GORGY RULA
Hindi nagtagal si Matteo Guidicelli sa Unang Hirit, pero marami pa rin ang naghahanap sa kanya nang hindi na siya napapanood sa morning show ng GMA-7.
Read: Matteo Guidicelli, nagsimula na bilang co-host ng ‘Unang Hirit’
Kaugnay nito, hiningan ng PEP Troika ng reaksiyon si Arnold "Igan" Clavio sa nakaraang media conference ng 25th anniversary celebration ng Unang Hirit.
Tinanong namin kung bakit hindi na itinuloy ni Matteo ang hosting nito sa kanilang programa.
“Di ba, contract star siya dito, di ba? So, may kontrata siya, and… ewan ko kung dapat sabihin,” nag-aalangang sagot ni Igan.
“Pero nagpaalam siya nang maayos and parang gusto niya yung personal life, lalo na sila ni Sarah na bumuo ng pamilya.
"So, yung schedule niya, medyo… baka pagod, ganyan, and we respect that.
“Thank you dun, so naging part siya ng Unang Hirit. Talagang maraming naghanap.
"And respetuhin mo yun, e. Priority niya talaga, family… family first talaga kahit sino naman.”
Read: Matteo Guidicelli and Sarah Geronimo "better together"

NATIONAL UNANG HIRIT DAY
Sa December ay ipagdiriwang ng Unang Hirit ang kanilang 25th anniversary.
Tinaguriang "National Unang Hirit Day" ang December 6, kung saan sa eksaktong araw na ito unang umere ang Kapuso morning show nung taong 1999.

Magmula nun ay naging tahanan na ito ni Arnold Clavio.
Sumunod ang ibang main hosts na sina Suzi Entrata-Abrera, Susan Enriquez, Lyn Ching, Atty. Gabby Concepcion, at Ivan Mayrina.
Ngayon ay kasama nila ang younger co-hosts na sina Shaira Diaz, Kaloy Tingcungco, Chef JR Royol, at Anjo Pertierra.

Ani Arnold, “Dalawampu't limang taon na kaming naghahatid ng mga balita at mga sorpresa. Maraming salamat sa mga kasama naming gumigising ng madaling-araw.
“Bahagi na ng aming buhay ang magpasaya sa inyo, magbigay ng pag-asa, at maging alarm clock ninyo sa umaga at source ng mahahalagang impormasyon.
“Mula noon hanggang ngayon, walang pagbabago. Ang mauna kayo sa lahat ang dala-dala naming pangako hanggang sa susunod na 25 taon.”
Read: Arnold Clavio, Susan Enriquez unglued in Unang Hirit go viral
NOEL FERRER
Para kay Arnold Clavio, lalo silang na-inspire sa pagbibigay ng mga bagong mapapanood sa Unang Hirit, pero nandiyan pa rin ang sorpresang dala ng naturang programa.
Ani Arnold, “Simula nung nabigyan ako ng chance na maging morning show host, yung commitment ko every day, ganun na lang. Gigising ka na iniisip mo ang viewers.
"Ngayon, yung direksiyon na tatahakin namin… siguro it would be the same, dahil nagustuhan ng tao, e.
“Wala na akong nakitang dapat baguhin. Yung emergence ng social media kung mapapansin niyo, dun na rin yung direksiyon namin.
"May social platform na rin po yung Unang Hirit, nasa TikTok, nasa Facebook na. Surprisingly, pati sa mga bus na may TV, nakikita namin nagko-comment, e.
“Siguro yun ang direksiyon namin, e, sasabay ka sa pagbabago dito sa mundo.
"And kung kami lang, personally, sa akin lang, ha, wala naman akong nakikitang changes.
"Kung ano yung nakita niyo 25 years ago, yun pa rin yung gagawin ko hanggang ngayon.”
Ganyan naman kapag morning show talaga, mabilis ang turnover.
At merong point na ang mananatili ay yung dapat manatili, na yun mismo ang pagko-commit-an nilang show kahit anupaman ang mangyari, di ba?
All the best to everyone lalo na sa loyal viewers nito!
Read: Arnold Clavio back to work after health crisis
JERRY OLEA
Kaugnay sa festivities ng kanilang 25th anniversary, may bagong areglo ang theme song ng Unang Hirit.
Ang live performers — Jose Mari Chan, Zephanie, at Mark Bautista.
Makikisaya sa Unang Hirit ang Sexbomb Dancers na ipinagdiriwang din ang kanilang ika-25 anibersaryo.
Abangan natin kung sinu-sino sa former hosts and segment hosts ng Unang Hirit ang makikipag-celebrate.
Dahil morning show ito, merong beteranong host na “pinakawalan” upang mapalitan ng “young blood.”
Touché!
