JERRY OLEA
Ngayong Marso 14, 2024, Huwebes, ang last taping day ni Senator Bong Revilla sa Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis.
Hindi lang daw siya sure kung matatapos nila ngayong araw dahil mabibigat ang mga kukunan lalo na ang mga gagawin nilang action scenes.
Kung hindi matatapos ngayong araw, baka madagdagan sila ng isa pang taping day.
Read: Senator Bong Revilla confident second season of Walang Matigas Na Pulis surpassed first season
Nasa FB live ni Senator Bong kanina ang co-stars niyang sina Beauty Gonzalez, Celeste Cortesi, Lianne Valentin, Herlene Budol, at Sanya Lopez.
Parang dumami yata ang leading ladies niya?!
“Si Beauty talaga, kasi siya ang asawa ko dito. Siya ang tagasigaw ng 'Tolome!' Pero okay naman silang lahat, masaya kami dito sa set,” nakangiting pakli ni Senator Bong.
Kanino kamo siya mas kumportable sa mga leading ladies niya? Siyempre, kay Beauty dahil mula pa nung season one ng naturang action-comedy show nila, kasama na niya ito.
Ang gaan daw talagang katrabaho si Beauty at nag-e-enjoy rin naman ang aktres.
May season 3 pa kaya tayong aasahan sa Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis?
Bentang-benta na kasi ang karakter ni Senator Bong na si Tolome, na kahit saan siya ngayon magpunta, “Tolome” na ang sinisigaw sa kanya.
Sa feeding program ng kaibigang Morly Alinio last Saturday sa Tondo, Manila, nakatutuwa ang pagsigaw ng “Tolome” ng mahigit 500 paslit.
Isa si Senator Bong sa major sponsors ni Morly na nagdiwang kamakailan ng kanyang kaarawan. Katuwang din ni Morly sa nasabing proyekto ang mga ka-Troikang Noel Ferrer at Gorgy Rula.
NOEL FERRER
Patapos na agad ang Season 2 ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis? Parang kakasimula pa lang nila, ah?!
Read: Pilot episode ng Walang Matigas Na Pulis Season 2, apat na kotse agad ang pinasabog
At namumutiktik sa dami ang tarps ng programa sa major at minor roads, na sana makatulong mag-push ng ratings ng show ni Senator Bong.
Bago mag-Holy Week ay matatapos na ang session sa Senado, at babalik sila sa April 29.
Habang nasa break sila, sisimulan na kaya ni Senator Bong ang pelikulang gagawin niya?
Ayaw pa niyang kumpirmahin kung uunahin muna niya ang sequel ng Alyas Pogi. Wala pa silang napiling leading lady dito. Baka makakasama pa rin niya rito si Jillian Ward.
Basta gustung-gusto raw niya ang script ng Alyas Pogi na isinumite sa kanya.
GORGY RULA
Samantala, kinuyog naman ng iba’t ibang grupo ng mga guro si Senator sa Session Hall ng Senado nung Miyerkules, March 13, 2024.
Sobrang tuwang-tuwa ang mga guro dahil finally aprubado na ang ipinanukala ni Senator Bong dagdagan ang teaching allowance ng mga guro.
Read: Senator Robin Padilla, kinilala ang kontribusyon ni Jaclyn Jose sa local film industry
Ang mga grupo mul sa Department of Education, Alliance of Concerned Teachers o ACT, Teachers Dignity Coalition, at Philippine Public School Teachers Association ang dumalo sa session nung Miyerkules para saksihan ang pag-apruba ng "Kabalikat sa Pagtuturo Act" na ipinasa ni Senator Bong.

Ang actor-politician ang chairman ng Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation.
Kasama niyang author ng panukalang ito sina Senators Robinhood Padilla, Sonny Angara, Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, Bato dela Rosa, Win Gatchalian, Grace Poe, Miguel Zubiri, Francis Tolentino, Cynthia Villar, at Loren Legarda.
Ang panukalang ito na isinumite ni Senator Bong ay para dagdagan ang teaching allowance ng mga guro mula sa dating PHP5,000, gagawin na itong PHP10,000.
Naging emosyunal daw ang mga guro sa sobrang tuwa pagkatapos aprubahan ang panukala dahil ang tagal na raw nila itong hinihintay.
Kapag naisuwato na ng Bicameral Conference Committee ang mga magkakaibang provision ng Senado at House of Representatives, hihintayin na lang nila itong pirmahan ng Pangulo at mai-enjoy na ito ng ating mga guro.
Read: Senate panel orders subpoena against prime suspects in Catherine Camilon case
Sabi ni Senator Bong nang nakatsikahan namin sa taping ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis, “Alam naman natin na nag-e-evolve na ang pagtuturo, kaya nadadagdagan na rin ang demands na nakaatang sa mga guro para mas maging effective sila sa pagtuturo para sa ating mga anak.
“Naging abonado pa sila minsan. Kaya hindi na nila ito huhugutin sa kanilang bulsa.”
Samantala, ipinakiusap na rin sa amin ni Senator Bong na paalalahanan ang ating mga lolo at lola na magpalista na sa pinakamalapit na Office of Senior Citizens Affairs o OSCA para sa kanilang "cash gift" na PHP10,000 kapag tumuntong na sila sa edad na 80, 85, 90, at 95 years old.
Pag umabot ng 100 years old ay PHP100,000 na ang matatanggap nila. Ito yung Centenarian Law na mas pinalawak na naging Revilla Law.
Paliwanag ni Senator Bong, ang effectivity date ng Revilla Law ay 15 days mula sa paglimbag ng pirmadong batas sa Official Gazette o Newspaper of General Circulation.
Kaya ngayon pa lang daw ay magpalista na raw sana sila sa OSCA o puwede ring magpa-register sa Ederly Data Management System na pinamamahalaan ng National Commission on Senior Citizens.
Read: Mariel Padilla receives backlash for drip session at husband Senator Robin Padilla’s office
