GORGY RULA
Okay naman ang rating ng pilot episode ng bagong Kapuso afternoon drama series na Lilet Matias: Attorney-At-Law noong Lunes, March 4, 2024.
Nakapagtala ito ng 8.4%, habang ang katapat nitong re-run ng Darna sa TV5 ay naka-0.5% lamang.
Read: Lilet Matias: Attorney-at-Law, hindi inspired by Extraordinary Attorney Woo
Hindi gaanong mataas ngayon ang viewership at pati mga commercial load ay hindi pa ganoon kabongga. Pero inaasahang tataas pa ang rating ng Lilet Matias kapag gumaganda na ang takbo ng kuwento nito.
Aminado si Jo Berry na kabado siya sa Lilet Matias dahil ibang-iba ito sa mga nagawa niya. Kaya nagpapasalamat siya sa magagandang projects na ibinibigay sa kanya ng GMA-7.
Read: Jo Berry malaki ang pasasalamat sa GMA-7 dahil sa "tuluy-tuloy" na trabaho
“Thankful po. Kagaya nga po ng lagi kong sinasabi, alam ko naman kung gaano kalaki yung magagastos and yung effort ng lahat ng tao kapag sumugal sila sa isang artista. Kaya grateful po ako.
"Kaya araw-araw sa taping na ginagalingan ko, isa po yung tiwala ng mga boss na binigay sa akin, yung mga writers.
"Kasi, hindi naman po ako mapupunta dito kung hindi dahil sa kanila,” saad ni Jo nang nakapanayam namin sa nakaraang mediacon ng Lilet Matias.
Narito naman ang ratings ng iba pang afternoon shows ng GMA-7: Abot Kamay Na Pangarap, 9.8%; Makiling, 7.2%; Fast Talk With Boy Abunda, 5.5%; Deception, 3.1%; at Family Feud, 8%.
JERRY OLEA
Hindi naman gaanong pumalo sa ratings last Saturday, March 2, ang sitcom nina Dingdong Dantes at Marian Rivera na Jose and Maria’s Bonggang Villa 2.0.
Totoo bang nag-last taping na sila nung Lunes, March 4, at tatlong buwan lang daw itong ieere?
Read: Kumusta ang pilot ng Linlang: The Teleserye Version at Jose & Maria’s Bonggang Villa 2.0?
NOEL FERRER
Nakaka-miss lang ang friendly competition ng networks.
Dahil aminin natin, bagamat artists will always do their best sa kanilang projects, iba rin kung may katapat kayo at patuloy na maipu-push ka to your limits para maging mas maganda ang output mo.
Hindi maiaalis ang ordinaryong pag-iisip na replay naman ang katapat, e, bakit pa kailangang busisiin at pagkagastusan, di ba?
Pero buti na lang, sinusubukan pa rin ng Lilet Matias team to do their best pa rin para may magandang panoorin sa hapon.
As to the other programs, need din yata ng TV ng bagong sigla. Yun bang mag-eengganyo sa ating lahat na bumalik sa panonood ng TV at an appointed time.
Sana talaga, bumalik ang panahong ganun!
