JERRY OLEA:
Naging Seiko jewel noon si Marco Sison. Pumirma siya ng kontrata sa Seiko Films ni Boss Robbie Tan.

Namayagpag noon ang Seiko Films sa paggawa ng ST (sex trip) films at TF (titillating films).
“Kaya lang kasi, iba naman yung… iba naman yung trend noong araw.
“Bold. E, wala namang bold na ngayon, di ba?
“Everybody’s naka-bikini, naka-two-piece. Maski mga lalaki, topless. Hindi na tinatawag na bold. Wala nang tawag na ganun. But before, ganun.
“Hindi ko mapanindigan yung ganun, e. Yung in-offer sa akin noon, last offer, third picture ko with Seiko, Sumayaw Ka, Salome ang title.
“E, sabi ko sa manager ko, ano na lang, ‘Kakanta na lang ulit ako!’”
MARCO, MAY BED SCENE AT KISSING SCENE WITH GRETCHEN BARRETTO
Ang huling Seiko movie ni Marco ay ang Beautiful Girl (1990) na pinagbidahan ni Gretchen Barretto, sa direksyon ni Laurice Guillen. Nasa cast din niyon sina Romnick Sarmenta, Raul Zaragosa, Isabel Rivas, Michael Locsin, at Janet Arnaiz.

“May bed scene kami ni Gretchen. May kissing scene. Up to now, hindi ko pa napapanood yun,” pagtatapat ni Marco.

“Kasi sabi ng mga barkada ko, ‘Mas magandang tingnan kung may hawak kang mic!’ Parang ang sagwa, hindi sila sanay, ganun siguro. So hanggang ngayon, hindi ko siya pinapanood.
“May mga scenes na pinanood ako. Kasi ang ganda naman nung… choreographed yun, e. Ano lang, and then, meron akong isang guesting sa Music Museum.
“I remember this, talagang… very clearly na sabi, ‘Now ladies and gentlemen, the next performer is a singer turned bold actor!’ Sumama ang loob ko noon. Naapektuhan ako noon.
“Sabi ko, ayoko nang mag-artista!”
Singit ng katabi ni Marco na si Rey Valera, “Yan ang problema ng guwapo, e!”
Napabungisngis si Marco, “Ayoko na! So, hindi ako sinuwerte sa pag-aartista. Siguro kung nagtiyaga ako, puwede naman. Pero mas love ko ang singing.
“Kasi yun ang comfort zone ko. Actually, yung acting, hindi ako komportable doon.”
Tampok sina Marco at Rey sa concert na Ang Guwapo at ang Masuwerte na gaganapin sa Nobyembre 22, 2024 sa Music Museum, Greenhills, San Juan City.
Read: Rey Valera and Marco Sison roast fellow OPM legends
GORGY RULA:
Matagal nagkasama-sama sa concert tour ang OPM legends na sina Rey Valera, Marco Sison, Hajji Alejandro, Nonoy Zuñiga, at ang namayapang Rico J. Puno.
Naging script na nila sa opening ng kanilang concert ang tungkol sa pagiging guwapo o masuwerte ng lalaki.
Lahad ni Marco, “‘Ano ang masasabi mo, Marco?’ Yun nga, yung parang sa akin, dine-deliver ko yung line ng dalawang klase ng lalaki dito sa mundo, isang guwapo at isang masuwerte, ganun.
“‘O, pag-usapan na natin kung ganun ba talaga. Teka, pag-usapan muna natin kung sino ang unang kakanta.’ Di ba?
“Tapos si Hajji, nung nabubuhay si Rico, sa kanya yung sasabihing, ‘Sino ang gusto ninyong unang kumanta?!’ E siyempre, may sumisigaw, ‘Guwapo! Guwapo!’
“Nung nabubuhay si Rico, ‘O, Rico, pasensya ka muna, ha? Diyan ka muna!’ Nung bandang huli, nung wala na si Rico, ‘O, Rey, pasensya ka na muna, ha? Yung guwapo muna ang kakanta.’ Ganun.
“Tapos may sagot naman siya, ‘Hindi! Dapat ang [unang] kakanta, yung priority!’ Ang priority namin siyempre, yung PWD. Si Nonoy Zuñiga yon. Yun ang nauunang kumanta. Ha! Ha! Ha!”
Di lingid sa kaalaman ng publiko na si Nonoy ay may artificial leg, dahil sa bombing incident na naganap sa Philippine Plaza Hotel noong October 1980, noon pang panahon ng Martial Law.
Sambot ni Rey, “Dahil pare-pareho na kaming senior!”
Read: Marco Sison, Rey Valera comment on P-pop, new OPM singers
NOEL FERRER:
Nagandahan ang concert producer na si Mhae Sarenas ng Echo Jham Entertainment sa title at concept na Ang Guwapo at ang Masuwerte, kaya naisipan niyang iprodyus iyon para kina Marco Sison at Rey Valera.
Pahayag pa ni Marco, “Pero siyempre, para sa akin, wala namang guwapo, e. Wala namang pangit. At tama talaga ito, yung suwerte, di ba?
“Kasi, pinagtatrabahuhan ang suwerte. O kahit guwapo ka, tamad ka naman, di wala rin.”
Pinunto ni Marco ang mga negosyanteng galing sa hirap, nagsumikap at nginitian ng suwerte.
MARCO, BUKAMBIBIG ANG PAGKASUWERTE NI REY VALERA BILANG COMPOSER AT OPM ICON
Pagpapatuloy ni Marco, “Sa totoo lang, sa aming lima na ngayon ay naging apat na, si Rey Valera ho ang napakaraming hits. Advantage kasi niya yung pagiging composer.
“So lahat ng mga compositions niya, hit. Yung iba, ibinigay niya sa ibang artist na siya naman talaga ang may-ari, kasi siya ang composer. O, e, di ba, napakasuwerte niya?
“Sa mga kantang yun, nakita ko kung papaano siya mahalin ng kanyang mga fans. O kung papaano siya mahalin.
“As a matter of fact, para sa akin, itong mga kanta ni Rey, nag-cross over na ito sa Gen-Z. E sabi ko sa kanya, ‘Wala kang pagkakataong mag-retire. Kasi magagalit sa iyo ang Gen-Z pag sinabi mong magre-retire ka na.’
“So anong klaseng suwerte iyon? Di ba, napakasuwerte? Magandang lalaki na, napakasuwerte pa — sa mata ng kanyang mga fans.”
Nakangiting reaksyon ni Rey sa pambobola ni Marco, “Salamat ha, pare ko!”
