GORGY RULA
Ngayong Sabado, July 26, 2025 lang nakabalik si Vice Ganda sa It’s Showtime pagkatapos niyang umabsent sa naturang noontime show mula pa noong Lunes, July 21.
Ang saya niya pagpasok na lumapit sa audience at niyakap ang ilan sa kanila sa sobrang pagka-miss daw niya sa madlang pipol.
Kinuha na rin niya ang pagkakataong ito na muling pasalamatan ang grupong SPEEd o Society of Philippine Entertainment Editors na siyang nagbigay sa kanya ng parangal sa 8th EDDYS awards na ginanap sa Marriot Grand Ballroom noong nakaraang Linggo, July 20.
Read: 8th EDDYS: Marian Rivera, Dennis Trillo win top acting honors
Isa si Vice Ganda sa pinarangalan ng 8th EDDYS na Box Office Heroes kasama sina Alden Richards, Kathryn Bernardo, Julia Barretto, Joshua Garcia, Dennis Trillo, Ruru Madrid, Piolo Pascual, at Vic Sotto.

Nagpasalamat na rin ang "Unkabogable Star" sa lahat na patuloy na tumatangkilik at pinapanood ang pelikula niya.
“Thank you very much. It feels so good na pinili nyo pa rin po kami na makita, mapanood, ma-experience. Ang sarap-sarap lang po sa pakiramdam,” bahagi ng mahaba niyang pahayag.
In-announce na rin ni Vice Ganda ang susunod na gagawin niya para sa 51st Metro Manila Film Festival, ang Call Me Mother kasama si Nadine Lustre.
Ang buong team pa rin daw ng And The Breadwinner Is… na pinangungunahan ni Direk Jun Robles Lana ang makakasama niya.
NOEL FERRER
Binanggit na rin ni Vice Ganda sa It’s Showtime ang nakita raw niya sa TikTok na pati ang children with disability ay pinapanood siya at napapakalma raw sila sa pelikula nito.
[Ed's Note: Ayon sa United Nations, mas mainam gamitin ang "people-first language" sa paglalarawan o pagtukoy sa mga taong may disability. Kaya bagamat mahusay ang intensiyon natin sa paggamit ng "special child," mas inirerekomenda ng UN ang terminong "person or children with disability."]
Ani Vice, “Kanina sa TikTok may napanood ako na hindi ko alam kung bakit ang lapit-lapit ko, at mahal na mahal ako ng mga special children. Special children who really choose to watch me and ang parents nila na ang pelikula ko ang pinapanood nila para mapakalma ang kanilang special kids.
“Hindi ko alam kung bakit nyo ako pinapapasok sa mundo nyo and I’m so grateful and I’m amazed, and I’m just so happy to be part of your world.
“Maraming salamat na napapasaya ko kayo diyan, and masarap sa pakiramdam na nakakapasok ako sa mundo ninyo.”
Sinabi na rin ni Jhong Hilario na iba raw kasi ang sayang ibinibigay ni Vice Ganda sa mga taong nanonood sa kanya.
May kakaibang karisma raw na dala si Vice Ganda, kaya nagustuhan siya ng mga tao, sabi naman ni Vhong Navarro.
“Pero ako talaga naa-amaze, kasi normal na iyon sa atin, di ba? Sa mundo natin.
“Marami ang nagsabing kaya gusto nila ang mga pelikula natin, kasi nagre-relax sila, nakatakas sila sa problema.
“Pero I’m just so amazed kung bakit yung mga special children, pelikula ko ang gusto nilang tutukan para kumalma sila,” dagdag na pahayag ni Vice.
JERRY OLEA
Nang mag-birthday ang isang pamangkin kong PWD noong nakaraang Hunyo 25, ang wish niya ay makapanood ng It’s Showtime.
Sa tulong ni Kane Errol Choa na head ng Corp. Comm. ng ABS-CBN ay nakapanood ang aking pamangkin, kasama ang tatlong kapatid nito.
Masayang-masaya ang pamangkin ko at natupad ang birthday wish niya.
Kabilang si Vice Ganda sa mga panauhin sa Marco Sison: Seasons of OPM concert kagabi, Hulyo 25, Biyernes sa The Theater at Solaire, Asean Avenue, Parañaque City.
Patok na patok sa boomers o senior citizens ang jokes ng Unkabogable Superstar na hindi puwedeng i-recite sa TV.
Siyanga pala, mapapanood ang 8th EDDYS bukas, Hulyo 27, Linggo ng 10:45 PM sa Kapamilya Channel at Jeepney TV, at may worldwide streaming ito sa iWant.
Ang 8th EDDYS ay presented by Playtime PH in partnership with Newport World Resorts and ABS-CBN. Co-presented ito ng Globe, Sound Check, and Unilab.
