GORGY RULA
Mas tahimik at tapos na raw ang mga isyu at intriga sa pagsasama ngayon ng mag-asawang Dennis Trillo at Jennylyn Mercado.
Kasabay ng kanilang pagma-mature bilang mag-asawa, tapos na raw sila sa matinding awayan.
Hindi raw uso sa kanila ang pagpo-post ng cryptic message sa social media.
“Naku, yun ang hindi namin gagawin,” sabi ni Dennis sa launching niya bilang bagong brand ambassador ng Belle Dolls nitong Huwebes, Mayo 8, 2025, sa Solaire North, Quezon City.
“Dahil siyempre, unang-una, bilang mag-asawa, kung ano yung problema niyo, mas magandang ayusin niyo muna, kayong dalawa lang, kesa i-broadcast niyo sa iba.
“Dahil maraming manghihimasok na maaring makaapekto ng relasyon niyo.”
Read: Dennis Trillo says Jennylyn Mercado is "maasikaso" at home
ON UNFOLLOWING EACH OTHER ON SOCIAL MEDIA
Hindi pa nila nasubukang mag-unfollow sa isa’t isa sa Instagram?
“Siguro kung mga twenty years ago or ten years ago, baka ganun,” napangiting sambit ni Dennis.
“Pero ngayon, medyo naging mature na kami. So, parang hindi na namin ugali…”
Pag-amin ni Dennis, nung bata pa siya ay meron siyang in-unfollow sa mga nakarelasyon niya noon.
“Ahhh, meron, meron din. Hindi ko naman bina-block. Pero siyempre, para wala lang maging problema, minabuti ko na lang din,” rason ng Kapuso actor.
Hindi naman daw lahat ng kanyang ex-girlfriends ay in-unfollow niya. May iba na friends pa rin sila.
Baka depende raw sa breakup kaya in-unfollow niya at hindi naging kaibigan ang nakarelasyon noon.
Samantala, napansin naming tila bumagets si Dennis at ang kinis ng mukha.
Sabi naman ni Dennis, sumasabay kasi siya kay Jennylyn sa pagamit ng ilang beauty products na iniendorso ng asawa.
Ngayon ay iniendorso ng Kapuso actor ang bagong produkto ng Beautederm Belle Dolls na Zero Filter Sunscreen line.
Nagpirmahan sila ng kontrata ng Beautederm CEO na si Ms. Rei Anicoche Tan sa mediacon kanina.

JERRY OLEA
Dahil sa na-maintain ni Dennis ang kaguwapuhan, nandiyan pa rin ba ang mga tukso?
Sagot niya: “Siyempre, mga tukso, laging nandiyan yan. Pero dun masusubok yung tibay ng pagsasama ninyo pag di na kayo nagpapaapekto sa mga tukso.
“Doon masusubukan kung gaano kayo katatag, kung gaano kayo katibay.
"And napakasuwerte ko sa aming relasyon ni Jen.
“Feeling ko, talagang na-master na namin yung isa’t isa, kilala na namin, kaya siguro harmonious na kaming magkasama.”
Wala nang selosan?
“Wala na kasi ano, e… mas malawak na ngayon ang pag-iisip namin bilang mga mature individuals,” sabi ni Dennis.
“Siyempre, merong mga pagkakataon na darating, pero parang hindi na ganun kalakas yung impact sa aming mag-asawa.”
Meron pa rin ba silang away o tampuhan?
Malumanay na sagot ni Dennis: “Away, pagtatalo, kasama naman po yan sa relasyon, e.
"Kahit magkakaibigan, magkakasama lang sa bahay, nag-aaway. Ano pa kaya yung mag-asawa?
"Pero ang importante diyan, hindi kayo sumusuko sa isa’t isa.
“Lagi ninyong inuuna yung pagmamahalan niyo. Lagi ninyong iniisip yung pamilya, yung kapakanan ng lahat.”
Read: Jennylyn Mercado: "Yung cheating, di ko yun tatanggapin."
ON PARENTING STYLES
Nagka-clash ba sila ni Jennylyn pagdating sa pagpapalaki at pagdidisiplina sa mga anak nila? Yung tough love vs soft love?
Napabuntong-hininga si Dennis, “Opo, yung mga clashes na ganyan, hindi talaga maiiwasan yan dahil magkaibang tao kami.
“Meron kaming mga iba’t ibang prinsipyo, mga pananaw sa buhay. Iba’t ibang pinaniniwalaan.
“Pero yun na nga, since magkasama naman kami halos araw-araw, marami kaming time din na pag-usapan kung ano talaga yung puwede nating pagkasunduan.
“Dito tayo magkakasundo, mag-meet tayo sa isang neutral ground na, alam mo yun, magiging patas ang lahat.”

ANOTHER BABY?
Nagpa-freeze na sina Dennis at Jennylyn ng eggs sa Texas, USA. Gusto na ba nilang magkaroon ng isa pang anak?
Mayroon nang anak na babae sina Dennis at Jennylyn, ang three-year-old na si Dylan.
May tig-iisa rin silang anak mula sa kanilang mga dating nakarelasyon: si Alex Jazz, na anak ni Jennylyn kay Patrick Garcia, at si Calix, anak ni Dennis kay Carlene Aguilar.
Ayon kay Dennis: “Ngayon, hinihintay lang naming maging ready ang lahat. Sa ngayon, focus muna kami doon sa aming bunso,.
“At gusto namin, talagang tutok kami. And pagkatapos nun, bahala na, pag-usapan naming mag-asawa kung ano ang next na plano.”
Pero gusto pa nilang magkaroon ng supling?
“Kaya pa kung tutuusin. Pero siyempre, malaking responsibilidad na, alam mo yun, na kailangang desisyunan namin pareho mag-asawa,” saad ni Dennis.
Tuluy-tuloy pa rin ang taping nina Dennis at Jennylyn ng Kapuso seryeng Sanggang Dikit kaya talagang hindi na raw sila halos naghihiwalay.
NOEL FERRER
Magkalapit ang birthday ng mag-asawang Dennis Trillo at Jennylyn Mercado.
Sa Lunes, Mayo 12, ang birthday ni Dennis, at sa Mayo 15, Huwebes, ang kaarawan ni Jennylyn.
“Election po sa Monday at magkakasama kaming buong pamilya. Siguro kakain lang sa labas or kahit sa bahay lang,” sambit ni Dennis.
Ipagdiriwang din ng kanilang pamilya ang Mother’s Day sa Linggo, Mayo 11.
“Yes, isang celebration na lang!”
Ano ang birthday wish niya?
“Birthday wish ko ay, sana, laging maging masaya yung pamilya. Yun lang ang hiling ko.
"Yun na, yun siguro!” bulalas ng premyadong Kapuso actor.
Dagdag niya, “Yun ang the best para sa akin.”
MOTHER'S DAY MESSAGE FOR JENNYLYN
Ano ang mensahe niya para kay Jennylyn sa Mother’s Day?
“Message ko sa kanya, sa lahat ng mga mommies na rin — bilib ako sa mga nanay,” sabi ni Dennis.
“Dahil napakahirap ng trabaho nila. Mabuhay kayong lahat!
"Maraming salamat sa pag-aalaga niyo sa mga anak. Sa lahat ng paggabay niyo, pagturo ng mga mabubuting asal.
"Saludo ako sa mga nanay, saludo ako sa inyo! Nirerespeto ko kayo at mabuhay kayo!
"Happy Mother’s Day sa inyo!”
DENNIS ON MAY 12 ELECTIONS
May iniendorso ba siyang kandidato sa eleksyon?
“Wala, wala, wala. Pinili namin na maging neutral pagdating diyan, lalo na sa politika,” sabi ni Dennis.
“Mahirap na kasi minsan, e, pag meron kang pinanigang isang ano at nalaman ng ibang tao, tapos hindi naman nila kandidato yun, halimbawa, maaari kang...
"Alam mo yun, masabihan nang hindi maganda, depende sa paniniwala nila.”
Ano ang pananaw niya sa nalalapit na botohan? Ano ang mensahe niya para sa mga mamamayan?
Saad ni Dennis: “Mensahe ko sa kanila, siguro, ito lang yung isa sa mga pagkakataon na maaaring mapakinggan yung inyong mga desisyon.
“Ma-exercise yung inyong karapatan lalo na sa pagpili ng mga mamumuno sa pamamagitan ng pagboto.
“So, gamitin nila yon na wisely, bihira lang nila yon mae-exercise. Bihirang mangyari… kaya i-maximize nila.
“Piliin nilang mabuti kung sino sa tingin nila ang makakatulong talaga.”
Read: Dingdong, Kim, Dennis, Jennylyn among top taxpayers in QC
