JERRY OLEA
Revival King ang taguri kay Jojo Mendrez, ang singer-businessman na nali-link kay Mark Herras.
Iyong revival niya ng kanta ni Julie Vega na "Somewhere in My Past" (1985) ay humamig na ng 45M views sa iba’t ibang online platforms.
Sino ba ang nagkaloob kay Jojo ng title na Revival King? Bakit iyon ang title na ibinigay sa kanya?
“Ako kasi yung pinaka-first na nag-remake nung kanta ng Apo Hiking Society na 'Tuyo Na’ng Damdamin' (1982),” malumanay na salaysay ni Jojo sa mediacon niya noong Pebrero 18, 2025, Martes, sa Dapo restaurant, Sct. Borromeo St., Quezon City.
“OK, then after the remake of that, nasundan yun nung kanta ni Florante, yung 'Sana' (1983). Ako rin ang nag-remake nun.
“Then after 'Sana,' dumating na yung kantang 'Handog' (1978). Yung 'Handog' na iyan ang nanalo sa PMPC Star Awards for Music ng Revival Song of the Year.
“So dun nagsimula iyon. Then ako rin yung nag-remake ng 'Magkabilang Mundo' (2011) ni Jireh Lim na nagkameron din ng million views, pati yung 'Handog.'
“Lahat ng music video na nagawa ko ay maraming nag-support. So yun, tapos nagkameron ako ng concert, yung first major concert ko sa Newport Performing Arts Theater, na luckily sold out siya.
“So dun nagsimula iyon. So yung title na yun actually, hindi ko yun hiningi sa nagbigay kundi…Actually hindi naman mahalaga sa akin actually yung title na yian, e! Iyan na nga ang pinag-aawayan ngayon.
“Kaya nga nai-irritate ako pag naririnig ko na parang nag-aaway sa title ng Revival King.”
May umaagaw ba sa title niyang Revival King?
“May mga bashers kasing pumapasok sa social media namin ng management ko!” bulalas ni Jojo.
“Na sinasabing hindi ako yung karapat-dapat for that. Hindi naman ako nangarap na magkaroon ako ng titulo.
"Ang sa akin lang is matugtog lang ako ng radyo, makita kong masaya yung taong pinapakinggan yung kanta ko, that’s it.
“At sinabi ko naman from the very start na kumakanta ako, not for money.
“I’m not against dun sa mga singer na kumakanta because ito yung gusto nilang pagkakitaan at natural lamang iyon. But on my part, minindset ko na ang sarili ko na kakanta ako not for money.
“Isang objective ko rin sa buhay ko na ipinangako ko sa Panginoon, kung dadating ang panahon na ibe-bless Niya ako, sisikat ako, makikilala ako, ay gagawa ako ng mga songs for Him.
“Yung mga bagay na pupurihin ang Panginoon kasi alam ko naman, sa last part ng buhay natin, talagang wala tayong madadala.
"Wala tayong titulo sa isa’t isa. Wala tayong pag-aari. Lahat ay sa Panginoon.
“Kaya iyang title na Revival King na iyan, hindi ko iyan hiningi or pinagnasaan. Kusa iyang ibinigay sa akin. Ngayon kung may gustong kumuha, OK lang din, walang problema sa akin.
"Ang sa akin lang, e, ito yung nangyari sa akin na meron akong 45M views, napakalaking blessing sa akin niyan. Sobrang laking blessing sa akin.”

Pumalakpak ang ardent supporters ni Jojo na present sa mediacon.
Pagpapatuloy ni Jojo, “At kaya ko naman napatunayan yun, kasi pinuntahan ko ang mga lugar na hindi ko pinupuntahan.
"Sinuyod ko ang bawa’t lugar kasi hindi naman ako recognized ng tao, yung itsura ko, e. Naririnig nila yung kanta, pero hindi nila nakikita yung mukha ko.
“Pumunta ako ng Divisoria, ng Quiapo, ng Taytay. Mga bus stations, lahat sinuyod namin ng management ko, nag-observe kami.
“At narinig namin, tinutugtog ang kanta at tinatanong nila yung nakikinig nung song… Iisa ang sinasabi nila.
"Napakaganda raw ng song pero hindi nila alam ang singer. Napapakinggan nila, at ang ganda-ganda raw yung song.
“Hindi makumpleto ang happiness kasi hindi ako makilala, pero kilala yung song. Still masayang-masaya pa rin ako for that.
“So I don’t need the title of Revival King. Basta ang sa akin, magustuhan ng tao yung kanta.”
Pumirma na ng kontrata si Jojo sa ABS-CBN Star Music. Orig ang bago niyang kanta, iyong "Nandito Lang Ako" na komposisyon ni Jonathan Manalo.
Kinanta ni Jojo sa mediacon iyong "Nandito Lang Ako." Sa kalagitnaan ng pag-awit niya ay sumulpot si Mark Herras, yumakap sa kanya at nag-abot ng pumpon ng bulaklak. Agad ding um-exit si Mark.
Read: Jojo Mendrez iginiit na walang something sa kanila ni Mark Herra
NOEL FERRER
Noong 2018 ginanap ang first major concert ni Jojo Mendrez sa Newport Performing Arts Theater, Resorts World Manila.
Ang pamagat ay Revival King.
Panauhin sa nasabing concert sina National Artist Nora Aunor at Asia’s Queen of Songs Pilita Corrales.
Bakit ngayong 2025 lang siya nag-revive ng "Somewhere in My Past" at nag-release ng bagong song na "Nandito Lang Ako?" Bakit antagal ng pagitan?
Pagtatapat ni Jojo, “Ahhmm nung panahon kasing yun, parang ano, e. Para bang wala akong nakikitang direksiyon sa pagkanta ko.
“Andun yung parang insecurities ko, parang andun yung weak side ko, na parang, parang wala nang patutunguhan yung pagkanta ko.
“At the same time ay lumaki ako nun. Ang timbang ko nun is 350 pounds. So talagang pinilit kong mag-trim down.
“Nawalan ako ng 100+ pounds, pero mga 60 pounds na lang, siguro OK na ako. OK na yun. Kasi mahirap namang mag-diet, e.
“So nung nag-lie low ako, meron kaming alam mo na, mga negosyo, yung pamilya ko. Yung mga napundar ko nung time na… pinagtrabahuhan ko lahat iyon sa real estate.
“So dun ako nag-focus. Bumili ako ng mga properties, idineal ko siya sa malalaking companies. Tapos yung gusto kong kumanta, nandun pa rin. Hindi siya nawawala.
"So nag-usap kami ng management ko, si David at si Vince, na kung magka-comeback ako, ano yung kanta na puwede kong gawin?”
Ang management ni Jojo ay ang Aqueous Entertainment headed by David Cabawatan and Vince Apostol.
Dagdag ni Jojo, “So ito nga, itong direksiyon na ito, itong nagkaroon si Dr. Mon del Rosario ng 'Somewhere in My Past.'
"Yun yung kantang hindi ko in-expect na mapupunta sa akin. So, yun yung tamang panahon na ibinigay sa akin from the time na tumigil ako.”
Nagkasundo raw ang Star Music at Aqueous Entertainment na gawan ng music video ang "Somewhere in My Past" at "Nandito Lang Ako."
Ini-announce ni Jojo sa mediacon na bahagi ng music video ang Superstar at National Artist na si Nora Aunor.
Pagngiti ni Jojo, “Yun yung magandang plans na gagawin. So very excited ako. Kasi siyempre hindi namin in-expect na ganito ang mangyayari sa 'Somewhere in My Past.'
“Kasi eleksiyon ngayon, e. So ito yung time na nagsisimula na siyang suportahan ng social media influencers ay napapansin siya, pero parang andun yung naghe-hesitant ako na ituloy, kasi nga sasabay sa election.
“Sabi ko sa management ko, ‘Paano iyan kung halimbawa tumutugtog tayo tapos sabayan ng election, baka hindi tayo mapansin.’
“Sabi nila, ‘Hindi, ituloy mo iyan. Kasi ang ganda ng feedback. Andaming sumusuporta sa iyo. Milyun-milyon ang pumapasok na mga views sa music video mo, so lakasan mo ang loob mo.’
“And now yun nga, nagkameron kami ng 45M collected views ng 'Somewhere in My Past' dahil sa support ng mga social-media influencers at saka nung malalaking artist na nakarinig nung kantang 'Somewhere in My Past.'
Ang wish natin kay Jojo, sana’y makamit niya ang tagumpay at relasyon at pagkakaibigang magtatagal. All the best, Jojo!
Read: Jojo Mendrez nagpaliwanag sa spotted photos nila ni Mark Herras
GORGY RULA
Maganda rin yung naisip ni Jojo na i-revive ang mga hit songs noon. Pero totoo yung sinasabi niyang kumakanta siya hindi para kumita. Isa talaga ito sa passion niya.
Hindi niya ito kailangan para kumita, kundi nakaka-inspire sa mga taong hindi sumusuko. Patuloy na nagsisikap para maabot ang pangarap.
Ang ganda ng kuwentong ibinahagi niya, at ito ay na-feature pa noon sa program ni Korina Sanchez.
Nagsilbing inspirasyon yun sa mga patuloy pa ring nangangarap at hindi sumusuko.
Lahad nga ni Jojo sa isang radio interview, “I had a sad life kasi hindi ko na-experience na nagkaroon ng maayos na buhay.”
Naabot niya ang matagal na niyang pangarap, pero patuloy pa rin siyang nangangarap, at itong pinasok niya sa larangan ng musika.
Naalala ko pa ang kuwento niya noon na mahilig talaga siyang kumanta. Sumasali siya sa mga singing contest sa mga bara-barangay. Paborito niya si Sharon Cuneta at ang isinasali niyang kanta noon ay ang "Mr. DJ" ng megastar.
Nang nakakariwasa na siya, pinangarap niyang makilala si Sharon, at noong nasa real-estate business na siya, pinangarap niyang bilhin ang bahay ni Sharon sa Ayala Alabang.
Pero naunahan daw siya sa pagbili. Ang nabili na lang niya ay ang bahay sa kabilang kalye ng bahay ng Megastar.
Dagdag ni Jojo, “Ginagawa ko dati yung mga walis tingting, yung buli… na-experience ko lahat yun.
“So, ang nangyayari lahat ngayon sa buhay ko, hindi pa talaga nagsi-sink in. Ang lagi ko sinasabi na parang nangangarap pa rin ako until now.
“Wag ka sanang mawawalan ng pag-asa. Never na mangyari yun kasi bawat isa pala sa atin, dun ko nakikita the real ano ng buhay.
"Dun mo makikita na ang bawat isang pangarap ay meron siyang tamang panahon. Yun yung nakita ko sa napagdaanan ko in my life.”
