GORGY RULA:
Halos iisa ang hula ng karamihan na nagdadalantao na si Ellen Adarna, at iyun ang tinutukoy ni Derek Ramsay sa kanyang Instagram post na may caption na: “Can’t wait @maria.elena.adarna Alam mo na! lol.”
Matagal nang narinig ng PEP Troika ang tungkol sa kalagayan ni Ellen, pero hinihintay natin ang kanilang announcement.
Ilan sa mga taong malapit sa mag-asawa ang tinanong namin, pero ayaw nilang sumagot dahil mas mabuting manggagaling daw sa mag-asawa ang magandang balita.
Pero magmula nung nabalitaan namin ang diumano’y pagbubuntis ni Ellen, ang tantiya namin ay pumapasok na ito sa lima o anim na buwan.
Hindi pa nahahalata sa ilang post ng aktres. Pero sa huling IG post nito na kuha sa moving up ng anak niyang si Elias, parang may kalakihan na ang tiyan at tinatakpan na niya ito.

Kaya mas mabuting hintayin na lang kung kailan nila ibabahagi ito sa publiko.
Heto pa nga! May latest pa kaming nasagap na malapit na rin daw manganak ang non-showbiz girlfriend ng isang guwapong aktor.
Excited na raw si guwapong aktor sa blessing na darating sa buhay niya, dahil bahagi na rin ito sa pag-move on niya sa malaking kontrobersyang kinasangkutan niya.
Kaya hintayin na lang natin, dahil tiyak na isi-share naman ito ni guwapong aktor sa atin.
Read: How much does it cost to install home elevators?
NOEL FERRER:
Narinig din namin itong tungkol kay guwapong aktor na ang sabi’y malapit na siyang maging tatay. Totoo bang isang foreigner ang girlfriend nito, at wala dito sa bansa?
Ayon pa sa nasagap ng PEP Troika, baby boy raw ang iluluwal ng foreigner girlfriend ni guwapong aktor.
Basta, masaya kami para kay guwapong aktor dahil dasurv niyang maging masaya, pagkatapos siyang masangkot sa isang malaking isyu at kung anu-ano pang ibinibintang sa kanya na hindi naman totoo.
Read: 9 Celebrity Blended Families We Love
JERRY OLEA:
Noong Hunyo 12, Miyerkules, Araw ng Kalayaan nag-umpisang ipalabas sa mga sinehan ang pelikulang Fruitcake.
Sa smorgasbord movie na iyon ay buntis ang karakter na ginampanan ni Ria Atayde.
Nitong Hunyo 16, Linggo, Father’s Day ay kinumpirma ni Ria sa socmed na magiging tatay na ang 41-year old husband niyang si Zanjoe Marudo.
Noong Marso 23 nag-civil wedding sina Ria at Zanjoe, kasabay ang 32nd birthday ni Ria.
Post ni Zanjoe sa Facebook at Instagram ngayong Hunyo 17, Lunes, “Motherhood. Our baby and I are both so lucky to have you.”
Kalakip niyon ang limang pictures ni Ria, two of which ay kasama si Zanjoe.

