GORGY RULA:
Kaswal na napag-usapan namin ng Kapuso actress na si Jo Berry ang masaklap na nangyari sa kanyang pamilya nung panahon ng COVID-19.
Muli naming pinag-usapan ito sa media conference ng bagong afternoon drama ng GMA-7 na Lilet Matias: Attorney-At-Law na magsisimula na sa Marso 4, Lunes ng hapon pagkatapos ng Abot-Kamay na Pangarap sa GMA-7.
Read: Lilet Matias: Attorney-at-Law, hindi inspired by Extraordinary Attorney Woo
Taong 2021 nang magkakasunod na pumanaw ang tatlong miyembro ng pamilya ni Jo dahil sa COVID-19. Ito rin iyong panahong naka-schedule na siyang papasok sa lock-in taping ng serye niyang Little Princess.
Kahit ganito kasakit ang dumaan sa buhay niya, hindi raw niya kinuwestiyon ang Panginoon kung bakit nangyari ito sa kanyang pamilya.
Saad ni Jo, “Hindi ko siya kinuwestiyon kasi I have faith, and naniniwala ako na nangyari lahat kasi kailangan mangyari. Sadly, kailangang mangyari sa akin. Hindi ko naman po idi-deny na nasaktan ako.
“Lagi ko rin sinasabi na alam ko po sa sarili ko na hindi na ako maging okay like I was before. Kasi may void na, may kulang na, pero hindi ko po kinukuwestiyon.”
Hindi raw siya nabigyan ng pagkakataong magdalamhati dahil kailangan na niyang magtrabaho.
Sinabi naman daw sa kanya ng GMA-7 na maghihintay sila kung hindi pa niya kayang bumalik sa trabaho. Pero itinuloy na niya para hindi niya maramdaman ang sobrang kalungkutan.
“Nung nangyari po kasi ito sa amin, hindi naman ako nabigyan ng quiet time, ng pagkakataon para… well, it’s a choice naman na ituloy kasi naalala ko nun… ang huli po kasing nawala ay ang Papa ko.
“Nawala po yung brother ko, August 26, and yung lolo ko, September 1, and yung Papa ko, September 21. Same year po yun.
“September 21 po nawala po yung Papa ko, nauwi po yung ashes niya September 22, tapos September 23, I have to go na sa lock-in,” dagdag na pahayag ni Jo Berry.
Read: Jo Berry on losing dad, brother, lolo to COVID-19: "Pina-process ko pa rin..."
JERRY OLEA:
Malaking bagay daw itong nagtatrabaho siya sa seryeng ginagawa niya dahil kasama niya ang isa pa niyang pamilya sa Kapuso network.
“Ito po pag may work ako, siyempre nabi-busy, and alam ko din na everytime na pumasok ako sa taping, ganun, parang meron akong additional family,” lahad ni Jo.
“Since eere na nga po yung Lilet Matias na nakikita ko ang mga comments ng mga tao, mga messages niya na napapasaya ko sila, nakakadagdag po na naging okay ako, na na-appreciate ko yung ginagawa ko everyday.
“Kasi di ba, ganun yun? Pag in pain ka, pag grieving ka, may mga days na parang ayaw mo nang bumangon sa kama, gusto mo nang matulog.
“Isa yun sa dahilan kung ba’t ako bumabangon sa umaga na eto po nabigyan ako ng role na ito.”
Ilan sa makakasama ni Jo Berry sa bagong afternoon drama na ito ay sina Maricel Laxa, Rita Avila, Sheryl Cruz, Edgar Allan Guzman, Jason Abalos, Bobby Andrews, at Lloyd Samartino, sa direksyon ni Adolf Alix Jr.
Papalitan nito ang Stolen Life na nasa finale week na umpisa Pebrero 26, Lunes.
NOEL FERRER:
Isang magaling na abogado ang role ni Jo Berry sa Lilet Matias: Attorney-At-Law.
Naalala raw niyang isa rin sa pangarap sa kanya ng namayapa niyang ama ay maging abogado. Balak din daw niya noon na makapagtapos ng abogasiya.
Kaya nung ginagawa raw niya ito, idinasal daw niya ito sa kanyang ama. Naaalala pa rin daw niya ang kanyang kapatid, ama at lolo na magkakasunod silang iniwan.
“I don’t think na makaka-move on ako ever. Pero ayon, pag nalulungkot ako, ginagamit ko talaga kasi yung sinasabi nga ng Papa ko, ituloy ko lang yung laro ko and share po kami sa dream na ito na gusto kong maging abogado.
“Kaya nung binigay po sa akin to, ipinag-pray ko to na sinabi ko to, sabi ko sa kanya ‘Papa, sa role pa lang naging abogado na ako ngayon.’
“Bago po kasi ako naging artista, naalala ko…after ko grumadweyt nung first course, sinabi ko na gusto ko lang ma-try mag-office, mag-work, kumita ng sarili kong pera. Tapos, bumalik ako ng school.
“So eventually, bago ako pumirma ng isa pang kontrata dun sa office ko, in-offer na po yung Onanay. So naudlot talaga yung school,” saad ni Jo.
Siyanga pala, available na sa Ticket2Me ang tiket sa pagtatanghal ng Bar Boys: A Musical sa Mayo 3-19 sa PMCS Blackbox Theater.
Bida sa dulang ito sina Alex Diaz, Jerom Canlas, Benedix Ramos at Omar Uddin. Bahagi rin ng cast sina Sheila Francisco, Juliene Mendoza, Nor Domingo, Topper Fabregas, Kakki Teodoro, Carlon Matobato, Gimbey de la Cruz, Diego Aranda, Edrei Tan, Joshua Ade Valenzona, Jannah Baniasia, Meg Ruiz, Anne Cortez, at Uzziel Delamide. Handog ito ng Barefoot Theater Collaborative.
Stage adaptation ito ng 2017 law school film na tinampukan nina Rocco Nacino, Carlo Aquino, Enzo Pineda at Kean Cipriano, sa direksyon ni Kip Oebanda.
Of course, ibang-iba ang Bar Boys (film man o musical play) sa TV drama series na Lilet Matias: Attorney-At-Law.
