JERRY OLEA
Sa Stories ni Direk Darryl Yap na naka-post sa kanyang Facebook account, sinabi niyang naka-34M views sa FB at Tiktok sa loob ng 24 oras ang teaser ng ika-17 pelikula niyang The Rapists of Pepsi Paloma (TROPP).
Ang nasabing teaser ay pinasabog online ng VinCentiments noong Enero 1, 2025, Miyerkules ng 5:00 P.M.
Sa teaser, nagsusumigaw si Gina Alajar (bilang Charito Solis) na tinanong si Rhed Bustamante (bilang Pepsi), “Ni-rape ka ba ni Vic Sotto?!”
Naghuhumiyaw rin si Rhed, “Oo!”
Read: Darryl Yap nag-ingay agad with The Rapists of Pepsi Paloma teaser
Bakit si Rhed Bustamante ang napili ni Darryl na gumanap bilang Pepsi Paloma?
FB post ni Daryll, “Maraming Maganda, Maraming Mahusay, pero Konti lang ang Maganda, Mahusay at MATAPANG.
“14 years old lamang si Pepsi Paloma noong pumasok siya sa Showbiz. Kaya’t mahalagang isang galing sa pagiging Child Star ang gumanap sa kanya.
“Salamat Rhed Bustamante Salamat sa pagtanggap, pagtitiwala at pagtupad sa pangarap ng isang Batang Olongapo na maikwento ang buhay ng kanyang kababayan.”
Provocative ang mga post ni Direk Darryl kaugnay sa bago niyang pelikula.
“my film, The Rapists of Pepsi Paloma is not under TAPE inc.
“It was not funded by Anti-Sottos, and definitely not made to clear the Sotto Connection.
“my film is a film. a shocking truthful revelation.”
Ang TAPE Inc. na pag-aari ng Jalosjos family ang dating producer ng longest-running noontime show na Eat Bulaga!.
Read: Tito Sotto on Jalosjos' 'Eat Bulaga!' Meddling
Nang umabot na sa 15M views ang teaser ng TROPP, ang FB post niya, “Kung ano ang nangyari, yun ang makikita. WALANG LABIS. WALANG KULANG WALANG LILINISIN. WALANG DUDUMIHAN.
“PANANAGUTAN. KATOTOHANAN.”
DARRYL YAP ANSWERS NETIZENS
Sinasagot ni Daryll iyong mga nagkokomento sa bago niyang pelikula.
Patuloy rin ang pagpo-post niya online ng kanyang saloobin:
“kung may troll farm lang ako, may back-up na TV network — siguro mas maaabot ng pelikula ko ang mga tao.
“bagamat may 2 akong box-office hit, na hindi matanggap ng mga haters — hindi ako mahihiyang sabihing malayo naman talaga ang marketing ng mga pelikula ko kung ikukumpara sa ibang productions, lalo na sa Star Cinema — sa totoo lang, yang marketing nila ang mahusay talaga.
“samantalang ako — ang meron lang ay Kwento.
“ang TROPP o THE RAPISTS OF PEPSI PALOMA ay hindi po under VIVA Films, Hindi rin po ako nabigyan ng pera ng mga Jalosjos o Discaya o ng mga Aliens o kung anong elementong may galit sa mga Sotto. Gusto ko syempre ng pera— pero wala. Makakasira rin sa ipinaglalaban kung may halong pulitika, kahit babad ako roon — itong TROPP2025 ay hindi para sa eleksyon.
“sa grand presscon, masasagot lahat ng tanong
“at agam-agam — bagamat nagpapasalamat ako sa mga opinyon, bash at suporta…
“sa ngayon, hayaan nyo muna naming matapos ang pelikula, para maipalabas sa February 2025.
“Matalino naman ang mga tao. alam nila ang hilatsa ng Troll sa totoong tao. at ang totoong tao ang may totoong suporta.
“salamat sa pangungumusta, pagpapaalala at pagpapakita ng suporta.
“salamat rin sa mga gusto akong kulamin, kung anu-anong sinasabi, nagmamagaling atbp.
“ituloy nyo lang yan. “Happy New Year.”
Ed's Notes:
- Si Yap ay nakakontrata sa Viva Films bilang direktor.
- Ang mga Jalosjos ang may-ari ng TAPE Inc., na dating producer ng Eat Bulaga! kung saan ang pioneer hosts ay sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.
- Ang "Discaya" na tinutukoy ni Yap ay ang mag-asawang negosyanteng sina Curlee at Sarah Discaya. Si Sarah ay tumatakbong mayor ng Pasig City sa 2025 elections, kung saan makakalaban niya ang incumbent mayor na si Vico Sotto, anak ni Vic.
Maliban kina Rhed Bustamante at Gina Alajar, nasa cast ng The Rapists of Pepsi Paloma ang mga premyadong artista na sina Mon Confiado bilang Dr. Rey de la Cruz at Shamaine Centenera-Buencamino bilang ina ni Pepsi; ang theater actor na si Andres Balano Jr. bilang Richie D’Horsie; at ang character actor na si Jun Nayra bilang Atty. Rene Cayetano.
Read: Darryl Yap, tinawag na "sinungaling" sina Joel Lamangan at Cherry Pie Picache
WILL MTRCB APPROVE THE TITLE "THE RAPISTS OF PEPSI PALOMA"?
Matuloy kaya sa Pebrero 2025 ang pagpapalabas ng The Rapists of Pepsi Paloma sa mga sinehan?
Maaaprubahan ba ito ng MTRCB, kung saan ang kasalukuyang chairperson ay si Lala Sotto-Antonio na pamangkin ni Bossing Vic Sotto?
Online ipinalabas ang teaser ng The Rapists of Pepsi Paloma, at hindi iyon sakop ng MTRCB.
Aaprubahan kaya ng MTRCB ang titulong The Rapists of Pepsi Paloma?
Iyong title ng pelikula ni Alma Moreno na Rape of Virginia P. ay na-disapprove ng MTRCB at naging Virginia P. (1989) na lamang.
Kung tama ang pagkakatanda ko, ang apelyido ni Virginia ay Purificacion.
Ang Regal movie na Virginia P. ay idinirek ni Joey Gosiengfiao, at tinampukan din nina Richard Gomez, Joey Marquez, Alice Dixson, Gino Antonio, Ana Cabrera, at Jordan Carvajal.

Lumusot sa MTRCB ang movie titles na The Marita Gonzaga Rape-Slay: In God We Trust (1995) at Marital Rape (2001).
Kalahok sa Cinemalaya filmfest ang Ang Panggagahasa Kay Fe (2009).
Tampok sa The Marita Gonzaga Rape-Slay: In God We Trust sina Sunshine Cruz, Jinggoy Estrada, Ms. Maggie de la Riva, Tommy Abuel, Royette Padilla, Manjo del Mundo, at Brando Legaspi, sa direksyon ni Carlo J. Caparas.

Nasa cast ng Marital Rape sina Patricia Javier, Tonton Gutierrez, Raymond Bagatsing, at Perla Bautista, sa direksiyon ni Neal “Buboy” Tan.

Tampok sa Ang Panggagahasa kay Fe (The Rapture of Fe) sina Irma Adlawan, TJ Trinidad, Nonie Buencamino, Joel Molina, at Mercedes Cabral, sa direksiyon ni Alvin Yapan.

THE MTRCB 2024 REPORT
Sa year-end report ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), nitong 2024 ay nakapagrebyu sila ng mahigit 267,000 na materyal.
Kabilang dito ang 264,424 na mga materyal para sa telebisyon, 592 pelikula, 549 movie trailers at 1,525 publicity at optical media na isinabmit ng mga producer at istasyon para mabigyan ng angkop na klasipikasyon.
Sa halos 600 na pelikula, 30 dito ay rated G (angkop para sa lahat ng manonood), 298 rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang), 251 ang R-rated, habang 13 ang na-X o hindi pinayagang maipalabas sa mga sinehan.
Read: MTRCB, inilabas na ang classification sa MMFF 2024 entries
Nagpasalamat si MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio sa Board Members para sa kanilang hindi matatawarang trabaho at pagiging propesyunal upang bigyan ng angkop na klasipikasyon at masiguro na ligtas ang mga materyal bago ito mapasapubliko.
Pinapurihan niya ang 31 Board Members na sina:
Abugado: Vice Chairperson Paulino Cases, Jr., Gaby Concepcion, Cesar Pareja, Ricardo Salomon Jr., at Frances Hellene Abella
Retiradong Guro: Maria Carmen Musngi
Producers sa Pelikula at Telebisyon: Josefina Annabel “JoAnn” Bañaga, Wilma Galvante, Eloisa Matias, at Jerry Talavera
Direktor sa Pelikula at TV: Antonio Reyes and Neal Del Rosario
Aktor at Aktres: Bobby Andrews, Jan Marini Alano, Mark Anthony Andaya, Luke Mejares, Johnny Revilla, Richard Reynoso, Valmar Sotto, at Almira Muhlach
Editor sa Pelikula at TV: Manet Dayrit at Katrina Angela Ebarle
Advertising Expert: Angel Jamias Batikang
Peryodista: Alfonso "Al" Mendoza
Public Servants: Racquel Maria Cruz at Fernando Prieto
Negosyante: Cherry Espion, Jose Alberto V, Glenn Patricio, at dating BM Federico Moreno
Mental and behavioral expert: Lillian Ng Gui.
Muling tiniyak ni Chair Lala na sa 2025 ay mas pagbubutihin pa ng Ahensya ang trabaho nito at patuloy na magiging kaagapay ng industriya ng paglikha at ng pamilyang Pilipino tungo sa responsableng panonood at paglikha.
Ani Chair Lala, “Mananatili po ang ating dedikasyon sa ating trabaho at mandato na ipalaganap ang responsableng panonood, ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa ating mga stakeholder, at ang pagsuporta sa mga lokal na pelikula sa bansa.”
Read: To abolish or to retain: Is MTRCB censorship still relevant in the digital age?
GORGY RULA
Marami ang nagtanong sa amin kung ano kaya ang nararamdaman ng mga Sotto sa mga artistang tinanggap ang roles na ginampanan nila sa The Rapists of Pepsi Paloma.
Siyempre, maintindihan naman nila yun, dahil trabaho lang naman iyon.
Pero maselan ang tema ng pelikula at hindi naman nagsasalita ang TVJ tungkol sa matagal nang isyung iyan.
Nalaman ko kasi sa isang magaling na aktor na inalok gumanap sa isa sa mga pangunahing karakter sa pelikula, pero nagdadalawang-isip siya kung tatanggapin niya ito.
Hanggang sa nag-decide siyang huwag na lang, at mabuti hindi naman napursige ang offer na yun sa kanya. Pero naisip na raw niyang hindi niya gagawin ang project.
Kung makalusot man ang pelikula sa MTRCB, parang hindi ko pa maisip na ito ang first box-office hit na pelikula sa taong 2025.
NOEL FERRER
Bakit at ano ang dahilan at binubuhay ang ganitong kuwento at issue?
Sino ang makikinabang at pinagsisilbihan nito?
Iyan ang mga basic na mga tanong ko sa proyektong ito.
Read: Darryl Yap reveals losing passion for filmmaking after doing Vivamax and Marcos movies
