GORGY RULA
Puwede nang isabak sa mga action scenes si Senator Bong Revilla pagkatapos niyang maoperahan sa Achilles tendon nitong April 2024.
Nagpapasalamat ang actor-politician dahil sa mabilis ang paggaling niya.
Sumunod lang daw siya sa payo ng kanyang doktor at ilang buwan din siyang nagpa-therapy.
Tamang-tama, nag-decide ang GMA-7 na gawin pa ang season 3 ng action-comedy niyang Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis.
Nagsimula na silang mag-taping noong Huwebes, October 31, na ikinatuwa ng mga co-stars niya at production staff.
“Okay na ako. Puwede na mag-action,” text ni Sen. Bong sa PEP Troika.
Read: Senator Bong Revilla, nag-medical leave sa Senado
CHANGE IN CAST OF SITCOM
Wala naman daw gaanong nabago.
Walang limitasyon sa mga action scenes gaya ng mga ginawa nila sa first two seasons.
Nandun pa rin ang regular co-stars niya na pinangunahan ni Beauty Gonzalez bilang si Gloria, misis ni Tolome.
Pero wala na sina Kelvin Miranda at Kate Valdez.
Wala pa silang masabi tungkol sa mga idadagdag sa cast, pero ang guests nila sa pilot episode nito ay sina Jillian Ward at Leo Martinez.
Hindi pa nila masabi kung tuluy-tuloy rito ang dalawa, lalo na si Jillian.
Naudlot ang pagsasama nilang muli sa pelikula, kaya gusto talaga ni Sen. Bong na makatrabaho si Jillian Ward.
Sa December na ito magsisimula at papalit sa timeslot ng The Voice Kids sa Linggo, at kailangang matapos sa February, bago magsimula ang pangangampanya ng action star.
NOEL FERRER
Common knowledge na isang malaking gamble magsimula ng panibagong TV show ng December dahil mababa ang advertising load sa mga panahong ito.
And the viewership, medyo variable at di sigurado dahil ang daming ibang pinagkakaabalahan ang mga tao na medyo hindi mapirmi sa kani-kanilang bahay at sa telebisyon.
Ang tanong ko: paano kaya mababawi ni Senator Bong ang kanyang investment sa ganitong TV show if at all—or hindi na talaga ito ang habol niya kundi ang national visibility at paglikha na rin ng trabaho sa ating industriya?
I guess, better alternative na lang ang isang sitcom na mas suwabe than a direct political ad, di ba?
JERRY OLEA
Matagal nang niluluto ang movie project na pagsasamahan nina Sen. Bong Revilla at Jillian Ward bilang mag-ama.
Naulinigan pa natin na ang leading lady niya rito ay si Sharon Cuneta.
Di ba, sa 57th birthday celebration ng action star noong September 2023, kung saan ipinagdiwang din ang kanyang 50th anniversary sa showbiz, may ginawang TV special na ipinakitang magkasama sina Jillian at Mega sa Pangako Sa ‘Yo production number?
Busy pa noon si Jillian sa Kapuso afternoon series na Abot-Kamay na Pangarap, at meron ding mga pinagkakaabalahan si Ate Shawie.
Ang sinimulan na movie ni Sen. Bong ay bagong installment ng Alyas Pogi franchise. Dahil sa kanyang aksidente, naudlot ang shooting nun.
Minabuti niyang gawin na lang muna ang Season 3 ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis.
Sakto, nagwakas na ang Abot-Kamay Na Pangarap kaya hindi na ganoon ka-busy si Jillian.
Isa kaya si Jillian sa mga artista na hindi muna tatanggap ng regular TV show kapag campaign period para sa eleksiyon?
