JERRY OLEA
First movie ng Kapuso actor na si Jeff Moses ang Under A Piaya Moon, na isa sa anim na full-length film entries sa ongoing 1st Puregold CinePanalo Film Festival.
“Siyempre, nakakapanibago in terms of filming,” sabi ni Jeff nang makatsikahan namin bago ang awards night noong Marso 16, 2024, Sabado, sa Cinema 5 ng Gateway Mall, Cubao, Quezon City.
“Kasi, maraming shots, maraming technicalities pagdating sa shoot. So ayun, nanibago rin ako.
“And craft-wise, medyo may struggle din sa dialect since hindi rin naman ako sobrang sanay magsalita ng HIligaynon. So far, so good.”
Hindi nakadalo si Jeff sa gala screening ng Negrense film na Under A Piaya Moon noong Marso 15, Biyernes, dahil nasa taping siya ng Kapuso afternoon drama series na Abot-Kamay Na Pangarap.
Tubong-San Carlos City, Negros Occidental siya, na two hours away from Bacolod City.
Ang lolo niya ay Ilonggo, pero ang mother tongue niya ay Cebuano. Kaya medyo may challenge raw talaga, lalo pa’t Ilonggo talaga ang co-stars niyang sina Joel Torre, Pau Dimaranan, at Chart Motus.

Jeff Moses and Joel Torre in Under A Piaya Moon
Mula umpisa hanggang katapusan ay umikot ang istorya ng Under A Piaya Moon kay Stephen Maravilla, ang karakter na ginampanan ni Jeff. Nineteen days kinunan ni Direk Kurt Soberano ang pelikula.
Napangiti si Jeff, “Nakaka-flatter knowing na bago pa lang ako sa industriya and may movie na ako.
“Ayun, for me, isang malaking privilege na makatrabaho ko rin yung mga taga-Negros! Kasi siyempre, we represent our province. And siyempre showcasing our delicacies.”
Nakakagutom panoorin ang movie niya, ha?! Ang sasarap ng mga tinapay at kakanin!
Natawa si Jeff, “Ayun nga po, parang nakaka-proud lang din na shinowcase namin yung delicacies nga ng Negros.
“And as a Negrense, sobrang sarap sa pakiramdam na dinala namin yung film na ito dito sa Manila, and pinakita sa mga tao kung gaano kasarap yung aming mga pasalubong.
“And yung story mismo, sa province ng Negros, so ayun po, masarap sa pakiramdam and sobrang grateful po ako.”
Kung siya ay isang masarap na delicacy ng Negros, ano siya?
Mabilis na tugon ni Jeff, “Ay, naku! Napoleones!”
Nagwagi si Jeff na best actor ng 1st CinePanalo, katabla si Carlos Siguion-Reyna ng Pushcart Tales.
Pinarangalan namang best supporting actor si Joel Torre, na gumanap bilang lolo ni Jeff sa Under A Piaya Moon. Ang co-stars nilang sina Pau Dimaranan at Chart Motus ay kapwa nominadong best supporting actress.
Wagi rin ang Under A Piaya Moon sa mga kategoryang best picture, best cinematography (Nathan Bringuer), best production design (Jed Sicangco at Kurt Soberano), at best editing (Rodney Jarder Jr. at Kurt Soberano).
Ito rin ang napili ng MTRCB para sa Responsableng Paglikha Award, at ng Mowelfund Film Institute para sa Special Citation.
Malalasap ang sarap ni Jeff Moses at ng Under A Piaya Moon hanggang bukas, Marso 19, Martes, sa mga sinehan ng Gateway Mall.
Read: Pushcart Tales, Under A Piaya Moon, humakot ng award sa 1st CinePanalo Film Festival
NOEL FERRER
Suddenly, nagkainteres ang mga tao kay Jeff Moses dahil sa kagalingan niyang umarte.
Sana, mapanatili niyang ganoon ang pag-arte niya — fresh, raw, at may sensitivity at lalim — kahit sinasabi niyang baguhan pa rin siya.
Let’s see how the Kapuso network will work its Sparkle from there.
GORGY RULA
Nasa Abot-Kamay na Pangarap pa lang si Jeff Moses ay marami na ang nakakapansin sa kanya.
Nagulat nga ako nang ni-request ang 24-year-old Kapuso actor na mag-motorcade sa Antipolo nung nakaraang taon. Pinagkaguluhan siya ng mga tagaroon at tinatawag siyang "Reagan," ang character niya sa afternoon drama nila ni Jillian Ward.
Nasangkot pa si Jeff sa naughty video issue pero hindi naman ganun kalala. Parang naglalandi lang daw siya sa video na yun. At nakakadagdag pa ng sensuality sa kanya.
Ang napapansin pa namin kay Jeff, nag-iiba-iba ang hitsura niya, at maganda yun para makapag-adjust siya sa role na gagampanan niya.
Sana nga, may maganda nang plano ang Sparkle sa kanya, habang medyo napapansin na siya ngayon dahil sa magandang performance niya sa Under A Piaya Moon.
Sana, sundan pa ito ng magandang role na ginagampanan niya sa Abot-Kamay Na Pangarap.
