Dumalo ang mag-ina ng namayapang Jukebox Idol na si April Boy Regino na sina Madelyn at JC Regino sa first shooting day ng pelikulang Idol (The April Boy Regino Story).
Read: JC Regino interested in playing dad April Boy Regino
Kinunan ang ilang mabibigat na eksena sa spa at restaurant sa Quezon City na pagmamay-ari ng producer ng WaterPlus Productions na si Marynette Gamboa noong Huwebes, July 18, 2024.
Suporta raw ito sa pagsasapelikula ng kuwento ng buhay ni April Boy Regino.
ANG DIRECTOR-WRITER NA PINILI NI APRIL BOY REGINO
Si Efren Reyes Jr. ang nagsulat ng kuwento at nagdirek nito. Siya rin ang kumausap kay April Boy nung nabubuhay pa ito.

Salaysay ni Direk Efren, “Nagkasabay kami sa airport, nagkasama kami sa eroplano, hanggang doon. Tapos magkasama kami sa hotel, nagkuwentuhan kami doon.
“Nung marinig ko yung kuwento ng buhay niya, sinabi ko na lang, ‘Wow, ang sarap gawing pelikula ng buhay mo.’
“Magmula doon, nagpunta na kami sa bahay niya, at in-interview ko na—yung buhay niya, naikuwento na niya sa akin.
"At habang nagkukuwentuhan kami, minamakinilya ko na ang story niya.”
Matagal na nilang gustong simulan ang film production, pero sa kasamaang palad, nagka-pandemya at pumanaw si April Boy.
“Unfortunately, gagawin na sana namin, bigla namang nag-lockdown tayo ng pandemic. Ang sakit nun sa lahat.
"Lahat tayo nagkulong, nag-shutdown ang industriya, pati ako nag-shutdown.
“Ganunpaman, sinulat ko pa rin. Interviewing Madelyn, the wife. 'May butas ako dito, may kulang ako dito, tawagan mo si Madelyn, tanungin mo kung ano ito.'
“So hangga’t maari, I want to show the true April Boy, beyond the stage.
"Pero siya ang kausap namin talaga, nung binubuo namin ito."
Nakapili ng mga artistang gaganap na April Boy at Madelyn nitong April.
Matagal ang proseso ng pagpapa-audition, pero ayaw pa muna nilang i-reveal kung sino ang mga napili.

Read: Joaquin Domagoso, nag-audition sa April Boy Regino biopic
Gusto muna nilang mag-focus sa principal photography nito, at saka na raw nila ia-announce.
Masaya naman si Direk Efren at ang producer na si Marynette dahil parang ice breaker lang daw dapat ang first shooting day. Mabibigat ang mga eksena, pero nagampanan daw nang maayos.
“Magaling! Nai-imbibe nila yung personalidad ng mag-asawa. Yun lang ang masasabi ko sa ngayon. At tinututukan ko yung acting nila.
“Ang advantage ko, artista din po ako, e, kaya hindi lulusot sa akin yung baba ng kilay at maling galaw, ang maling delivery,” pahayag ni Efren Reyes Jr.
Sabi naman ni Marynette, “Tiwala kami na ang aming lead actors ay hindi na mahihirapan sa light/pakilig at mga eksenang malala na ang mga sakit ni April Boy.
“Tiyak na mamaniin na lang nila maski ang mahihirap na eksena sa final stage ng buhay ni Idol at asawa."
Sa susunod na mga eksena ay kukunan na raw nila sa probinsiya.
NOEL FERRER
WHY JC REGINO IS NOT PLAYING HIS DAD IN BIOPIC
Marami ang nagtanong: Bakit hindi ang anak ni April Boy na si JC Regino ang gaganap since kuhang-kuha nito ang style na pagkanta ng kanyang ama.
Paliwanag ni JC, “Sabi raw po ni Direk, mas kamukha ko po si Mommy.
"Pero mas okay naman po sa akin na iba ang gaganap, para mas mabigyan po ng importansiya ang buhay ni Dad, kesa sa ako po yung gaganap.”
Excited na rin daw siyang makilala ang artistang gaganap.
“Mystery pa po yun kung sino po ang gaganap kay Dad. Pero sabi po nila, pinag-aralan daw bawat galaw ni Daddy saka salita. Kaya sobrang excited po ako sa movie,” sabi pa ni JC.
May partisipasyon daw si JC Regino sa pelikula, pero ayaw para munang sabihin ni Direk Efren Reyes Jr. kung ano ang gagawin niya.
Ayon kay JC, “Isa pong karangalan ito, kasi siyempre malalaman na po yung…
"Mas maalala po ng tao hindi lang po sa kanta, kasi gagawin pa po yung movie ni Dad.
“Yung buhay niya po, kung papano po siya nagsimula, simula nung bata siya, mga paghihirap niya, mga dinanas niya bago siya magsimula hanggang sa sumikat siya, hanggang sa nag-struggle siya sa buhay niya nung nagkasakit siya. Yun.
“Sana po para magkaroon na mabigyan po ng inspirasyon ang mga tao po sa pamamagitan ng buhay ni Dad,” sambit ni JC Regino.
JERRY OLEA
Ang WaterPlus Productions ang nag-produce ng musical comedy film na ‘Wag D’yan, ‘Wag D’yan… May Kiliti Ako D’yan (2005) na pinagbidahan nina Kat de Santos at Jeff Areos.
Sinuportahan sila nina John Lapus, Ian Valdez, Emilio Garcia, at Swarding.
Musical drama naman itong biopic ni April Boy Regino.
Ang peg ba nito ay Bohemian Rhapsody (2018) na biopic ni Freddy Mercury? Matatandaan na ang bidang si Rami Malek ang tinanghal na best actor sa 91st Academy Awards o Oscars.
Disiotso anyos si April Boy nang maging singer sa Japan. Mahalagang yugto iyon sa kanyang journey bilang singer.
Tingnan natin kung paano ie-execute ng produksiyon ang mga kaganapan sa Land of the Rising Sun.
