GORGY RULA:
Congratulations kay JK Labajo sa successful first major concert niyang juan karlos Live na ginanap sa SM MOA Arena noong Biyernes, November 29, 2024.

Tiyak na ang daming inabot ng matinding traffic nung gabing iyon, dahil halos kalagitnaan na ng palabas napuno ang venue.

Mahaba ang stage. Ang buong espasyo sa ibaba ay nakatayo lang ang mga tao, at walang inilagay na upuan.

Kaya marami ang na-accommodate sa mga nanonood sa ibaba na pawang mga fans ito ng naturang singer, dahil talagang sinasabayan nila ang halos lahat na kinakanta nito.
Nagsimula ang concert ng 8:39 ng gabi, at halos tatlong oras inabot ang kanyang concert.
JUAN KARLOS, TILA DI MAKAPANIWALA NA NABUO NIYA ANG KANYANG FIRST MAJOR CONCERT
Ang simple lang ng konsepto, na wala gaanong kadramahan.
First solo major concert ito ni JK pero walang kadramahan ng kuwento ng buhay niya, na kung paano siya nagsimula at mga pinagdaanan niya sa buhay.
Naka-t-shirt at jeans lang si JK at hindi na ito nagpalit. Parang nadya-jamming lang sila, at talagang binigyan niya ng moment ang bawat miyembro ng banda, pati ang back-up singers niyang magagaling naman talaga.
Ang haba ng segment na iyun na kinanta nila ang “Baka Sakali.”
Hindi pa siya gaanong nag-spiel na parang mga kabarkada lang niya ang kaharap niya.
Paulit-ulit lang niyang sinasabing, “Ang weird ng pakiramdam ko. Hindi ko ‘to gets!” na parang hindi siya makapaniwalang nabuo niya ang ganitong malaking concert.
Bukod sa mga special guest niya, ang isa sa pasabog niya bago natapos ang concert ay kinanta niya ang single niyang “Manhid” sa labas ng MOA.
Nagulat ang mga tao sa labas na tila mga fans din niya dahil talagang nagkakagulo silang lahat.
Kudos sa magandang direksyon ni Paolo Valenciano sa kakaibang konsepto ng naturang concert, at ang ganda pa ng stage.
Basta, ibang-iba siya sa madalas na napapanood nating concert lalo na’t first time pa lang ito ni JK Labajo.
Congratulations din sa Nathan Studios nina Sylvia Sanchez at ng buong pamilya Atayde.
Read: juan karlos on creating hits and thriving in the spotlight
NOEL FERRER:
Pawang malapit kay JK ang special guests niya na sina Moira dela Torre, Gloc 9, Janine Berdin, Zild at Paolo Benjamin ng Ben & Ben. Nasa LED screen lang si Kyle Echarri na ka-duet niya sa Visayan song na “Kasing-Kasing.”


May prior commitment daw kasi si Kyle sa Indonesia, kaya hindi ito personal na nakasama ni JK.
Kinanta nina JK at Moira ang collaboration nilang “Medyo Ako,” at ang “Sampaguita” naman nito kay Gloc 9.
Sabi ni JK, first time lang daw nilang kinanta ito ni Gloc 9 nang live.
Ang sikat na kanta niyang “Buwan” at “Ere” ang ilan sa familiar kami sa mga kinanta ni JK. Pero obvious na mga fans nito ang nandun sa SM MOA Arena dahil talagang sinasabayan nila ang halos lahat na kinakanta niya.
Naririnig namin sa bandang likuran namin na pawang hugot daw ang mga kinanta nito sa hiwalayan nila ni Maureen Wroblewitz.
May kanta siyang “Limang Taon” na maaring hugot din ito sa limang taong relasyon nila ni Maureen.
Siyempre, ang “Buwan” ay isinulat niya para sa dating nobya, at ang “Ere” na ang duda nila ay patama rin ito kay Maureen.
Pero in-acknowledge naman ni JK ang kasalukuyan niyang girlfriend na nandoon para sumuporta sa kanya.
Read: JK Labajo, posible kayang maayos pa ang isyu kay Darren Espanto?
JERRY OLEA:
JUAN KARLOS CONCERT, SUPORTADO NG MGA KAIBIGAN NIYANG ARTISTA
Maagang dumating si Andrea Brillantes sa SM MOA Arena. Nandoon din ang mag-asawang Cong. Arjo Atayde at Maine Mendoza, at sinabi ng ilang fans na nandoon din daw at nanood ang mag-asawang Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo.
Nasa bandang gilid sila nakaupo, dahil nakatayo lang lahat sa ibaba.
Hindi rin sila ipinapakita sa screen. Basta ang chill-chill lang ng concert na iyun.
Hindi na nga nag-encore si JK, kahit nag-“more, more!” pa ang mga tao.
Nakanta na niya siguro lahat na mga kanta niya at pasado alas-onse na kasi.
