JERRY OLEA:
May good news at bad news sa Pinoy movies na nag-streaming recently sa Netflix Philippines.
Unahin ko na ang bad news. Ligwak na sa talaan ng Top 10 Movies ng Netflix PH ang GG Good Game na pinagbidahan ng mag-inang Donny Pangilinan at Maricel Laxa.
Nasa GG Good Game din sina Baron Geisler, Igi Boy Flores, Gold Aceron, Johannes Rissler, Ronaldo Valdez, Boots Anson Roa-Rodrigo, at Christian Vazquez.
Nag-debut at nag-peak iyon sa third place, at ispageting pababa na kapagkuwan.
Ang good news, nasa Top 10 Movies pa rin ng Netflix ang horror movie ni Piolo Pascual kung saan apat na karakter ang ginampanan niya. Nasa pang-apat na puwesto ito ngayong Hulyo 6, Sabado.
3 DAYS, 2 NIGHTS IN POBLACION, ILANG ARAW MANANATILI SA TOP SPOT?
Ang isa pang good news, nasa top spot ang 3 Days 2 Nights in Poblacion kung saan bida sina Jasmine Curtis-Smith, Barbie Imperial at JM de Guzman.

Noong Hulyo 4, Huwebes nag-umpisang mag-streaming sa Netflix ang nasabing movie, kung saan nasa cast din sina Kakai Bautista, Mercedes Cabral, at Lady Morgana.
Ilang araw kaya iyong mananatili sa unang puwesto?
Sa Hulyo 9, Martes ay streaming na sa Netflix PH ang Pagpag 24/7 nina Jerald Napoles, Wilbert Ross, Nikko Natividad, Danita Paner, Nicco Manalo, Dindo Arroyo, at Star Orjaliza.
Sa Hulyo 19 naman ang streaming ng Moro nina Laurice Guillen, Piolo Pascual, Baron Geisler, Christopher de Leon, Beauty Gonzalez, Joel Torre, Ina Feleo, at Nikka Valdez.
Ang Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix — 3 Days 2 Nights in Poblacion, Beverly Hills Cop Axel F, A Family Affair, Mallari, Minions: The Rise of Gru, Priest, Trigger Warning, The Corpse Washer, Ultraman Rising, at Madame Web.

Ang Top 10 TV Shows in the Philippines Today sa Netflix — Demon Slayer: Hashira Training Arc, Miss Night and Day, Supacell, The Man with 1000 Kids, Kaiju No. 8, The Whirlwind, The Double, Hierarchy, Worst Roommate Ever, at The Secret of Us.
READ:
Dalawang pelikula ni Jasmine Curtis-Smith, magkasunod na linggo nagbukas sa sinehan
GG ni Donny, hindi natinag ang Mallari ni Piolo sa Netflix
GORGY RULA:
Hinabol kong panoorin ang mga ipinalabas sa Netflix, at sa totoo lang, nagustuhan ko ang GG Good Game.
Magaling ang mag-inang Maricel at Donny Pangilinan.
Sayang lang, dahil ang talagang audience nito na dapat para sa mga kabataang mahilig maglaro online ay baka mas inabalang maglaro kesa manood sa Netflix lalo na noong nag-showing ito sa mga sinehan.
Nakakapanghinayang din na sa ganitong streaming service pa mapapanood ang pelikulang Moro ni Direk Brillante Mendoza, na dapat ay sa widescreen ito mapanood.
Malaki ang pelikula at inaasahan naming magkaroon pa sana ito ng pa-celebrity premiere man lang dahil ang daming magagaling na artistang involved dito, tapos sa streaming service pala ang bagsak.
Itong 3 Days and 2 Nights in Poblacion ay nag-number one trending ngayon, na maganda raw, sabi ng iba.
Tingnan natin kung magtatagal siya sa number one kung talagang maganda ang pelikulang ito.
Papanoorin ko pa lang.
NOEL FERRER:
Nakakatuwa at hanggang sa nagkita kami ni Zsa Zsa Padilla, ang usapan ay iyung mga MMFF films na nasa Netflix.
Sila pa rin ang namamayani ngayon!
Mula Kapaskuhan, nood ulit tayo sa streaming platforms. Kaya rin wala o bihira na rin ang repeat audience sa pelikula.
Kung noon, ilang beses natin ito papanoorin kasama ang iba’t ibang date o barkada, ngayon, if at all, papanoorin natin minsan, tapos sa streaming na lang uulitin.
Mahal na rin kasi manood ng sine ngayon, di ba?
Pero hayan, ituloy natin ang magagandang content para kahit saang platforms naroon ito, hahanap-hanapin din at papanoorin.
Sana, pati ang mga parating na Cinemalaya films din!!
READ:
