JERRY OLEA
Sensual ang kissing scene nina Zaijian Jaranilla at Jane Oineza sa Puregold digital series na Si Sol at Si Luna.
Napatili ang fans nang mapanood ang "vacuum kiss" nila sa trailer na ipinalabas sa mediacon nitong Mayo 16, 2025, Biyernes, sa World Trade Center, Pasay City.
Ano ang naramdaman nila nang mapanood ang trailer, partikular ang maalab na paglalapat ng kanilang mga labi?

Sabi ni Zaijian: “Sobrang halo yung emosyon ko nung mapanood ko. Sobrang proud at masaya na may kaba.
“Masaya kasi first time ko nga siyang ipapakita sa mga tao na kaya ko ring gumawa ng ganun. Sobrang malaking step yun para sa akin.”
Pagmamatwid ni Zaijian, mas nanaig ang pagiging proud niya kesa sa pagiging kabado dahil ibinigay niya ang kanyang best para sa digital series.
Pahayag naman ni Jane: “Anong reaksiyon? Halo-halo kasi sobrang isa ito sa mga mina-manifest ko na project.
“And feeling ko, nag-align ang stars ng universe, ang araw, at ang buwan, kaya nagawa ang project na ito. Kaya masaya ako na naging parte nito.”
Read: Zaijian Jaranilla apologizes over remarks about Dustin and Vince
ZAIJIAN JARANILLA ON PLAYING A MATURE ROLE
Ang 13-episode digital series na ito ay kuwento ng 18-year-old college student na si Sol (Zaijian) at ng 30-year-old woman na si Luna (Jane), na ipinagluluksa ang pagpanaw ng kanyang fiancé (Vaughn Piczon).
Ayon sa writer-director na si Dolly Dulu, hindi ito May-December love affair kundi "May-September" dahil 12 years lang ang difference ng edad nina Sol at Luna.
Bakit kinabahan si Zaijian sa pagganap ng medyo mature role?
Paliwanag ng 23-anyos na aktor: “Kasi hindi ko alam kung paano ako tatanggapin ng mga tao na gumagawa na ako ng ganung role.
“Pero, at the same time, sabi ko sa sarili ko, mas maganda na nacha-challenge ako. So, mas maganda rin yung naibibigay ko.
“Dahil yun naman yung gusto ko pag nacha-challenge ako. Mas napu-push ako na gawin nang mas maganda yung ginagawa ko.
“At yun, siguro sa mga nagsasabi na baka mukha raw akong bata tingnan.
“Kasi yun naman talaga yung istorya po, e. Kasi coming of age talaga siya na ipapakita yung complexity kung paano na-in love ang isang 18-year-old sa isang 30-year-old.
“Kung paano rin ibabalik nung 30-year-old yung sa 18-year-old, parang ganun.”
Read: Zaijian Jaranilla admits breakup with non-showbiz girlfriend
NOEL FERRER
Paano sinuportahan ni Jane si Zaijian na first time sumalang sa passionate kissing scene?
Napangiting tugon ni Jane: “Siyempre, teamwork iyon. It takes two to tango.
"So, kailangan sa eksena, siyempre kahit naman may nagawa akong ganun before, first time din namin yung gagawin na kami iyong nasa eksena.
“So it’s always siyempre something new. You have to get to know siyempre your co-actor, di ba, and what helps them.
“So, yun naman din, and na-enjoy namin yung buong series kasi…Of course, andun yung alalay.
“Kasi siyempre, first time ni Zaijian. And andun naman kami ni Direk Dolly as professionals.
“So, nabantayan naman ang eksena at saka, yun nga, everything was so professional.”
ZAIJIAN JARANILLA AS KISSER
Sabi ni Zaijian, marunong siyang humalik. Pero mahusay ba?
Natawa si Jane, “Hahaha! Naku, panoorin niyo sa episode… Hahaha."
Susog ni Zaijian: “Gusto kong i-commend si Ate Jane dahil dun sa ginawa niya na pagsuporta sa akin dun sa mga eksenang ganun.
“Dahil alam niya rin na hindi madali yun na gawin kaya yung pag-uusap, importante yung pag-uusap.
“Yung limitations sa bagay na yun. Kasi masyadong sensitibo iyong gagawin namin. Hindi siya nagkulang doon.
“Tapos pag nagtatanong ako, ‘Okay lang ba ito? Okay lang ba ito, ganyan?’ Sobrang ano lang po.
“Yung kaba ko, mas more on sa akin, hindi sa kanya na baka hindi niya magustuhan. Mas akin talaga, no, ganun po.”
Pagsisiwalat ni Jane, nanlalamig noon ang kamay ni Zaijian.
Sabi pa ni Zaijian, “Makikita mo po yun sa eksena talaga, e. Kaya sobrang importante iyung koneksiyon ba.”
Sambot ni Jane, “Saka ang ganda rin kasi nung sa kuwento kaya nangyari yun. Kaya parang yung dapat magawa natin ito nang tama.”
Read: Jane Oineza at RK Bagatsing, package deal sa pelikula?
GORGY RULA
Para kay Jane Oineza, pasabog ang kissing scene nila ni Zaijian Jaranilla.
Para naman kay Zaijian, “Speechless! Kasi wala akong nasabi after ng eksena, e.”
Ayon kay Archie Liao ng Abante Tonite, may mga nagsasabi na mas may kilig daw ang Jane-Zaijian tandem kesa sa pakikipagtambal ni Jane sa boyfriend na si RK Bagatsing.
Reaksiyon ni Zaijian, “Parang ibang usapan naman na po yun. Siyempre respeto pa rin kay Kuya RK dahil in real life, partner niya si…”
Sambot ni Jane: “Pero masaya naman sa part na at least, nakita ng tao si Sol at Si Luna.
"So, siguro ganun sila, napapanood nila yung characters na na-merge na nila yung real life sa reel life.”
Kinailangan bang magpaalam o mag-inform si Zaijian kay RK na hahalikan niya ang girlfriend nito?
Si Jane na ang sumagot: “Kasi siyempre part ito ng trabaho natin. And yun nga, parang professional din naman kami.
“So, kung ano yung kailangan sa work, sa character, sa kuwento, siyempre yun ang work namin.”
Sabi ni Jane, napanood na ni RK ang trailer ng Si Sol at Si Luna, at nag-like daw ito.
Nasa cast din ng digital series sina Joao Constancia, Karina Bautista, Polo Ravales, Uzziel Delamide, Lyle Viray, Jem Manicad, Marnie Lapus, Adrian Reyes, Syrel Navarro, Cheena Crab, at Atasha Franco.
Ang executive producers ay sina Chris Cahilig at Ivy Zharisse Piedad.

Ang unang episode ng Si Sol at Si Luna ay mapapanood sa Mayo 31, Sabado, at 7:00 P.M. sa Puregold Channel sa YouTube.
Ang mga susunod na episode ay matutunghayan every Saturday night thereafter.
Read: Is Jane Oineza open to live-in relationship with RK Bagatsing?
