumustang leading man si JC?
Napabungisngis muna si Sakura, “Ay! Mabait din po. Tapos alam niya po, hindi masyado... shooting, ako po, hindi ko alam.
“Madami, madami hindi ko pa alam. Pero turo din siya sa akin. ‘Mas maganda position dito ka.’ ‘Mas maganda na yung ano sa camela.’ Sobrang mabait din po.”
Naging challenging para kay Sakura ang ilang eksena dahil nag-memorize na siya ng mga linya niya sa script, pero pagdating sa set, nare-revise minsan ang dialogues.
Aniya, “Dito sa isip ko, parang yung script na aral, sa memorize. Tapos bigla yung medyo yung palitan!”
Nasa cast din ng Apo Hapon (A Love Story) sina Lianne Valentin, Fumiya Sankai, Nella Dizon, Perla Bautista, Rico Barrera, Jim Pebanco, Elora Españo, Panteen Palanca, Marcus Madrigal, at Prince Clemente.

NOEL FERRER
Paano nag-adjust si Direk Joel sa pagta-Tagalog o Taglish ni Sakura, na nabubulol ito?
Sagot ng premyadong direktor, “Naging bahagi ng movie yung ganung klaseng Tagalog. Kasi siya naman ay Japanese.
“Hindi naman puwedeng dire-diretso ang Tagalog niya. Tama ang kanyang ginagawa na medyo hindi tama ang pronunciation. Hindi tama ang phrasing.
“It adds flavor to the film.”
Nahirapan ba siyang bigyan ng instructions si Sakura sa kissing scenes nito with JC?
Mabilis na tugon ni Direk Joel, “Hindi naman. Kasi, kahit naman siya Japanese, marunong naman silang mag-kiss. Alam naman nila ang kiss.
“Alam nila. Marunong naman sila.”
Ordinaryong kissing scenes ba ang mga iyon?
Tumango si Direk Joel, “Oo. Hindi naman ito Vivamax. Ito’y pelikulang puwedeng panoorin ng kahit seven years old.
“Kaya ang rating nito ay Parental Guidance, PG.”
GORGY RULA
Paano ia-assess ni Direk Joel ang performance ni Sakura sa Apo Hapon?
Mabilis na sagot ni Direk Joel, “I was so amazed. Hindi ko alam na ganoon siya kahusay na aktres. She’s a very good actress.
“Very sensitive, and she’s telegenic. Maganda ang projection niya sa screen.”
Ano ang maipapayo ni Direk Joel kay Sakura sakaling gusto nitong magtuluy-tuloy ang showbiz career sa Pilipinas?
“Aba’y kilalanin niya muna ang takbo ng showbiz sa Pilipinas para maintindihan niya kung papaano ang nangyayari sa showbiz sa Pilipinas,” lahad ni Direk Joel.
“Iba ang showbiz sa Pilipinas kaysa sa Japan, kaysa sa Austria, kaysa sa iba pang mga bansa. Iba dito sa atin.
“Ibang-iba. May kakanyahang kanyang-kanya ang takbo ng mga pangyayari sa lokal na industriya.
“And yun ang gusto kong maintindihan niya.”
