JERRY OLEA
M.I.A. (Missing In Action) si Jeric Gonzales sa Body of Work: The Bench Show noong Marso 21, 2025, Biyernes, sa SM Mall of Asia Arena.
E, di ba, payanig ang Bench Body photos noon ni Jeric, maging nina Paul Salas, Yasser Marta, Gil Cuerva, Luis Hontiveros, JC Galano, at Enzo Pineda?
Kaya nakaka-miss na hindi sila nagpakitang-gilas sa star-studded fashion extravaganza.
Read: KathVid, KathDen, at mga tinilian sa Body of Work: The Bench Show
Natapos na ang kontrata niya sa Bench?
“Yes po, natapos na ang kontrata,” sabi ni Jeric sa mediacon ng pelikulang Fatherland nitong Marso 25, Martes, sa Manila Hotel.
“Ako, dream ko nga talaga yun, e. Sana nakasama ako dun. Pero let’s see sa mga susunod. Sayang, e!”
So, OK sa kanya ang rumampa nang naka-underwear?
Mabilis na tugon ni Jeric: “Yes po, gustung-gusto ko. Lalo na sa Bench. Dream-come-true ko yun.
“Kasi bata pa lang ako, napapanood ko na yung mga fashion show nila. Given a chance, sana soon. He! He! He!”

SHORT BUT SIGNIFICANT ROLE IN FATHERLAND
At any rate, maikli pero markado ang role ni Jeric sa pelikulang Fatherland na idinirek ni Joel Lamangan, at ipapalabas na sa Abril 19, Black Saturday.
Pero nagsu-shoot na siya ng bagong movie kung saan siya ang bida, iyong Graduation Day na directorial debut ni Dante Balboa.
Iyong launching film ni Jeric na Broken Blooms, pati itong Fatherland at Graduation Day, ay pawang handog ng BenTria Productions.
Matatandaang may sexy scene si Jeric sa Broken Blooms. Maghuhubad din ba siya sa Graduation Day?
Napangiti ang Kapuso hunk,
“Abangan niyo po! Abangan niyo, may intimate scenes din.”
Kaya ba niyang i-level up ang daring scenes this time?
Tumango si Jeric, “Tingin ko po, kayang-kaya ko po. Mas gusto ko nga yung challenge, yung mga ganyan.”
Read: Fatherland cast members share their dad stories
GORGY RULA
Sandaling nakatsikahan ng PEP Troika si Jeric sa media conference ng pelikulang Fatherland.
Kapansin-pansin na lalong gumuwapo ang Kapuso actor.
Nagpapayat lang daw siya, nagpa-fit lalo ng katawan para sa pelikulang ginagawa niya, ang Graduation Day ng BenTria Productions.
JERIC ON RABIYA'S SEARCH FOR HER BIOLOGICAL FATHER
Nagpasakalye kami na mukhang wala na siyang stress. Dahil single na ba siya ngayon?
“No comment po muna ako diyan. Gusto ko po muna mag focus sa ano ko… hindi po muna makapag-comment dun,” tila naaalangang sagot sa amin ni Jeric.
Ang narinig namin ay break na raw sina Jeric at Rabiya Mateo, pero okay pa rin daw sila bilang magkaibigan.
Mukhang nagkakausap naman silang dalawa, kaya nag-comment ang aktor sa pinagdaanan ni Rabiya sa paghahanap nito sa kanyang biological father.
Natunton ni Rabiya ang kinaroroonan ng ama, pero hindi siya kinilala nito.
Read: Rabiya Mateo, itinakwil ng kanyang biological father
Sabi ni Jeric tungkol dito: “Of course po kasi heartbreaking po yun. Lahat naman po ng anak, gusto niyang mahanap ang tatay niya, lalo na si Rab.
“Bata pa lang siya, umalis na agad yung tatay niya. So, ayun po.
"To be rejected like that, sobrang sakit po na you know how she feels… hindi man lang niya nakausap, nakasama o nakita.
“Pinag-usapan po namin yan before. Dream niya talaga yan na makita yung father niya sa U.S.
"Wala naman sa expectations na makasama niya or what. Gusto lang niyang malaman, kumusta. Gusto lang niyang makasama, makita.”
Pinayuhan daw niya si Rabiya.
“Naano naman namin. In-advise ko… sabi ko, 'Part yan ng life kung ganun na hindi ka niya tanggapin.'
"Sabi ko, 'Huwag ka na lang mag-invest ng sama ng loob, kasi at the end of the day, father mo pa rin siya.
“'Just wish him the best na lang, pray for him.' Yun lang,” saad ni Jeric.
Read: Rabiya Mateo and Jeric Gonzales: A relationship timeline
NOEL FERRER
Ang first movie ni Jeric ay Hustisya (Cinemalaya 2014), na si Joel Lamangan ang nagdirek.
Second time na idinirek ni Direk Joel sa movie si Jeric dito sa Fatherland kung saan bida sina Allen Dizon at Iñigo Pascual.
“Dito po sa Fatherland, ako po yung isa sa mga agent ng lupa. Kumbaga, real estate agent na nanggugulo sa character ni Sir Allen Dizon dito,” sabi ni Jeric.
First time makatrabaho ni Jeric ang multi-awarded na si Allen.
“Very relaxed lang, professional, of course magaling na aktor. Giver si Sir Allen sa eksena. Collaborative.”
Nasa cast din ng Fatherland sina Cherry Pie Picache, Mercedes Cabral, Richard Yap, Angel Aquino, Jim Pebanco, Ara Davao, Abed Green, Rico Barrera, Max Eigenmann, Kazel Kinouchi, at Bo Bautista.
Siyangapala, kasama rin si Jeric sa seryeng Widows’ War na mag-i-streaming na sa Netflix umpisa Abril 16.
Read: Jeric Gonzales, natupad na ang pangarap maging award-winning actor
